Taytay ni Juan

San Juan Bautista: 
Ang Prekursor at Martir

Salaysay ni: Geofrei Angelo Cristobal 

Ngayong taong 2022, ang Pilipinas ay pumasok na sa Ika-501 taon ng paggunita ng Kristiyanismo. 

Kaugnay nito, malugod na itinatampok ng Taytay ang iba’t ibang imahen ni San Juan Bautista bilang kaniyang mahal na Patron. Bahagi na ito ng tradisyon ng pamayanan ng Taytay na kanilang pinakaiingatan at patuloy na pinagyayaman. 

Ang mga naturang imahen ay malaon nang kapisan ng ating mga ninunong Taytayeño sa kanilang marubdob na debosyon, pananampalataya, at pagdiriwang ng kapistahan.

Atin silang kilalanin. Alamin ang kanilang kasaysayan.


ANG PANGUNAHING IMAHEN

Si San Juan Bautista ay may imaheng buong giliw na binansagan ng matatandang Taytayeño bilang si “Tata Anto”. Napakahabang panahon na ang nagdaan simula nang siya’y itanghal at manahan sa Chapel ng Baryo San Juan

Ang antigong Santong si Tata Anto na nakagisnan ng Taytay ay mayroong paukit na nakasulat sa likod nito na “1866”—at ito ang nagsisilbing tanda kung anong taon ang pagkakagawa ng naturang imaheng ni San Juan Bautista. Mas nauna pa nga siyang nakiulayaw sa tahanan ng mga deboto at relihiyosong komunidad ng baryo, kaysa sa mismong gusaling San Juan Chapel na ipinangalan sa kaniya. Ang kalsadang bumabaybay sa harapan ng Chapel ay tugma ring pinangalanan na “Bautista.”

Nguni’t sa paglipas ng panahon ay may mga nabago sa hitsura ng naturang imahen. Ang mga Kamay niya ay pinalitan ng replika “upang mapangalagaan at maiwasan ang pagkasira ng mga ito lalo na sa mga okasyong nahahawakan sa gitna ng pagdagsa ng maraming tao tulad ng okasyon ng kapistahan.” 

Subali’t nakakalungkot na may ilang ignoranteng nagsasabi na “kaya pinalitan ang Kamay ng Tata Anto ay dahil sa pag-aakalang hindi siya si San Juan Bautista; di-umano’y ang porma ng kaniyang kamay ay nagpapahiwatig na siya raw ay si San Juan Ebanghelista.”


ANG IKALAWANG IMAHEN

Ang imaheng ito ang dating nakaluklok sa mismong Altar ng lumang Simbahan ng Parokya, ang ikalawang simbahang-bato na muling inayos mula sa labis na pagkasira dulot ng Fil-Am War noong 1899. Walang makapagsabi kung sino ang gumawa ng imahen, kung kailan, at saan ito nagmula. 

Nang ibaba mula sa Simbahan, ang imahen ay may mga orihinal na kasama pang dalawang Sanctuary Angels na ngayo’y makikitang nasa Oratorio ng Mahal na Amba; kabilang din ang rebulto ng tradisyunal na tambalan nina San Zacarias at Santa Isabel (mga magulang ni San Juan Bautista), at Corazon de Jesus at Corazon de Maria.


IKATLONG IMAHEN

Ang maliit na replikang ito ng imahen ni San Juan Bautista ay nasa pangangalaga ng San Juan Chapel. Ito ay kasabayan ng isang malaking imahen na matatagpuan sa Chapel ding ito.

This image has an empty alt attribute; its file name is SJB-Chapel-Rebulto-temp-xx.png

IKAAPAT NA IMAHEN

Ito ang imahen na kasalukuyang nasa Simbahan ng Parokya ng Taytay. Iniluklok ito sa kaliwang Altahan nang ganap na matapos ang ikatlong Simbahang-bato na sinimulan noong 1962 sa termino ni Padre Pedro Hilario.

Ang nasabing imahen ng Taytay ay kahalintulad ng lumang imahen ng Patrong San Juan Bautista sa Simbahan ng Quiapo.

IKALIMANG IMAHEN

Ito ang replica ng matandang imahen ni San Juan Bautista na matatagpuan sa San Juan Chapel. Inilalabas ito para sa prusisyon ng basaan kapag prusisyon ng “San Juan Paligo” kasunod ng pang-umagang Banal na Misa tuwing Kapistahan ng Hunyo 24.

Nasa ikatlong taon nang pansamantalang natigil ang mga tradisyunal na pampublikong pagdaraos ng kapistahan sanhi ng pandemya. Nawa’y makabalik na tayo sa normal na kilos at pamumuhay. Tinatanaw natin ang pag-asang mapasiglang muli ang ating pagdiriwang kalakip ang taos-pusong pananalig. 

Halinang manalangin kay San Juan Bautista—Patron ng ating Parokya at ng Baryong sa kaniya ipinangalan—na tulungan tayong magbalik-loob sa Diyos at magsisi sa ating mga Kasalanan. 

“Patron San Juan Tanglaw ka at Gabay
Dinggin ang Daing ng Bayan mong Hirang
Kami’y Idalangin sa Poong Maykapal
Ngayon at Magpakailanman!”

Viva SAN JUAN BAUTISTA!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *