ANG TRADISYONG Katoliko ay may tatlong karaniwang paglalarawan sa nagdurusang Birheng Maria na Ina ng Diyos—ang Stabat Mater, Pieta at Mater Dolorosa.
Sa STABAT MATER (nakatayong Ina), naroon si Maria sa paanan ng Krus, sa gawing kanan ng katawan ng Panginoong Jesukristo na nakabayubay sa Krus. Si Juan Ebanghelista naman ay sa gawing kaliwa. Dito’y itinatanghal ang Birheng Maria bilang mistikong sagisag ng Pananampalataya natin sa Nakapakong Tagapagligtas, isang dakilang paghahayag kay Maria bilang Ina ng Kristong Tagapagligtas at kumakatawan din bilang Inang Simbahan.
Ang PIETA (luksa o lumbay) ay nagsalalarawan ng tagpo na ibinababa ang pinaslang na katawan ni Jesus mula sa Krus, o kaya’y nasa kandungan ng nalulumbay na Inang Maria, at maaaring naroon din ang nagluluksang mga kaanak at alagad. Ang Pieta ang pinaghalawan ng ika-13 Estasyon ng tradisyunal na Daang Krus (Via Dolorosa, Stations of the Cross). Ito rin ang ika-5 at ika-6 sa Pitong Hapis ng Birheng Maria (Seven Sorrows). Kadalasang ipinakikita sa Pieta na hawak ni Maria sa kamay si Jesus. Gayunman, may ibang komposisyon na nagpapakitang katuwang ni Maria ang Diyos Ama sa paghawak sa mga kamay ng Kristong namatay.
Ang MATER DOLOROSA (Ina ng Hapis) ay paglalarawan ng namimighating Inang Maria: nagluluksa na ang kadalasang kasuotan ay itim o initimang-asul, lumuluha, may tarak na punyal ang puso. Tulad ng dalawa pang nauna—ang Stabat at Pieta—iisa ang kategorya at manipestasyon nila bilang “Mahal na Inang Birheng Dolorosa.”
Ang pagdakila sa Mahal na Inang Dolorosa ay mahigpit na iniuugnay sa liturhikal na pagdiriwang ng Viernes Dolores, ang huling araw ng Biyernes sa panahon ng Kuwaresma bago mag-Semana Santa.
Ang debosyon sa Mahal na Birheng Dolorosa ay pinasimulan ng Servite Order, isa sa 5 orihinal na dukhang samahang Katoliko (mendicants) na gaya ng mga Franciscano at Dominicano, mga relihiyosong samahang namumuhay sa awa at limos. Ang Servite ay itinatag ng isang grupo ng mga mangangalakal na iniwan ang kanilang rangya at kabihasnan, propesyon at maging pamilya noong 1233, kapistahan ng Assumption, nang magpakita sa bawat isa sa kanila ang Birheng Maria habang sila’y nagninilay pagka-komunyon. Mula noo’y namuhay sila nang may karukhaan at kabanalan alinsunod sa disiplinang ermitanyo sa bundok—sa Monte Senario, Florence, Italy. Nakilala sila bilang “Seven Holy Founders.”
Ninais ng Mahal na Ina na pasimulan ng pitong kalalakihan ang kaniyang Order na gagayakan naman niya ng “pitong kaloob ng Espiritu Santo.” Noong gabi ng Viernes Santo, 13 Abril 1239 na nataon sa kapistahan ng Assumption (ang pag-akyat sa Langit kay Maria–katawan at kaluluwa), nagpakita ang Inang Maria sa “Seven Holy Founders.” Doo’y inilahad ng Inang Birhen ang habitong isusuot nila at ang gagamiting itim na scapular bilang pag-alaala sa pagdurusa ng Mahal na Ina sa Pagkakapako sa Krus at Pagkamatay ng kaniyang Anak. At sila nga’y pinangalanang “Servants of Mary,” alalaong baga’y batay sa “Panuntunan ni San Agustin.” Kilala sila ngayon bilang Ordo Servorum Beatae Mariae Virginis – O.S.M.).
Ang pagdiriwang ng kapistahan ng Pitong Hapis ni Maria ay pinasimulan ng Servants of Mary noong 1668. Ito’y pinalawak ni Pope Pius VII sa buong Simbahan noong 1814. Noong 1913 ay pirmihang itinakda ni Pope Pius X ang pagdiriwang ng Birheng Dolorosa tuwing ika-15 ng Setyembre bilang pagtatanghal sa partisipasyon ng Birheng Maria sa pagpapakasakit ni Jesus, kasunod ng araw ng Pagtatagumpay ng Krus (Triumph of the Cross) na ipinagdiriwang naman sa ika-14.
Ang kapistahang ito’y iniaalay sa espirituwal na pagiging-martir ng Inang Maria, at ng kaniyang pagmamahal sa pagpapakasakit ng Banal niyang Anak. Sa pagpapakasakit ng Inang Maria bilang kaagapay sa pagliligtas (co-Redemtrix), ipinaaalala niya ang lubhang kasamaan ng kasalanan at itinuturo ang landas ng tunay na pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos (repentance).
Sa kasalukuyang yugto ng kapanahunan natin, nag-uumigting at natutupad na ang mga makalangit na propesiya, mga babala ayon sa mga mensahe ng Mahal na Birhen ng La Salette (19 Setyembre 1846) at Fatima (13 Octubre 1917). Patuloy ang paglaganap ng imoralidad, karukhaan, malawakang pagpatay, at digmaan, pagtataksil sa Pananampalataya (apostasy) at paglapastangan sa Diyos (blasphemy), pagsulong ng mga kultong Satanista at mga tanda ng “pag-ahon ni Lucifer mula sa impiyerno.” Patuloy na nagdurusa’t nasusugatan ang Panginoong Jesus sa kasalanan ng mundo, Nagdurusa’t lumuluha pa rin ang Birheng Dolorosa.
Gayunman, kay-inam isipin at damhin ng kaluluwa na mayroon din tayong Nuestra Señora de la Soledad o Birhen ng Payapang Pag-iisa, at Virgen de la Esperanza o Birhen ng Pag-asa, na pawang kabilang din sa kategorya ng “Dolorosa.” Nakalulunas sa lumbay ng kaluluwa ang gabay na pananalita ni Pope Benedict XVI, September 13, 2009 (sariling translation ng may-akda):
“Nanalig ang Birheng Maria sa salita ng Panginoon. Hindi nawala ang pananampalataya niya sa Diyos nang makitang tinanggihan, inabuso’t ipinako sa krus ang kaniyang Anak. Nanatili siya sa tabi ni Jesus, nagdurusa, nagdarasal, hanggang wakas. At nakita niya ang bukang-liwayway ng Muling Pagkabuhay. Matuto tayo sa kaniyang pagpapamalas ng pananampalataya na may pakumbabang paglilingkod, handang yumakap sa pananalig sa Ebanghelyo ng pag-ibig at katotohanan, at nakatitiyak na walang masasayang sa ating mga pagsisikap.”
Salve Regina, ipakita mo po sa amin ang Anak mong si Jesus, ilapit kami sa Kaniya…
Ave Maria, napupuno ka ng grasya, ipanalangin kami ngayon at kung kami’y mamamatay… Amen…