Taytay ni Juan




ANG PUEBLO O BAYAN NG TAYTAY ay pormal na naitatag noong 1579. Si Padre Juan de Plasencia ang founder.

Natagpuan ang bagong tatag na pamayanang ito ng mga katutubo sa mataong lugar na malapit sa gilid ng Laguna de Bay. Matubig at madalas itong lubog sa baha lalo na sa tag-ulan. Sa kalikasang ganito nagmula ang maalamat na isdang Banak; kaya mayroong Santa Ana Banak festival sa ating kapanahunan.

Masipag at matiyaga ang Barangay sa pagtuturo sa mga batang elementarya hinggil sa “Isdang Banak at Lola Santa Ana”

Ang unang komunidad na natipon noon ay tinawag na Mabolo, isa sa mga prutas na dinala rito ng Kastila para sa agrikultura. Ito ang naging barangay o baryo ng Santa Ana—isinunod sa pangalan ng pinagpipitaganang pinuno ng komunidad na si Francisco Santa Ana. Ang pangalan niya sa kabinyagan ay hinalaw mula kina San Francisco de Asis (Assisi) at Lola Santa Ana na kapwa paboritong pintakasi ng Ordeng Franciscano na unang nagmisyon sa Taytay mula 1579 hanggang 1591.

Ang sumunod na baryo ay ang “Sampoga” na naging San Juan. Ipinangalan kay San Juan Bautista, ang patron ng Parokya ng Taytay. At ang pangatlo’y ang baryo ng “Bangiag” na sa kalaunan ay naging baryo ng “Moson”. At ang Bangiag ay naging Sitio ng Bangiad na sakop ng mas malawak na bagong baryo ng Moson

SaVocabulario: sa kasaysayan at kultura, ang “mojon” at “moson” ay magkasinghulugan.

Matatagpuan sa Moson ang mga “moson“ o “mojon” na nasa boundary ng mga katabing-bayan ng Angono at Antipolo. Muzon na ang tawag dito ngayon. Sa sinaunang Vocabulario de la lengua tagala nina Padre Juan de Noceda at Padre Pedro San Lucar (3rd Edition, 1860 p.433, 493, 521, 545, at 610), ang “moson” ay singkahulugan ng “tanda, hangganan, tolos.”

Vocabulario ng mga salita, kultura, at kasaysayan.

Sa iteneraryo mula sa Maynila tungong pa-Silangan, ang Barangay Santa Ana ang nasa bungad para sapitin ng mga misyonero ang Taytay. Kinailangan nilang baybayin ang Ilog-Pasig at gilid ng Lawa ng Laguna. At pagsapit sa Taytay ay “babatasin” nila ang malaking Ilog-Taytay na nagmumula sa Antipolo. Kahelera rin nito ang Ilog-Panghulo at -Bangiad na mula sa kaburulan ng Taytay.

Ang naturang bungad ng Taytay ay ang dakong floodway ngayon sa Lupang Arenda. Matatagpuan din dito ang tinawag noon na “Sapang Putol” na tumutugma sa deskripsiyon ng Ilog-Tapayan ngayon.

May pinangalanang Sitio Batasin doon. May Sitio Batasin din sa tabing-lawa sa Binangonan. Magkakaugnay ang sinaunang tribu ng mga katutubo sa Batasin ng Taytay at ng Binangonan.

Batay muli sa Vocabulario de la lengua tagala (p.42, 561, at 490), ang salitang-ugat ng “batasin” ay “batas” o “bagtas.” Singkahulugan nito ang paggamit ng mga salitang “bagtasin, tulayin, dumaan sa estero o daluyang-tubig, buksan ang bagong landas.”

Sakop ng sinaunang Barangay Santa Ana ang buong malawak na lugar na nakikilala natin ngayon bilang Lupang Arenda. Ito ay malawak na tanimang pang-agrikultura na sumaklaw maging sa ilang bahagi ng Taguig, isa na ang Barangay Santa Ana, hanggang sa looban ng Pasig sa Barangay San Joaquin, at pati sa bahaging bungad ng Angono.

Ang Lupang Arenda ay tinagurian ding “Lupang Mitra” matapos ang himagsikan noong 1898. Na-convert itong resettlement area matapos ang People Power noong 1986.

