Taytay ni Juan


May nakabastang proyektong bagong ospital sa Taytay. Pinangalanan itong “Rizal Provincial Hospital Taytay Annex”. Ito umano’y moderno at may 245-bed capacity. Proyekto ito ng ating Pamahalaang Panlalawigan na sinasang-ayunan ng Municipio natin.

Totoong mainam magkaroon ng gayong pasilidad. Malaki ang ikabubuti nito sa mamamayan lalo na sa mahihirap. Ang kaso nga lamang, gigibain ang gusali ng lumang Municipio at Taytayeños Ancestral Home para doon mismo itatayo ang naturang ospital.

May mga tumututol lalo na yung mga elders na may malasakit sa kultura, alaala at dangal ng bayan. Kasi naman, tahasang masasagasa ang heritage ng Taytay na pinagyaman ng historya.

Nakakalungkot. Pare-pareho nating hangad ang kabutihang pangmadla. Kaso, nauuwi ang talakayan sa kampihan at batikusang pulitikero. Kaya Imbes na maglinaw ang usapin ay nagkakahati-hati pa ng kampo ang pamayanan.

May ignoranteng paghahamon pa na ang gusto’y pumili ang bayan kung alin sa dalawa: “Ospital na makakatulong o gusaling-Municipio na heritage lang sa kalumaan.”

Ang tamang sagot? Pareho nating yakapin ang dalawa. Deserved ng butihing Taytayeño yun!

Taytayeños Ancestral Home, katalikurang bahagi ng lumang Municipio.

Bakit? Pag-isipan natin ang mga puntong ito:

  1. Salat pa tayo sa impormasyon at kumpletong detalye tungkol dito. Wala pang tamang public disclosure, wala pang nagaganap na formal public hearing ukol dito. Opo, ang tinutukoy ko’y ang wastong proseso ng pagdaraos muna ng isang pormal na pagtatalakay dahil sangkot dito ang pampublikong kapakanan. Requirement ito sa itinatakdang sistema para sa good governance. Obligasyon ito ng mga pinagpipitaganan nating namumuno sa pamayanan.
  2. Ang lumang Municipio, Taytayeños Ancestral Home, kabilang na ang buong paligid sa Plaza Libertad, San Juan Gym, Emergency Hospital, at Simbahan ay pawang kabilang sa kategoryang cultural heritage ng Taytay. Protektado ang mga ito ng ating Batas, ang “Republic Act No. 10066 o National Cultural Heritage Act of 2009 (an Act providing for the protection and conservation of the national cultural heritage, strengthening the National Commission for Culture and the Arts (NCCA) and its affiliated cultural agencies, and for other purposes.”

    “Section 8. Cultural Property Considered Important Cultural Property. For purposes of protecting a cultural property against exportation, modification or demolition, the following works shall be considered Important Cultural Property:

    “Section 8.4. Works and Structures. Unless declared or its presumption removed by the National Historical Commission of the Philippines, works of national heroes, movable or immovable structures marked by the NHCP or any of Its predecessor agencies or structures at least fifty (50) years old, shall be considered Important Cultural Property.


    Samakatuwid, ang lumang Municipio at ang bahagi nitong Taytayeños Ancestral Home na nasa higit 50-taon ay kabilang sa Important Cultural Property ng Taytay. Ang paggiba nito’y maituturing na paglapastangan sa simbolo at alaala ng Bayan. Ang gayo’y maaaring itulad sa tiwaling akala na tila kapirasong yarda ng tela at kaputol na kahoy lamang ang sagisag nating Watawat. Tahasan itong LABAG SA BATAS. Kaya maghinay-hinay po muna sana tayo. Huwag magpadalus-dalos.

  3. Lahat naman tayo’y nagkakasundo at kumporme na magkaroon ng gayong malaking ospital sa Taytay. Nagkakaisa tayo sa hangaring ito. Kung gugustuhin, maaari namang itayo ang ospital sa ibang bakanteng lugar na kung saan ay hindi masyadong siksikan at matao. Gaya halimbawa sa bandang Hi-way 2000, malapit sa bagong palengke at bagong Municipio, o kaya’y sa Muzon o sa malapit sa Floodway.

    Mula pa noong likhain ang probinsiyang Rizal, nakikisukob lang tayo sa Rizal Provincial Hospital sa Pasig. Malayo sa atin ang Rizal Provincial Health Office and Hospital na nasa Morong; at naranasan ko mismo ang pumunta roon at makalikom ng mga gamot para sa medical mission sa mahihirap, kabilang ang mga taga-burol ng San Francisco Village sa Brgy. Muzon. Isa sa mga boluntaryong nahilingan ng Taytay Nationalist Alliance ay si Dr. Rey San Juan (noong hindi pa siya Gobernador ng Rizal).

    Sa ibang dako, ang kaniyang butihing kapatid na si Dr. Boyle San Juan na noo’y presidente ng asosasyon ng mga doktor (Taytay-Cainta-Angono ?), at pati si Dr. Balcita ay mga boluntaryo rin sa isang libreng gamutang bayan sa looban ng kalye Bulacan sa Brgy. San Isidro noong may batang namatay dahil sa sakit na tipus (1987?). Ako ang nag-ala-pharmacist sa pagdispatsa ng mga niresetang gamot komo nagkataong Secretary ng Ugnayang San Isidro-Sta. Ana (USISA) na nag-sponsor nito. (Ten years ago, isa ako sa natulungan ni Dr. Boyle sa Rizal Medical Center-Pasig, pero “hindi niya alam na ako iyon.” Salamat Doc!)

    Ang District Health Office and Hospital naman natin ay nasa Angono pa. At walang pampublikong ospital sa downtown Rizal (Taytay-Cainta area).

    Biruin n’yo, ngayon ay no. 2-3 ang Taytay (no. 1 ang Cainta) sa pinakaprogresong municipalidad sa buong bansa pero wala pa ring maipagmamalaking sariling modernong ospital? At isa pa: kulang na kulang talaga ang basic services ng Taytay, pangunahin na ang pangkalusugan, dahil na rin sa 5 lamang ang Pamahalaang Barangay natin na direktang nagsisilbi at nakaugnay sa mga komunidad.

    Ayon sa statistics, sa buong probinsiya ng Rizal, at maging sa buong bansa, pinakakulelat ang Taytay sa bilang na 5-Barangay lamang bagamat lampas-kuwalipikado tayo na dapat ay mas marami pa kaysa Binangonan na masuwerteng may 40-Barangay.

    Ito na lang sana ang usaping pulitikal na disente nating pinagdidiskusyunan maging sa social media at kahit sa mga tayantangan. Huwag ‘yung pagbabatikusan, bagkus ay pagtutulungan. Nananalig pa rin ako sa butihing Taytayeño na kilalang maginoo, marangal, at makatuwiran.

    Diyos ang una sa lahat! Mabuhay ang Taytay!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *