SI PADRE JUAN DE PLASENCIA ang awtor ng Relacion de las costumbres delos tagalos. Ito ay inakda niya sa Nagcarlan, Laguna noong Oktubre 1589.[1]
Ang Relacion de las costumbres ay naging batas noong panahon ng pananakop ng Kastila. Sa pamamagitan ng batas na ito’y pinangalagaan ang mga pamanang kostumbreng katutubo—kaugalian, tradisyon, at paniniwala ng mga katutubong Filipino. Ito ang ginamit ng pamahalaang-sibil ng Kastila bilang batayan ng mga alcalde-mayores (gobernador) sa kanilang sistemang pangkatarungan.
Ang Relacion de las costumbres ay sumasaklaw sa pamamahalang panlipunan, pangkatarungan, para sa kalayaan ng mga alipin (slavery), usapin ng mga ari-arian at mana, at kasalan. Pinanatili at pinahusay nito ang batayang istruktura ng sinaunang barangay na dinatnan ng mga Kastila.[2]
Itinakda ng Relacion de las costumbres na ang barangay (katumbas ng barrio) ay bubuuin ng may-isandaang kabahayan (households) bilang komunidad na pamumunuan ng kuwalipikadong lider-katutubo na tinawag na cabeza de barangay.
Sa prinsipyo ng Relacion de las costumbres, ang barangay ay batayang yunit ng pamayanang binyagan. Bilang teritoryong inorganisa at pinamahalaan sa diwa ng Katolisismo, in-abolish ng Relacion de las costumbres ang dinatnang sistemang alipin (slavery) ng mga katutubong Indio.
Kaugnay niyon ay dinekreto ni Pope Gregory XIV sa kaniyang Bulla Cum Sicuti (18 Abril 1591) na “ang mga Katoliko sa Filipinas ay magbayad-pinsala sa mga katutubong Indio na ibinulid ng mga Europeo sa pagkaalipin; at kung hindi nila mapalaya ang mga alipin, papatawan ng excommunication ang mga susuway.”
Mga barangay, bayan ng Taytay
SI PADRE JUAN de Plasencia, ang Franciscanong founder ng bayang Taytay. Siya ang “Ama ng reduccion” at “Tatay ng Filipinong Barangay.”
Nang dumating ang misyong Franciscano, ang Mabulo ang unang komunidad ng mga katutubo sa reduccion ng Taytay. Natitipon ang mga tao doon sa lugar na madalas na binabaha at malapit sa baybayin ng malawak na Lawa ng Laguna.
Ang Mabulo ang naging unang barangay-barrio. Bilang pagsasaalang-alang sa kostumbreng katutubo (inculturation), pinangalanan itong barangay Santa Ana bilang parangal sa katutubong pinunong binyagan na si Francisco Santa Ana. Hinalaw ang pangalan ng pinuno kina San Francisco de Asis (Assisi) at Santa Ana na lola ng Panginoong Hesus. Pareho silang paboritong patron ng Ordeng Franciscano.
Sa kalaunan ay nabuklod ang tatlong naorganisang barangay—ang Mabolo na naging Santa Ana, ang Sampoga na naging San Juan, at ang Bangyad na naging Muzon—at pormal na naitatag ang reduccion ng Taytay bilang isang pueblo o bayan.[3]
Sa umpisa ng misyong Jesuita noong 1591 ay umabot na sa 400 ang kabahayan sa Taytay. Nagkaroon ng apat na barangay; bawa’t isa ay nasa ilalim ng pamumuno ng isang datu na nagsilbing katumbas ng cabeza de barangay.[4]
Noon ay mayroong mga 2,400 hanggang 3,000 na katutubong naninirahang sa pueblo ng Taytay. Ang 600 sa kanila ay nagbubuwis (tributante). Ang Antipolo na narating ng misyong Jesuita—na kasunod ng Taytay—ay mayroon pa lamang 100 kabahayan noon.[5] Ang Cainta ay annex o bahagi lamang ng Taytay.
Ang Relacion de las costumbres ay tinawag ding Codigo civil y codigo penal consuetudinarios de los Filipinos. Ito ang naging kauna-unahang civil at penal code ng Filipinas.[6]
Ang Relacion de las costumbres ni Padre de Plasencia ay patuloy na ginagamit na reperensiya at paminsan-minsan ay kinokopya pa ng mga sinauna at makabagong manunulat, at historyador. Ang ilan sa kanila ay sina Dr. Antonio de Morga ng La Audiencia (1598-1609), Padre Gonzalo de la Llave, OFM (1605), Padre Juan de San Antonio, OFM (1738-1744), Padre Francisco Colin, SJ (1663), Dr. Trinidad H. Pardo de Tavera (1892), Pedro Alejandro Paterno (1892), Emma Helen Blair at James A. Robertson (1911), at Padre Lorenzo Perez, OFM (circa 1930). Kabilang din sa kanila ang historyador na si Padre Pablo Pastells, SJ (1900-1902)—isang malapit na kaibigang Atenista ni Dr. Jose Rizal.
Isang kopya ng manuskrito ng Relacion de las costumbres ang nahugot ni Dr. T. H. Pardo de Tavera sa kumbentong Franciscano sa Maynila. Inilathala niya ito sa Madrid noong 1892.
May lumitaw rin na Ynstruccion de las costumbres que antiguamente tenian los naturales de la Pampanga. Bagamat wala itong pabalat-na-pamagat at ng mismong lagda ni Padre de Plasencia na gaya ng makikita sa unang lumabas na Relacion de las costumbres, ito ay pinaniniwalaang akda rin niya dahil sa pagkakatulad ng diwa at estilong pagsulat ng nilalaman nito.[7][8]
May naingatan ding sinaunang ulat sa arkibo ng Britanya at España na may-titulong Relacion de las islas Filipinas na kinilalang “unang nalimbag na balita tungkol sa Filipinas.” Napakahalaga ng dokumentong ito dahil “lubos itong nakalaan sa pagpapalaganap ng impormasyon hinggil sa Filipinas noong mga unang taon ng pananakop ng Kastila.” Pinaniniwalaang akda rin ito ni Padre de Plasencia.[9]
Natagpuan din ang mga ulat ni Padre de Plasencia na kasama sa kalipunan ng mga batas na pinairal ng La Audiencia, ang pamahalaang Kastila sa Filipinas, noong 1598-1599. Ang naturang mga batas ay ang Ordenanzas dadas por la Audiencia de Manila para el buen gobierno de aquellas yslas. Ito ay pinagtibay ng La Audiencia para mapamahalaan nilang mabuti ang buong kapuluan ng Filipinas.
Si Dr. Antonio de Morga ay naging tiniente gobernador—ang ikalawa sa pinakamataas na pinunong gobyerno ng La Audiencia—noong 1594 hanggang 1604. Ang kaniyang pamamahala bilang huwes at pagiging historyador ay lubhang naimpluwensiyahan ng saysay-na-ulat ng Relacion de las costumbres ni Padre de Plasencia.
Ang Sucesos de las Islas Filipinas ni Dr. Morga (1609) ay kakikitaan ng pagsasaalang-alang sa saysay-na-ulat ni Padre de Plasencia. Ang aklat na ito ni Dr. Morga ay itinuturing na isa sa pinakamahalagang aklat-pangkasaysayan ng Filipinas noong kasisimula pa lamang ng pananakop ng mga Kastila sa Filipinas.
Ayon mismo kay Dr. Morga, “ang Sucesos ay isang tapat na salaysay, walang paliguy-ligoy, at salat sa palamuti…hinggil sa pagkakadiskubre, pagkakasakop, at pagbabagong-loob (conversion) ng kapuluang Filipinas, kabilang na ang iba’t ibang pangyayaring kinasasangkutan nila… at tiniyak ang paglalahad ng tunay na pinagmulan nito…”
Si Rizal, mga creole at illustrado
ANG CREOLE sa ating historya ay mga taong may purong dugong-Kastila na ipinanganak sa Filipinas. Katumbas din sila ng lahing Kastila na may-halong katutubo (mestizo).
Ang ilustrado (“naliwanagan”) ay mga Filipinong maykaya-sa-buhay, edukado, at nakaaangat sa lipunan noong panahon ng Kastila.
300-taon pa ang lumipas. Naghahanap noon si Dr. Jose Rizal ng mapagkakatiwalaang reperensiya hinggil sa historya ng Filipinas. Ang Sucesos ni Dr. Morga ang kaniyang nakursunadahan at napili. Ang Sucesos ang isa sa mga unang aklat ng historya ng Filipinas na naisulat at pormal na nailathala (1609); ang pinakaunang aklat ng historya ay ang Relación delas Islas Filipinas (1604) ni Padre Pedro Chirino na naging unang misyonero at Kura Parokong Jesuita sa Taytay noong 1591.
Sinuri ni Jose Rizal ang mga datos at talang-pangkasaysayan ng Sucesos ni Dr. Morga. Ginawan niya ito ng mga komentaryo (annotations) at saka niya muling inilimbag, at inilathala ang Notas a la Obra Sucesos de las Islas Filipinas for El Dr. Antonio de Morga sa Paris noong 1889.
Layunin ni Rizal na sa pamamagitan ng Sucesos ay “patunayan na ang kulturang Filipino ay maunlad na bago pa man dumating ang Kastila.” Sa kabila ng pagiging metikuloso at mapanuri ni Rizal ay nalaktawan niya ang mga paksang tahasang progresibo na may kaugnayan sa Relacion ni Padre de Plasencia.
Walang imik si Rizal sa mga bahaging hinggil sa konsepto ng “kalayaan ng mga alipin, karapatang pantao, at batas-pangsibil” na tahasang bago, nakaaangat, at “lampas-sa-antas” noong kapanahunang iyon ng kolonyalismo (“Age of Discovery and Exploration”) nang isulat ni Padre de Plasencia ang mapangahas na Relacion noong 1589.
Sa kasagsagan ng Kilusang Propaganda at paglaban ng mga creole at ilustrado sa Kastila, ang Relacion at Ordenanzas ay inilathala ni Pedro Paterno sa kanyang pahayagang Ang Barangay sa Madrid noong 1892. Tahasan niyang sinabi na, “bahagi ito ng aking aklatan.”
Pero ang reaksiyon naman ni Dr. Trinidad H. Pardo de Tavera: “Kinopya lamang ni Paterno ang Relacion mula sa aking pahayagang Revista contemporanea na may-petsang 15 Hunyo 1892.” Ang titulo ng inilathala ni Tavera ay Las costumbres de los Tagalos de Filipinas. Nilagyan niya iyon ng anotasyon at may kalakip na “talambuhay ni Padre de Plasencia, ang venerableng misyonerong Franciscano na nagkaroon ng isang napakahalagang bahagi sa historya ng Filipinas noong mga unang taon ng pananakop ng Kastila.”
Ang inilathala ni Tavera ay isinalin naman sa wikang German ni Ferdinand Blumentritt—isang “maka-Filipinong” Austrianong awtor, propesor, at iskolar—na itinuturing na pinakamalapit na kaibigan at kakunsultahan ni Jose Rizal. Nailathala ito sa Zeitschrift fur Ethnologie at may titulong Die Sitten und Brauche der alten Tagalen noong Enero 1893.
[1] Emma Blair and James Alexander Robertson. The
Philippine Islands 1493-1898. Vol. VII (1588–1591) p.176
(p.164-185)
[2] Perez-Plasencia, p. 54; Fernando Cid Lucas. Nagasaki:
Ciudad (ibérica) del comercio y de las artes durante los siglos
XVI y XVII, A Expansão: quando o mundo foi portugués
(Farias de Assis, Levi y Beites edts.). Braga, Viçosa y
Washington, FAPEMIG, 2014. p.42-60
[3] Jose ‘Ding’ Fernandez. Taytay founder: Position Paper
[4] Chirino del P. Pedro, SJ. Capitulo IX, p. 33;
Horacio de la Costa, SJ. The Jesuits in the Philippines
1581-1768. Cambridge, Massachusetts, Harvard University
Press, 1961; “Mission Stations”, p. 137-138
[5] De la Costa, SJ. p. 137
[6] Perez-Plasencia, p. 54; Fernando Cid Lucas. Nagasaki:
Ciudad(ibérica) del comercio y de las artes durante los
siglosXVI y XVII, A Expansão: quando o mundo foi portugués
(Farias de Assis, Levi y Beites edts.). Braga, Viçosa y
Washington, FAPEMIG, 2014.
[7] Francisco Colin, SJ. Labor evangelica, ministeriosapostolicos
de los obreros de la Compania de Iesus, fundacion, y
progressos de su provincia en las islasFilipinas, ed. Pablo
Pastells, (Barcelona, 1900-1902). T. I, lib. III, c. IX, p. 131
[8] Rafael Mota Murillo. “Juan de Plasencia, Franciscano,
Promotor de la Educación y Etnógrafo (1520?-1590).”
Sebastián García, OFM, ed. Extremadura en La
Evangelízación del Nuevo Mundo, Actas y Estudios,
Congresso celebrado en Guadalupe. 24-29 Octubre 1988,
(Madrid: TurnerLibros S.A., 1990). p. 607-623.
[9] Cayetano Sanchez. “The First Printed Report on the
Philippine Islands”. Philippiniana Sacra. Vol.XXVI-no. 78
(Sept.-Dec., 1991). p. 473-500