Taytay ni Juan

Ay naku, dating sementeryo pala ang sinaunang bayan ng Taytay, Rizal.

Ang Visita de Santa Ana de Sapa, ang unang pamayanan ng Taytay na itinatag ng mga Franciscanong frayle noong 1579. Lagi itong binabaha dahil nasa gilid ng Laguna de Bay.

Si Padre Chirino ay naging kura paroko noong 1591. Maraming ulit niyang ipinanukala na ilipat ang simbahan at pamayanan sa mas mataas na lugar. Urong-church hillsulong ang mga tao dahil ang sementeryo ay nasa naturang lugar.

Malibang magtayo ng simbahan at bahay-tirahan ng pari sa mas mataas na lugar, nagbadyang lilisan at lilipat si Padre Chirino sa Antipolo na kung saan ay makapagmimisa siya nang maayos. Hindi binabaha. Di gaya doon sa lugar na pinagdausan ng kaniyang kauna-unahang Misa bilang misyonero sa tabing-lawa noong Marso 25, 1591, kapistahan ng Anunciata.

Tumugon lamang ang mga tao nang mailipat na sa bagong lugar ang krus mula sa binaklas na dating simbahan sa tabing-lawa. Ang paniwala nila’y “nawala ang kanilang tagapagligtas” sa lumang barangay. Gabi-gabi’y kinatatakutan nila ang mga “multo at kaluluwang dumadalaw.”

Naitayo ang simbahan at pamayanan sa mas mataas na lugar. Pinasinayaan ito bilang “San Juan del Monte” (San Juan ng Bundok). Pero nanatiling “Taytay” ang tawag ng mga tao sa kanilang bayan. Ito pa rin ang mismong lugar na kinatatayuan ng simbahan ng ating Parokya ni San Juan Bautista hanggang ngayon.

Ang mga misyonerong frayle na nakaligtas sa panganib ng paglalakbay-dagat papuntang Filipinas ay sumuong pa rin sa panibagong panganib sa pagmimisyon sa Taytay at sa iba pang lugar. Si Padre Martin Enriquez ang misyonerong pumalit kay Padre Chirino na inilipat sa Panay. Nang magka-epidemya sa Taytay, pinaparito ni Padre Antonio Sedeño si Brother Juan Prospero na may-kaalaman sa panggagamot upang makatulong sa pangangalaga sa mga biktima. Dahil sa labis na hirap sa gawain, si Padre Enriquez ay nanghina at dinapuan ng malaria. Namatay noong Peb. 5, 1593 sa edad na 28. Inilibing siya dito sa Taytay.

Si Padre Francisco Almeriepidemicci ang humalili subalit nagkasakit din kayat pinabalik sa Maynila. Naiwan sina Padre Sedeño at Padre Ramon Prat na naghalinhinan sa pangangalaga sa Taytay. Nang ganap na gumaling si Padre Almerici ay bumalik agad siya sa misyon sa Taytay. Nang sumunod na taon ay dumating naman si Padre Diego Santiago upang tulungan siya.

Si Padre Sedeño ay yumapak sa Taytay noong 1593, hanggang noong 1595 na siya’y naging unang rector ng Colegio de Manila at unang vice-Provincial o pinunong Jesuita sa bansa nang likhain ito sa ilalim ng Provincial  ng Mexico. Sumandali siyang nadestino sa Cebu at namatay dahil sa hirap dulot na rin ng katandaan noong Setyembre 1, 1595.

Si Padre Santiago ang nagpasimula ng pagtatayo ng unang simbahang-bato sa Taytay, subalit hindi siya pinalad na makita ang katuparan nito. Nasa Maynila siya nang lumusob ang Dutch noong 1600, at naatasan siyang maging chaplain ng punong barkong pandigma laban sa Dutch.

Lulan ng papalubog nang barko sa gitna ng labanan, kaysa iligtas ang sarili kasama ng iba pang nauna nang nagsipaglundagan sa tubig, mas pinili niyang magpa-iwan upang pangumpisalin ang sugatan at agaw-buhay na sundalong opisyal. Sinamahan siya ng Jesuitang laykong si Bartolome Calvo. Kapwa sila magiting na namatay sa edad na 29.

Paglipas ng isang taon, ipinagpatuloy ni Padre Almerici ang iniwang apostolado ni Padre Santiago sa mga Aeta, may 6 na milya ang layo sa Antipolo. Dito sa pamayanang ipinangalan niya kay Santiago siya tuluyang iginupo ng karamdaman. Kaagad siyang binalikan ni Padre Chirino at dinala sa Maynila at doon namatay noong December 2, 1601 sa edad na 35.

Ayon kay Padre Chirino, isang pinunong katutubo at tapat niyang kaibigan si Don Francisco Amandao. Isang matandang napakahusay magdisposisyon at humatol, “na minsa’y nagkaroon ng sakit ay isinakripisyo ang sarili sa Dikulamablo, inialay ang kalahati ng katawan sa diyus-diyosang anito. Kaagad namang naparalisado ang kalahating katawan, kayat maraming taon din siyang nagpatotoo sa publiko sa kaniyang pagiging suwail sa pananampalataya. Sa kaniyang taos na pagsisisi, namatay siyang tunay na Kristiyano, kasabay ng pagbagsak ng mga catalonan (mangkukulam, babaylan) sa bayan ng Taytay.” 

Nang lumaganap ang epidemya mula sa Maynila, may mga panghihikayat sa mga tao na bumalik sa pagsamba sa mga anito sa mga karatig na barangay ng Taytay at Antipolo. Araw-gabing lumaban ang mga frayle at pakyawan nilang ginamit ang mga sakramento ng Simbahan. Pinagbuti nila ang sistema ng paglilibing, prusisyon ng daan-daang may-hawak na kandila, lalo na kung ang namatay ay kasapi ng Cofradia na nahawa dahil sa pagbabantay at pagbubuhat sa bangkay ng mga namatay sa salot.

Nang lumaon ay napabilang na rin sa mga layunin ng Cofradia ang pagdalaw sa mga maysakit at para sa kanilang mapayapang pagyao. Hinihikayat nila ang mga binyagan na mangumpisal, ipaunawa ang pananampalataya sa mga hindi pa binyagan. Sa bawat baryo ay may isang krus sa kalsada na kung saan ay nagtitipun-tipon ang mga kabataan tuwing gabi para manalangin.

Inatake rin ng mga flibingrayle ang maluhong kaugalian sa pagbuburol ng patay. Dangan kasi, sa mga piging sa lamay ay nalulubog sa utang ang mga naulila, nasasangla ang ari-arian at maging ang sarili nila para lamang makabayad. Isa sa mga gawain ng itinatag nilang Cofradia ay ang pagbibitbit ng karo ng bangkay patungong libingan habang may mga sindi silang kandila. Pagkalibing sa patay ay kasama nila ang pamilya ng yumao sa simbahan para manalangin. Sa gayo’y natutupad ang layuning kabanalan at pagkakaibigan at hindi nakabibigat sa pamilya ng mga naulila.

Ayon sa yumaong Serving de Leon, isang lider-layko ng Parokya at dating Bise-Alcalde ng Taytay, “noo’y may isang tulay na “taytay” ang tawag ng mga Dumagat (Aeta). Ito ang tawiran sa ilog sa pagitan ng poblacion at sementeryo.” Ito ngayon ang tulay na tumatawid sa Taytay River sa kalye Maria Clara at Pulumbarit, at ang dating sementeryo ay ang kasalukuyang lugar ng San Isidro Elementary School (SIES) sa kalye Pedro Ocampo Hi-way 2000. [Kaugnay na istorya: Taytay, tulay at tete]

Ang SIES ay unang itinatag bilang paaralang primarya noong 1956 at naging ganap na elementarya noong 1958. Ang loteng ito na may lawak na 5,000-metro kuadrado ay “lupang mitra” na dating nakarehistro sa pangalan ng Arsobispo ng Maynila hanggang maisagawa nina Maria C. Tancinco at Dr. Cecilio G. Cruz ang deed of donation pabor sa Municipio ng Taytay noong June 5, 1972.

Ugh, mga patay at pobreng kaluluwa…mga misyonerong laan sa pagliligtas ng mga kaluluwa… Ipanalangin natin silang mga kaluluwa, lalo na yaong mga walang nakakaalala.

“Santa Maria, Ina ng Diyos, ipanalangin mo po kaming makasalanan ngayon at kung kami’y mamamatay. Amen.”

 

 

References

  • Chirino del P. Pedro. Relacion de las Islas Filipinas y de lo que en ellas han trabajado los padres de la Compania de Jesus1557-1635.Roma, 1604; 2 Edicion, Manila, 1890
  • Fr. Horacio de la Costa, SJ. The Jesuits in the Philippines 1581-1768.Cambridge, Massachusetts, Harvard University Press, 1961
  • Serving-Liling de Leon. Salaysay ng Parokiya ni San Juan Bautista,17 February 1992
  • Jose A. Fernandez. Lakbay-Pananampalataya, Parokya ni San Juan Bautista Taytay. 15 Sept 2013

 

(First posted: 26 Oct 2014  /  Current post edited)

 

 

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *