Taytay ni Juan

 

Mag-inang Teodora Alonzo at Jose Rizal (Gawa ni Ben Cabrera)

ANG MAG-INANG JOSE RIZAL at Doña Teodora Alonso ay kapwa deboto ng Nuestra Señora dela Paz y Buen Viaje, ang Mahal na Birhen ng Antipolo. Namintuho si Doña Teodora sapul pa noong nasa sinapupunan niya si Jose. Nalampasan niya ang labis na hirap sa panganganak, bagama’t isinilang si Jose na mahina ang katawan.

hamaka-2
Dilag bitbit sa hamaka at kasama sa prusisyon ng Birhen ng Antipolo.

Noong Hunyo 6, 1868 ay kabilang ang mag-ina sa mga debotong manlalakbay upang magpasalamat at tumupad sa pangakong dadalaw sa Mahal na Birhen ng Antipolo. Nagmula sila sa Calamba, Laguna saka tumawid sa Ilog Pasig, at dumadaan sa Cainta at Taytay (Rizal).

Naglakbay ang mag-ina na bitbit sa hamaka paakyat sa bulubunduking Antipolo. Gaya ng mga debotong matatanda at maysakit, pati kadalagahang “nag-iinarte” at mayayaman, ay nagpabitbit din sa hamaka. Mula noon, ang hamaka ay hindi na itinuturing na simpleng duyan lamang o kaya’y lulan ng paglalambing. Ang makasaysayang hamaka ay naging simbolo na ng tradisyon ng relihiyosong paglalakbay (pilgrimage) sa masintahing Birhen ng Antipolo. (Jose Rizal, deboto ni Maria) 

Living Rosary ng mga Taytayeño sa Parokya ni San Juan Bautista, iprinusisyon ang Nuestra Señora.

Ang masuyong tradisyong hamaka ay nagtatampok ng pagpupursigi ng mga debotong manlalakbay na makarating sa dambana ng Mahal na Inang Maria, tulad ng isang maysakit na nagpupursiging humahanap o gumagawa ng paraan para sa kaniyang ikalulunas (Marcos 2:4).

hamaka
Babaeng deboto, bitbit sa hamaka sa paglalakbay patungong Antipolo.

Ikinararangal ng mga Taytayeño na mapabilang sa mga masusugid na deboto ng Birhen ng Antipolo. Malapit sa puso’t diwa ng mga Taytayeño ang Birhen ng Antipolo, ang Patrona ng kanilang Diosesis. Para sa mga Taytayeño ay may masuyong haplos ang bawat himig ng Ave Maria at may indak ng paanyaya ang saliw ng awiting “Tayo na sa Antipolo” ni German San Jose noong 1929.

Tunay ngang ang Taytay (Rizal) ay nagmamahal kay Maria. Pueblo amante de Maria!

Ipagdangal ang Mahal na Nuestra Señora dela Paz y Buen Viaje!.

 

 

 

 

 

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *