Salubong ng Taytay
sa National Heroes Day, 2023
Two days ago, pinasinayaan na ang pagbubukas ng ₱311.9-M proyektong Rizal Provincial Hospital System (RPHS) -Taytay Annex sa kabila ng naka-pending na mga reklamo laban sa maanomalyang pagkakatayo nito sa mismong puwesto ng heritage at makasaysayang Lumang Municipio. Una munang giniba ang dating Municipio, tinanggal ang Monumento ni Rizal-Inang Bayan at Watawat ng Filipinas kahit pa may cease-and-desist order ang NHCP.
Dalawang ulit tinangka ng nasa poder na dispatsahin ang lumang gusaling Municipio sa pamamagitan ng build-operate-transfer scheme (BOT) noon pang 2009 at 2012; hindi nga lamang ito naipatupad. Sa BOT scheme, magde-demolish saka magtatayo ng panibagong proyektong kursunada ng pribadong interes.
Pero desidido silang i-demolish ang gusaling Municipio at Monumento. Itinaon nila sa panahon ng pandemic at saka nila binakbakan mula Nov. 2020 hanggang Enero 2021.
Kung hospital lang sana per se, mabuti ‘yun. Kailangang-kailangan at deserve naman ito ng Taytay na kabilang sa mga pinakamayamang bayan sa buong bansa. Napakatagal na panahon nang napagkakaitan ang Taytayeñong taxpayers ng maayos na serbisyong medikal.
Noon simula’y naghuhusto pa. Pero sa panahon ngayo’y hindi na nakatutugon nang sapat ang kauna-unahang lokal na Emergency Hospital sa Rizal na ipinatayo pa ng yumaong Mayor Jojo Zapanta noong 2000.
Naging mainam pa sana kung doon sa ekta-ektaryang lupain ng Taytay sa Muzon kalapit ng Sports Complex itinayo ang Hospital na ito gaya ng unang plano na ipinahayag ng Capitolio at Municipio sa publiko; o kahit sana sa iba pang angkop at maluwang na lugar gaya sa Hi-way 2000, Arenda-Floodway, at Club Manila East malapit sa bagong Municipio.
Walang alingasngas at pagtatalo kung nagdaan sa tamang proseso ang pagkonsepto ng proyekto—kung kinunsulta man lang ang pamayanan, pinag-aralan munang mabuti at may feasibility study ang kinauukulan; kung sumunod sana sila sa umiiral na mga Batas, Regulasyon at Guidelines kaugnay ng Heritage Law, Building Code, Local Govt. Code, Health Facility, Environmental Compliance, Inventory-Audit, Zoning at Development Planning, at iba pa.
Wala man lang ipinaskel na Demolition Permit ng lumang Municipio. Walang maipakitang Building-Engineering Plan at kaukulang Building Permit ng ipinalit na hospital. Hindi rin nagsumite ng rekesitong Site Development Plan sa DOH, LLDA, DENR, DPWH, at higit sa lahat sa NHCP kaya nagpalusot lamang para sila magka-permit at clearance. Nagkaroon ng environmental compliance certificate (ECC) kahit walang anumang anino ng Waste Treatment Facility na kailangan para sa malaking tertiary hospital na ganitong nasa pinakamataong lugar na Gitnang-bayan.
Makupad ang hustisya. Hanggang ngayon ay natutulog pa ang kaso sa Ombudsman na isinampa ng NHCP laban sa Mayor, buong Sangguniang Bayan, at Building Official noong Oct. 1, 2021 pa ‘yun. Higit 1-taon na pero wala pang maitugon ang Malakanyang at mga Ahensiyang DOH, DPWH, DENR-LLDA, DILG sa paglapastangan sa pamanang-lahi at historya ng Taytay. Laos na ba, o hindi na kasali ang Taytay sa Rule of Law? Mapananagot pa ba ang mga makapangyarihang tampalasan?
Ngayong naipilit na ang pagbubukas ng RPHS, tuluyan nang ibinasura ang Watawat ng Filipinas at patuloy na gagawing parkingan ng VIPs at tambayan ang dapat sanang maalwan at hawan na harapan ng Monumento ni Rizal-Inang Bayan. Ang Monumentong ito pa naman ang centerpiece ng sonang pamanang-lahi (heritage) na matatagpuan sa ating nagisnang kaayusan ng Gitnang Bayan.
Kahit minsan man lang sana sa buhay ng mga public servants, lalo na ng mga opisyales ng Municipio at Capitolio, pati ng mga katoto nilang Knights of Rizal, ay maunawa nilang ang Monumento ay focal point at dakilang palatandaan sa bayan ng Taytay. Isa itong pag-alaala sa pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal na sa kaniya ipinangalan ang ating Probinsiya (US Phil. Commission Act No.137, June 11, 1901).
Pero bakit siya’y binaklas mula sa orihinal na puwesto saka inilipat sa isang sulok ng gusaling hospital na wala pa manding toxic waste treatment facility?
Ang Lumang Municipio, Monumento at Watawat [kabilang ang Flagpole bilang integral na bahagi nito] ay marapat lamang na itratong sagrado’t banal. Ang historiko at makabayang pagpapahalagang ito ay nakatadhana sa National Heritage Law of 2009 (RA 10066), Flag and Heraldic Code of the Phil., 1997 (RA 8491), at inilatag sa NHCP Guidelines on Monuments Honoring National Heroes, Illustrious Filipinos, and Other Personages (2012).
Nakakabagabag ang mga susunod na pangyayari. Tiyak nang itutuloy ang pag-demolish ng San Juan Gym — ang dating Plaza Libertad — para gawing parking area batay sa naudlot na plano ng Capitolio sa harap ng pagtutol at reklamo ng pamayanan.
Lalong magsisikip ang buong paligid. Masasalanta ang malaon nang tradisyong sibiko at kultura lalo na ang mga relihiyosong kaganapang dumadaloy mula sa Simbahan ng Taytay na isang rehistradong Important Cultural Property (ICP).
Hindi pa siguro huli ang lahat. Alalahanin natin ang values na Honor and Respect, at kaayusang prinsipyong Rule of Law.