Kasalukuyang patuloy ang adbokasiyang ideklara ang malawak na bakanteng lupain bilang “angkop sa pabahay at paninirahan” upang maging lehitimo ang pag-okupa roon ng libu-libong maralita na ang karamihan ay nagmula sa mga demolisyon ng maralitang komunidad sa Kamaynilaan.

Samantala, dahil sa lawak ng lugar at dami ng namamayan sa Lupang Arenda, marapat lamang na maragdagan ang mga “serbisyong yunit” ng Barangay Santa Ana. Lalo’t higit, kailangan nang lumikha pa ng dagdag na bilang ng Barangay ang Taytay. Napakatagal na itong nanatili sa lima (5) lamang. Sa kabila ng  mataas na kuwalipikasyon, kulelat ang Taytay sa bilang ng Barangay kung ikukumpara sa buong probinsiya ng Rizal at maging sa buong bansa.

Ang Simbahan ng Taytay

Ang Taytay ay rehistrado sa pamamahalang-sibil ng Kastila bilang isang “Visita” na sakop ng distrito ng “Santa Ana de Sapa”, ang dating Kaharian ng Namayan bago ito naging Binyagan. Ang punong himpilan naman ng Eklesiyal na pamamahalang Franciscano ay nasa “Santa Ana de Sapa rin sa Maynila, sa convento ng Santa Maria de los Angeles

Ang unang simbahang itinindig sa Taytay ay mula sa mahihinang materyales. Nakaharap ang entrada nito sa kalawakan ng laot ng lawa. Ang Altar ay nasa gawing SilanganOriens (East). Ang ganito’y alinsunod sa sinaunang kostumbre at tradisyong Katoliko na “pagsambang nakatuon sa Silangan” (ad orientem). Ang Banal na Misa ay sa-Latin, ang sinaunang Tridentine Mass.

Nagdiriwang sila ng tradisyunal na Misang Latin batay sa Missale Romanum na ipinatupad sa buong Simbahang Katolika simula pa noong 1570 alinsunod sa kapasiyahan ng Council of Trent at ni Pope Pius V.

Makalipas ang labindalawang taon (1591) ay isinalin ng mga Franciscano sa mga Jesuita ang pamamahalang-ekleksiyal ng Taytay, kabilang na ang annex nitong Cainta.

Si Padre Pedro Chirino ang naging unang Jesuitang Kura Paroko ng Taytay. Ipinagdiwang niya ang kaniyang unang Banal na Misa sa Taytay sa tabing-lawa noong Marso 25, 1591, kapistahan ng Anunciacion ng Birheng Maria. Saka lamang niyang tinungo ang Antipolo, na kung saan ay una rin siyang nagbigay ng Homiliya sa wikang Tagalog noong Agosto 15 ng taon din iyon; ang araw na ito ay magiging kapistahan sa hinaharap (1950) ng Assumption ni Maria.

Mula sa tabing-Lawa ay inilipat ni Padre Chirino ang Simbahan at pamayanan ng Taytay sa isang burol noong 1591. Pinasinayaan ito bilang San Juan Del Monte. Doon din itinindig ang una at ikalawang simbahang-bato noong 1599 at 1630.

Hanggang sa kasalukuyan ay mapapansing ad orientem pa rin ang pisikal na postura ng binago at mas malaking ikatlong simbahang-bato ng Taytay na sinimulan noong 1962 at inut-inot na natapos hanggang 1983.

Samantala, itinayo ang Santa Ana Chapel sa poblacion sa tapat mismo ng Santa Ana Barangay Hall noong 1993. Naka-ad orientem din ang posisyong istruktural nito. Nakagawi rin sa Silangan ang pagharap sa Altar.

Dati-rati, ang imahen ng mag-inang Lola Santa Ana at Birheng Maria lamang ang itinatanghal ng Santa Ana Chapel. Simula noong 2016 ay kabilang na si Lolo San Joaquin. Kumpleto na ang Banal at Pinagpalang Pamilyang Joaquin, Ana, at Maria.

Mano po… Lola Santa Ana, Lolo San Joaquin, Inang Maria. Ipanalangin n’yo po kaming mga Taytayeño.





Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *