Taytay ni Juan

TAYTAY at LILIW, tatak-SJB

MARSO 18, 2017. Ikatlong linggo sa panahon ng Kuwaresma. Nag-pilgrimage ang grupo ng mga Cursillistas nina Medel. Mga taga-parokya sila ni San Juan Bautista (SJB) sa Taytay (Rizal).

Isinuot ni Medel ang t-shirt niyang may tatak-SJB. Kasi nga naman, proud siyang magliwaliw at ipakitang taga-SJB ng Taytay (Rizal) ang kanilang tropa. Ang destinasyon nila? Liliw, Laguna. Oo nga, sa SJBSt. John the Baptist Parish—ng Liliw.

Liliw-Medel
Pilgrimage: taga-Taytay SJB, nasa Liliw SJB.

Nag-iisa ang simbahan sa bayan ng Liliw. Lilio ang sinaunang pangalan nito. Ang simbahan ay inialay din kay San Juan Bautista.

Nagkataon lang ba na magkaparehong parokya ni SJB ang nasa Taytay (Rizal) at Liliw (Laguna)?

Ang layo kaya ng kanilang pagitan, ‘no. Ang Taytay ay nasa bungad lamang ng probinsiya ng Rizal. Samantalang ang Liliw ay nasa liblib na dulo pa ng Laguna. Ang Taytay (Rizal) ay nasa mababang lugar sa labi ng Laguna de Bay na madalas na binabaha. Ang Liliw naman ay nasa pataas na gawi ng dalawang bundok ng San Cristobal at Banahaw.

Ah, hindi. Kalooban talaga iyon ng Dakilang Maykapal.

Alam n’yo bang si Padre Juan de Plasencia, isang paring Franciscano, ang founder ng bayang Taytay – at ng Liliw?

“Juan” ang kaniyang pangalan. Bininyagan siya at isinunod sa maluwalhating pangalan ni SJB. “De Plasencia” ang tawag sa kaniya dahil halaw iyon sa pinagmulan niyang bayan ng Plasencia sa España.

Mula siya sa may-kaya at marangal na pamilya. Pinili niya ang bokasyong relihiyoso at niyakap ang tradisyon ng buhay-pulubi ni San Francisco ng Assisi.

Mula sa malayong bansang España, naglayag siyang kasama ng iba pa na kabilang sa Ordeng Franciscano para sa misyong Katoliko sa Filipinas noong Hunyo 24, 1577. Mismong araw ito ng kapistahan ng pagsilang ng patrong SJB.

Dumating ang grupo nila sa Maynila noong July 2, 1578. Nang sumulong siya para magpalaganap ng Kristianismo sa malawak na lugar sa gawing-Silangan ng Laguna de Bay, ang unang naitatag niya ay ang bayan ng Taytay at Simbahan nito.

May kapartner siya–si Padre Diego de Oropesa. Ganu’n ang tradisyunal na apostolikong paghayo nang padala-dalawa. Tinagurian silang dalawa na “Apostoles ng Laguna at Tayabas.” Sa dakong huli’y naghiwalay sila ng himpilang pangmisyon. Si Padre Oropesa sa Pila. Siya naman sa Lumban, kanugnog ng Liliw.

Sa huling bahagi ng kaniyang buhay-misyonero ay naitatag niya ang bayan at Simbahan ng Liliw. Nasa edad na senior citizen na siya at pinagpasiyahan niyang magkanlong sa liblib na pamayanang ito ng mga katutubo sa paanan ng bundok ng Banahaw.

Naisulat muna ni  Padre de Plasencia ang Relacion de las costumbres delos tagalosang unang codigo sibilcodigo penal ng Filipinas noong Oktubre 24, 1589, sa katabing bayang Nagcarlan. Saka siya payapang binawian ng buhay sa Liliw noong 1590.

Lilo Church Markerx

Nang pumanaw si Padre de Plasencia, ang Liliw na kaniyang kinakalinga ay nanatiling annex ng Nagcarlan. Ang Liliw ay nasa ilalim pa rin ng eklesiyal na pamamahala ng Nagcarlan hanggang 1605.

Ang Taytay (Rizal) y at Liliw (Laguna) ay parehong parokya ni SJB.

Nagdiriwang ang Taytay tuwing Junio 24, araw ng kapistahan ng kapanganakan ni SJB, ang patron.

Samantala, nagdiriwang naman ang Liliw tuwing Agosto 29, araw ng kapistahan ng kamatayan o pagkamartir ng patrong SJB.

May tatak-SJB si  Padre Juan de Plasencia na founder ng Taytay at Liliw. Ang Taytay at Liliw ay mistulang alpha at omega ng kasaysayan ng kaniyang misyon. Nasa landas niya ang nag-aalab na espiritu ni San Juan Bautista.

Nang mapagwari ito ni Medel, nangiti siya’t sinabing “kaya pala nag-SJB t-shirt ako, I belong to St. John the Baptist Parish…”

Alam ng Panginoon ang lahat-lahat, walang “nagkataon lang” sa Kaniya. Gets n’yo?

Ipagdangal ang founder ng bayan at Simbahan ng Taytay na si Padre Juan de Plasencia!

Viva, Patrong San Juan Bautista!

(First posted 2 June 2017; Current post edited)






Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *