Taytay ni Juan

(First posted 28 April 2017)

Ssn Isidro

San Isidro Labrador sa Chapel ng Taytay

NOONG 1998, may isang lumang Regal sewing machine na de-padyak ang nakatambak lang sa isang sulok ng aming bahay. Ipinakumpuni ito ng misis ko sa tatay ng isang batang mag-aaral sa Rural Improvement Clubs Children’s Center (RIC-CC-Brgy. San Isidro) na nasa gawing likuran ng aming bahay sa tabi ng Sapang Maningning.

Ako ang nag-asikaso habang ginagawa ang makina. Tinuwangan ko ang mekaniko para ipuwesto sa lugar ng pagkukumpunihan. Bago magtrabaho, sumalampak muna siya sa malamig na sementadong sahig kaharap ang makina. Katabi ang kaniyangbitbit na tools bag.

Yumukod siya. Hindi ko inaasahan, napansin kong banayad siyang nag-antanda at tahimik na umusal ng maikling panalangin. Saka lamang siya nagsimulang magtrabaho.

Nakatayo lang ako. At napatanga sa ikinilos niya.

SAN ISIDRO LABRADOR — Ang eksenang iyon ay dagling nagpaalala sa akin ng banal na katangian ni San Isidro Labrador, ang Patron ng Madrid (España), at ng mga magsasaka at trabahador sa bukid. Bago magtrabaho sa bukirin, una munang nagdarasal si San Isidro. Maaga siyang dumadalo sa Banal na Misa. Nakikipagniig muna siya sa Panginoong Maylikha bago siya humawak ng araro.

Isidro de Merlo y Quintana ang tunay niyang pangalan. Nagmula siya sa isang mahirap ngunit debotong pamilyang Katoliko. Ipinanganak siya sa Madrid at bininyagan ayon sa pangalan ni San Isidro na Patron ng Seville; isang Obispo, iskolar, at itinuturing na “siya na ang huli sa mga Padre ng Simbahan.”

May mga kasamahang trabahador si Isidro na nagrereklamo noon sa kanilang amo dahil madalas na tinatanghali siya kung mag-umpisang magtrabaho sa bukid. Pero kumpara sa kanila, nakamamanghang higit na mahusay at malaki ang resulta ng nagagawa ni Isidro. Mas masagana’t mabunga ang bukirin na nakaparsela sa kaniya.

Mapalad si Isidro dahil “sumampalataya muna siya, kahit hindi pa niya nakikita ang resulta.” Inuuna niya ang pagdarasal, at habang taimtim siyang sumasamba sa Diyos ay may anghel namang nag-aararo sa bukid para sa kaniya. At kapag nagtatrabaho na siya, may mga nakakakita na sa magkabilang tabi niya’y may mga anghel siyang katuwang sa pagsasaka ng bukirin.

Milagro! Katumbas ng tatlong-katao ang natatapos niyang gawain.

Pinagpapala ang bawa’t gawa ng mga kamay ni Isidro. Nagpapakita ito ng dignidad ng paggawa. Gumagawa siya nang may kababaang-loob. Namumuhay nang payak. May kabanalan.

BUHAY-PAMILYA, KABANALAN — Ang pinakadakilang maihahandog ng isang mister sa kaniyang misis ay ang pag-aakay sa buhay patungo sa kabanalan.

Isidro-Maria

San Isidro Labrador at Santa Maria de la Cabeza

May 438 na milagro ang iniuugnay kay San Isidro Labrador. Isa sa pinakapopular ay ang pagkakaligtas ng kaniyang anak na si Illian na nahulog sa malalim na balon. Nang magdasal silang mag-asawa ay saka lamang tumaas ang lebel ng tubig sa ilalim ng balon hanggang sa lumutang paitaas ang bata kung kaya’t nasagip nila sa tiyak na kamatayan. Ang naturang balon ay matatagpuan pa rin ngayon sa Museo de los Orígenes o Museo de San Isidro sa Plaza de San Andrés, Madrid.

Ang buong buhay ni San Isidro Labrador at ng asawa niyang si Sta. Maria de la Cabeza ay nasa gawaing-bukid. Sa kabila ng kahirapan sa buhay ay nagbabahagi pa rin sila ng paglingap sa kapwa. Si San Isidro ay madalas na may isinasama sa kanilang bahay na mga taong nagugutom. Kaya ang asawa niya’y palaging may mainit na nilaga na nakasalang sa kanilang dapog.

Isang araw ay maraming kasamang dumating sa tahanan ng mag-asawang Isidro at Maria. Nang mapagsilbihan ang karamihan sa mga bisita, nabahala at bumulong si Maria kay Isidro: “wala nang laman ang palayok…” Sa kabila nito, panatag na iginiit pa rin ni Isidro sa asawa na tignang muli ang palayok. At nakakamanghang nakasandok pa siya ng sapat para mapakain ang lahat! [1]

Namatay si San Isidro noong May 15, 1172. Nang magkaroon ng matinding pag-ulan at pagbaha, maraming bangkay ang naglutangan sa sementeryo ng Madrid noong Abril 2, 1212. Doon natuklasan na ang bangkay ni San Isidro ay hindi nabubulok (incorruptible)[2]

Lumipas ang panahon, dinapuan ng nakamamatay na sakit si Haring Felipe III ng España (1578-1621). Hinawakan niya ang labî (relics) ni San Isidro at siya’y kagyat na gumaling. Sa labis na kagalakan at pasasalamat ay pinalitan ng Hari ang lumang sisidlan ng relics ng isang gawa sa magarang pilak; at inadhika niya at isinulong ang layong gawing santo si Isidro (beatification)[3]

Nabeatiko ni Pope Paul V si Isidro noong Mayo 2, 1619. Nakanonigong Santo naman ni Pope Gregory XV makalipas ang tatlong taon.

Si San Isidro Labrador ay itinanghal na Santo ng Simbahan (canonized) noong 1622—kasabay siya nina Santa Teresa de Avila, San Ignatius de Loyola, San Francis Xavier, at San Felipe Neri.

BARANGAY SA TAYTAY — Naitatag ng mga misyonerong Franciscano ang bayan ng Taytay noong 1579. Ang pamayanan ay pinasimulan ng tatlong barangay: ang Santa Ana (unang tinawag na “Mabolo,” isang prutas), San Juan (dating “Sampoga,” isang bulaklak), at “Bangyad,” katangiang kilos-banayad, noong 1579. Ang pamayanang natipon ay naging malawak na taniman na nasa lugar na malapit sa lawa kaya madalas na binabaha. Ang malaking bahagi nito ay ang lokasyon ngayon ng naging “Lupang Arenda” na kinaginasnan ng ating panahon.

Nang humalili ang mga Jesuita sa pamamahala sa Taytay, ipinasiyang ilipat ang pamayanan sa mas mataas at tuyong lugar noong 1591. Dahil ang panukalang lugar ay nasa dako ng libingan, nag-urong-sulong ang mga tao. Nagmadali lamang sila nang mailipat na ang krus sa bagong lugar mula sa pinagbaklasan ng dating simbahan sa tabing-lawa. Ang paniwala ng mga tao’y “nawala na ang kanilang tagapagligtas nang maalis ang krus sa lumang lugar.” Gabi-gabi na lamang silang nangangatakot sa “multo at kaluluwang dumadalaw.” [4]

Ang ibaba ng mataas na bagong lugar ay pinalibutan ng hukay para maging daluyan ng patubig sa bagong bayan. Ang mga itinanim na punong prutas, palmera, at gulay sa paligid ng komunidad, at gilid ng mga lansangan ay nagpaganda at nagpasagana sa bayan. Sa kapanahunang iyon naitayo ang unang simbahang bato ng Taytay noong 1599-1602. [5] Dito sa Taytay, gaya sa mga ibang bayan, kasabay ang pagpapaunlad ng agrikultura at pagpapakilala ng mga bagong pananim, at hayop gaya ng kalabaw, baka, kabayo, kambing at karnero na inangkat pa mula sa Mexico, China, Vietnam, at iba pang panig ng Asya.

Sa pagpapatuloy ng panahon ay makikilala ang bagong poblacion o sentro ng bayan bilang isang bagong-buo na “barangay ng mga pananim”—iyon ang naging Barangay ng San Isidro. Iyon din ang nakaimpluwensiya sa pagkakapangalan ng sitio ng Bayabas at Sampalukan sa Barangay San Isidro.

Sa Barangay San Juan ay may mga kalyeng Mabolo, Dalanghita, Camachile, Avocado, at iba pa. Sa ibang kalapit-bayan na itinatag din ng Kastila pagtawid pa-Kanluran sa lawa at Ilog Pasig ay may mga pinangalanang lugar na Santolan, Manggahan, Caniogan, Maybunga, Piña, Kamias, Chico, Langka, Anonas, Durian, at kung anu-ano pa.

Sa pagsulong ng agrikultura ay nakagiliwan na rin ng mga misyonerong prayle ang pagpangalan ng “San Isidro” sa maraming tao, lugar, bayan, at simbahan. Lalo pa nang bawiin ni Haring Felipe III noong 1619 ang dikreto niyang abandonahin na ang misyon sa Filipinas “dahil nasasaid lamang ang kabang-yaman ng Kaharian,” [6] at noong siya’y mapagaling sa karamdaman sa pamamagitan ng relikya o relics ni San Isidro Labrador.

Samantala, may isang natukoy na dating sementeryo: ang kinatatayuan ngayon ng San Isidro Elementary School (SIES). Ito’y 15,000 metro-kuwadradong “lupang Mitra (Obispo)” na dating nakarehistro sa pangalan ng Arsobispo ng Maynila (ang Taytay ay kabilang noon sa Arsobispado ng Maynila). Isinadokumento nina Maria C. Tancinco at Dr. Cecilio G. Cruz—mga kumatawan sa Simbahan—ang pagdonasyon nito pabor sa Municipio ng Taytay noong 1972.

KAPISTAHAN — Paano nga ba’ng magdiwang ng fiesta para kay San Isidro Labrador sa ating modernong kapanahunan?

Ang mga bayan-bayan na itinatag ng mga misyonerong Kastila at naturuan nila ng agrikultura ay nagdiriwang ng kapistahan ni San Isidro Labrador sa pamamagitan ng pagtatanghal ng kanilang mga produktong-bukid. Ito’y isang pamamaraan ng pasasalamat sa Poong Lumikha para sa buong taon ng kanilang kabuhayan gaya ng masaganang ani sa pagbubukid.

Ilan sa mga kalapit-bayan natin sa rehiyong Katagalugan [na gaya ng Taytay na itinatag din ni Padre Juan de Plasencia, at ng mga misyonerong Franciscano] ay may ganitong pagdiriwang. Nariyan ang “Pahiyas” sa Lucban, “Mayohan” sa Tayabas“Agawan” sa Sariaya, “Arana’t Balwarte” sa Gumaca, sa probinsiya ng Quezon. Sa Laguna ay may “Pandanan” sa Luisiana, “Pinya” sa Calauan. May “Sinagingan” sa Palocpoc, Mendez, Cavite. May “Carabao festival” sa Pulilan, at sa katabing-bayan nating Angono.

Pero wala nang mga bukirin sa Barangay San Isidro sa Taytay. Nahalinhan na ito ng mga subdivision at sementadong kalsada; ng mga sash factories, RTW shops, pwestong komersiyo at industriyal, at pati tiangge. Binibili na lamang sa palengke at grocery ang mga pagkaing bigas, prutas at gulay. Wala nang binubungkal sa lupa, pawang naka-empake sa plastic, naka-botelya at de-lata na. Hindi na araro at asarol ang gamit sa trabaho kundi mga makina, hi-tech na electronics, computers – at pa-sefie-selfie na lang sa I-phone at tablet.

Samantalang ang dating daan-daang ektaryang malawak na sakahang Lupang Arenda na deklaradong public domain ay mabilis at patuloy nang naglalaho. Nilalamon ng katubigan ang malaking bahagi ng baybayin ng lawa. May ilang parte ng lupain na makatuwirang nailaan para sa maralitang informal settlers bagama’t nanganganib pa rin ang kanilang kasiguruhan sa paninirahan. Pero, ang natiwangwang na taniman ay sinamantalang masalisihan at makamkaman ng pribadong land developers at korporasyong industriyal. Sinasagasa ng land conversion at “development ang agrikulturang base natin, sukdulang magdusa at manganib tayo at ang susunod na henerasyon sa kapos na pagkain (food security).

Nalimot na ba nating lumingon sa pinanggalingan? Mahalagang balikan at alamin ang kasaysayan upang maging makabuluhan ang relihiyosong okasyong ito.

Ang fiesta ay pagdiriwang patungkol sa ating mahal na Patrong tulad ni San Isidro Labrador. Ito’y isang paraan ng paghahayag ng pasasalamat sa kaniya. Marapat lamang na matuto tayo mula sa halimbawa at katangian ng ating Patron sa pagtungo natin sa kabanalan.

Ito’y dakilang pamanang kultural at bahagi ng ating pananampalatayang Kristiano na dapat itanghal at pagyamanin.

Ang kapistahan ni San Isidro Labrador ay Mayo 15, araw ng kaniyang kamatayan — “kamatayan sa pagnanasa ng mundo. Pero ang naging buhay ay may angking dignidad, may kabanalan, at ang trabaho’y pang-Langit.”

—————————————————————–

[1]  “Isidore and Maria, Patron Saints of Farmers” National Catholic Rural Life Conference

[2]    ABC Madrid. “Las idas y venidas del cuerpo incorrupto de San Isidro Labrador”
http://bit.ly/2pvzaFh > accessed 24 April 2017

[3]    Secretos de Madrid. los Milagros las famosos de San Isidro
http://bit.ly/T5JH64 > accessed 24 April 2017

[4]    Chirino del P. Pedro. Relacion de las Islas Filipinas y de lo que en ellas han trabajado los padres de la Compania de Jesus1557-1635. Roma, 1604; 2 Edicion, Manila, 1890;, Capitulo IX, p. 32-34

[5]    Chirino, Op. cit., p. 34

[6]    Taytay ni Juan; Filipinas, lupain sa Silangan (Mapa at Historya, Part 3) < http://bit.ly/2pgI0FJ >

———————-

PS. Mayroon nang maikling aklat tungkol kay Padre de Plasencia at sa historya ng Taytay. Pwede na kayong magpalaan ng e-copy sa pamamagitan ng blog na ito. Libre ito. God bless po.)  🙂 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *