Taytay ni Juan

HABANG MASAYANG UMAAWIT ng Jingle Bells ang mga batang mag-aaral ay binobomba ng Hukbong Hapon ang Pearl Harbor sa Hawaii noong Disyembre 7, 1941.

Ang pag-atake ay isinagawa kahit walang anumang deklarasyon ng giyera. Sa patakarang internasyonal, ang gayon ay itinuturing na isang war crime. At naging hudyat iyon ng pagsiklab ng malupit na World War II. Damay ang Pilipinas sa giyera sa pagitan ng Hapon at Kano.

Ito’y bahaging eksena lamang sa pelikulang “Tatlong Taong Walang Diyos” na pinagtambalan nina National Artist Nora Aunor, Christopher de Leon, at sinamahan ni Bembol Rocco, noong 1976.

Ipinakita sa pelikula ang kalunus-lunos na pagpatay sa mga sibilyan gaya ng pamamaril at pambobomba, paghahagis ng bata paitaas saka sasaksakin ng bayoneta, at panggagahasa na isinagawa ng mga mananalakay na Hapones. May dayalogo pa na “sa giyera ay hindi dapat mag-isip, ni matakot sa Diyos, o maging makatao. Mga hayop lang ang tatagal habambuhay.”

Pero sa kabila ng lahat, may nailarawang pagsisisi ang salarin. May biktimang napawi ang poot hanggang naghilom ang kirot, nakapagpatawad, at natutong umibig.

Gayunman, marami ring mga biktima na kinubabaw ng paghahangad na makapaghiganti. Tuluyan silang nabulag, pinanawan ng unawa at katuwiran. Tapos na ang giyera, ngunit tila “wala pa rin sa kanila ang Diyos ng pag-ibig.” Mahirap ngang maka-move on… hindi ko mawari at nabagabag ako sa naging ending ng istorya. 

Hayun ang tatlong taong brutal pero madramang kuwento. Nasusubok pati ang pananampalataya. May pagtatagis ng katuwiran at moralidad. May pagsasakripisyo, pagtataggol, at pagtataksil.

SA TOTOONG BUHAY, may mga ganitong aninong gumalaw sa kasaysayan ng Taytay noong panahon ng giyerang Hapon. May sarili ring paglalakbay ang Taytay sa loob ng “tatlong taong walang Diyos.”

Ang digma ay nag-iwan sa Taytay ng maraming guhong istruktura, kabuhayan, at pangarap. Pati gusaling Municipio ay nadurog, naging abo. Daming naulila, nasawi’t nasugatan.

Nakapanghihilakbot ang maling pambobomba at strafing ng mga pandigmang eroplanong Kano sa isang evacuation area na pumaslang at puminsala sa mga sibilyang napagkamalang puwersang Hapones. Sila’y mga pobreng anawim,1Silang mga nagdurusa, sawimpalad, aba, dusta, at sa Diyos na lamang umaasa. tulirong nagsisilikas at nagkukumahog sa pagkanlong sa Sitio Siwang sa Lupang Arenda. 

Sa mga mababa, mapuno’t mahalaman, at ilang na lugar gaya ng Sitio Siwang at Panghulo sa Arenda, at sa Sitio Kalikuan2Ang nalalabing bahagi ng sinaunang pamayanan sa tabing-ilog nang mailipat ang bayan sa mataas na lugar; nanatiling agrikulturang lupain matapos maabandona ang Lupang Arenda noong himagsikan laban sa Kastila. ang pinipiling atrasan noon ng mga sibilyan mula sa kabayanan kapag may sona at pag-atake ng mga dayong kaaway.

Samantala, sa mga gulod at maburol na lugar naman gaya ng Libed, sa Sitio Bukal (may ermita, kuweba), Kaytikling, at Simona nagkakampo ang mga sundalong Hapones.

Ang memorial Marker para sa mga biktima ng trahedya sa Sitio Siwang ay unang inilagay sa Plaza Libertad, subalit ito’y “nawala” nang hindi man lamang namalayan—walang naging proper accounting sa kinahinatnan ng makasaysayang Marker. Nabago ang layout ng pamanang pook hanggang magtayo doon ng Police Station.

Sa panahon ng panunungkulan ng post-war Mayor ng Taytay na si Enrique L. Reyes (1945-1946) ay ipinasa ng Konseho Municipal ang Resolusyon Bilang 19 na may petsang Nobyembre 18, 1945.

Nasasaad sa Resolusyon na “pinalaya ng USA 1st Cavalry Division ang municipalidad ng Taytay mula sa kamay ng hindi makakristiyanong halimaw na puwersang Hapones noong Pebrero 23, 1945.”

Ang USA 1st Cavalry Division na tinaguriang “First Team” ay isa sa most decorated combat division ng US Army na binuo noon pang 1921 at lumaban noong World War 2.

Tahasang deklarasyon ng Resolusyon na “ang liberation ng Taytay ang pagkakataong lubhang kinailangan para sa pagkakaligtas ng mga lokal na namamayan sa kritikal na panahong tiyak na ang pagmasaker ng buong bayan… Dahil dito, iginagawad nang buong katapatan ng municipio ng Taytay ang lubos na pasasalamat sa naturang Cavalry Division; at ito’y ipadaraan sa proper channels…”  

Agad na isinunod ng Konseho ang Resolusyon Bilang 20. Kinilala nito na “sa petsang Pebrero 23, 1945, ang Taytay ay pinalaya ng mga Puwersang Amerikano.”

Ipinahayag din na “ang mahalagang petsang ito [Pebrero 23, 1945] ay pananatilihing memorya at idineklarang maging taunang fiestang pagdiriwang ng municipalidad ng Taytay.” Ang aktong ito’y may kaukulang aprubal ng Rizal Provincial Board Resolution No. 340 noong Disyembre 19, 1945.

Samantala, batay sa opisyal na rekord ng Philippine Veterans Affairs Office (PVAO), ang mga kalahok na sandatahang puwersa sa makasaysayang araw ng Liberation ng Taytay ay hindi lamang ang 2nd Cavalry Brigade na nasa ilalim ng USA 1st Cavalry Division; kabilang din ang 42nd Infantry Division (Philippine Commonwealth Army), 4th Infantry Regiment (Philippine Constabulary), at mga grupong gerilya ng Hunters-ROTC at Markings Fil-Am Troops.

Gayundin, ang petsang Pebrero 22, 1945 ang siyang kinikilala ng PVAO, ng mga institusyon ng beterano at pangkasaysayan bilang Liberation Day ng Taytay—at pati na rin ng Cainta.

Taytayeño, maalala pa kaya nating muling ipagdiwang ang makasaysayang okasyon ito? 

******

(Isang pag-alaala sa aking yumaong biyenang si Sebastian Cruz Lozada, Gerilyang Marking. Tubong Libed, Brgy. Dolores…
Gayundin sa kaniyang pinsang-buo na si Rufy Lozada del Rosario, Gerilyang Hunters ROTC.)    

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *