Payag ka bang 5 Barangay lang ang Taytay?
Layon ng Local Government Code of 1991
Ang Barangay bilang batayang yunit pampulitika ay ang pangunahing tagabalangkas at tagapagpatupad ng mga patakaran, plano, programa, proyekto, at mga gawain ng gobyerno sa komunidad. Ang pamamahalang Barangay rin ang daluyan ng serbisyong pamayanan, salabayan ng kolektibong pananaw ng mga mamamayan, at dito inaayos ang mga alitan at hidwaang pangkomunidad.
Alinsunod dito, ang Barangay ay binubuo ng isang kulumpong teritoryo na di-kukulangin sa 2,000 ang populasyon; maliban ito sa mga siyudad at municipalidad ng Metro Manila at iba pang urbanisadong lugar na dapat ay may 5,000 naninirahan (Section 386). Kung mas maraming Barangay, mas maraming lingkod-bayang mamamahala. Gaya ng dapat mangyari, magiging mas maagap, masinop, at mabisa ang serbisyong lokal para sa mamamayan.
MAS DEMOKRATIKO ANG DECENTRALIZATION at DEVOLUTION. Higit na magiging aktibo ang papel ng komunidad at lubos ang partisipasyon ng mamamayan sa pamamahalang lokal. Sa sistemang pamamahalang Barangay ay masasanay ang mga lokal na lingkod at lider. Sa pangkalahatan ay matututo ang mamamayan. Tataas ang kanilang antas ng kamulatan. At maiibsan pa, kundi man ganap na malunasan, ang malaon nang sakit ng maruming pamumulitika na nakatampisaw pababa hanggang sa Barangay. Nakakadismaya na pati ang kabataang lumalahok sa gawaing-Barangay ay maagang nahahawa sa tiwaling kalakaran ng mga “beterano sa lumang pulitika.”
Sa Barangay ay maisasabuhay ang layuning desentralisasyon o debolusyon ng pamamahala mula sa taas-pababa, patungo sa lokalidad. Ang sentrong usapin kung gayon ay ang mapasa-kamay ng “nasa-ibaba” ang kapangyarihang mamahala sa sariling komunidad tungo sa kaunlaran na sila mismo ang may-hawak. Hindi iyong hahabul-habol ang mga tao sa nasa poder sa itaas, dikit nang dikit sa mga pulitiko para hindi mapag-iwanan ng biyaya ang mga nasa ibaba.
Sabi nga ni Sen. Aquilino “Nene” Pimentel Jr., ang awtor ng Code, “Ang tangi nating pag-asa para paunlarin ang bansa ay dalhin ang kapangyarihan, responsibilidad, at resources mula sa sentral patungo sa antas na lokal.”
HISTORYA NG BARANGAY. Si Padre Juan de Plasencia ay kinikilalang “Ama ng Filipinong Barangay”. Isinulat niya ang Relacion de las costumbres delos tagalos noong 1589. Ang Relacion ay sumaklaw sa pamamahalang panlipunan, pangkatarungan, kalayaan ng mga alipin, usapin ng mga ari-arian at mana, at kasalan. Sa pamamagitan nito’y napanatili at pinahusay ang batayang istruktura ng sinaunang Barangay ng mga katutubong ninuno natin na dinatnan ng mga Kastila.
Sa kalaunan, ang Relacion ni Padre de Plasencia ay tinawag ding Codigo civil y codigo penal consuetudinarios de los filipinos. Ito nga ang naging kauna-unahang batas o Civil at Penal Code ng Filipinas. Ayon dito, ang isang Barangay ay binubuo ng may 100 naninirahan sa isang komunidad. Sa ganitong balangkas ay mas mahusay na mapapamahalaan ang komunidad na siksik at may maliit na bilang lamang ng mga residente ang nasasakupan (kaugnay na paksa: “reduccion”).
Ang pueblo o bayan ng TAYTAY ay naitatag ng mga misyonerong Franciscano sa pangunguna ni Padre Juan de Plasencia. Panimulang binuo ito ng tinipong 3 Barangay — ang Mabolo [na naging Santa Ana], Sampoga [na naging San Juan], at Bangyad [na naging malawak na Muzon] — noong 1579. Kalaunan ay nadagdag ang Barangay San Isidro. Pagkatapos ay ang Barangay Dolores matapos ang Himagsikang sinimulan ng Katipunan. Pero hanggang ngayong 2018, makalipas ang ilang daang taon, napakalaki na nang isinulong ng kaunlaran at dumami nang lubos ang populasyon, nguni’t iyon pa rin ang dating 5 Barangay ng TAYTAY.
Subukan nating magkumpara sa iba’t ibang lugar. Tingnan ang table na ginawa ko. Panimula at hapyaw lang ito. Mas mainam na gumawa rin ng sariling inyo, at pihadong mas marami pa kayong matutuklasan.
Ang TAYTAY (5-Brgy.), CAINTA (7 brgy.; may pending proposal na dadag na 18 Barangay noon pang 1990s), ANGONO (11-Brgy.), at BINANGONAN ay mga first class na municipalidad ng Probinsiya ng Rizal. Ang MORONG (8-Brgy.) ay second class municipality. Pinakamaraming Barangay ang Binangonan (40-Brgy.) na isa ring first class municipality. Mas marami pa nga kaysa sa ANTIPOLO City (16-Brgy.)
Ang MAJAYJAY (40-Brgy.), at LILIW (33-Brgy.) ay parehong fourth class na municipalidad ng Probinsiya ng Laguna. Ang NAGCARLAN (52-Brgy.) ay second class. Ang SAN PEDRO City ay may 27 Barangay.
Ang MARIVELES, Bataan (18-Brgy), ROSARIO, Cavite (20-Brgy.), at MARILAO, Bulacan (16-Brgy.) ay pawang mga first class municipalities. Ayon sa pagkakasunud-sunod ay No.2, No.4, at No.5 richest municipality, (COA 2016).
Pagtapatin natin ang TAYTAY at BINANGONAN, one-on-one. Pareho silang first class municipality; mas angat ang income ng TAYTAY (No.3 richest municipality) at mas malaki ang internal revenue allotment (IRA) dahil mas malaki ang populasyon. Ngayon, bakit naman 5-Barangay lang ang TAYTAY samantalang 40-Barangay ang BINANGONAN na No.10 richest municipality ?
Kahit pa pagbali-baligtarin ang pagkuwenta at ikunsidera ang income category, population, at land area na pamantayan ng Local Government Code ay talagang kulelat pa rin ang TAYTAY sa angkop na bilang ng mga Barangay sa buong probinsiya ng RIZAL. At pati nga sa buong bansang FILIPINAS !
Ano ba ‘yun? Grabe, hindi ito basta isang serious oversight lamang! Para sa akin, ito’y isang tumanda nang anomalyang pulitikal at administratibo! Solusyonan na agad ito!
ANO ANG REMEDYO? Nasasaad ito sa Local Government Code, Section 385 (Manner of Creation). Ayon dito, “sa rekomendasyon muna ng Sangguniang Bayan [ng Taytay] ay maaaring magpasa ng batas-ordinansa ang Sangguniang Panlalawigan [ng Rizal], pero ito ay kailangang aprubahan pa ng boto ng mayorya sa isang plebesitong gaganapin [ng Comelec] sa mga apektadong lugar o may-kinalamang lokal na yunit ng pamahalaan (LGU).”
Butihing Taytayeño, tutukan natin ito. Now it’s your move, LGU officials!