Taytay ni Juan

 

FILIPINAS – ito ang ating bansa. Alam ba natin kung hanggang saan ang sakop at saklaw nito? Susugin natin ang mga mapa upang mapagbatayan. Alamin din natin ang ating historya dahil malapit ang ugnayan nila sa isa’t isa.

May malaking pagbabago sa kasaysayan noong taong-1500 hanggang 1750. Ang Kristianismo na unang relihiyon na lumaganap sa buong mundo ay mahigpit na sinalungat ng kilusang Protestante o “Reformismo” noong 1520.

Mula sa Europa, ang mga misyonerong Religious Orders gaya ng Agustino, Franciscano, Dominicano, at Recoletos, ay buong giting na humayo sa iba’t ibang panig ng mundo. Taglay nila ang katapatan sa Simbahan at dedikasyon sa Katolisismo. Ang ikalawang layunin nila’y bunsod ng “Age of Discovery,” ang “pagtuklas para sa kaunlaran.”

Ang mga Europeong mananakop, kolonyalista at mangangalakal ay nagsisipaglayag noon patungo sa malalayong lupain. Sinusundan sila o kaya’y “nakikisakay” sa kanila ang mga misyonerong Katoliko na bitbit ang kanilang pananampalataya. Bukod dito, taglay din nila ang mga kaalaman at kasanayan sa siensiya, sining at iba’t ibang larangan kaya’t binansagan silang “Magigiting na naka-Abito” (Paladins of Cloth).

Nakapagpatayo sila ng mga simbahan, convento at monasteryo, mga paaralan at bangko, mga hospital at leprosario, mga gusaling pampamahalaan, bahay-ampunan at obserbatoryo, medicinal at botanical garden, mga pagawaing-bayan, maliban pa sa mga sinanay nilang artesano, tinuruan ng kaalaman at kasanayan sa agrikultura, mga likhang-sining, musika at literatura.

Nasakop ng mga Kastila ang Maynila noong 1571. Ang Maynila ang naging luklukan ng gobyernong kolonyal sa Filipinas at buong Asia-Pacific (Spanish East Indies). Ang Filipinas ang ginawang capital ng East Indies na nakasasakop sa kapuluan ng Filipinas, Guam at Marianas, Palau at Micronesia hanggang noong 1898. May panahong nasakop din ang ilang bahagi ng Formosa (Taiwan), Sabah, at ilang parte ng MoluccasAt “Indio” ang itinawag sa mga katutubo ng Filipinas, buong East Indies at pati sa Amerika.

TORDESILLAS Treaty 1494-Portugal copy

TREATY OF TORDESILLAS Map, 1494

Mapa ng ekspedisyon at teritoryong sakop

ANG MAPA ay ginamit para sa mga ekspedisyon at pagguhit ng mga hangganan ng mga nasasakupang teritoryo. Sa pamamagitan ng Treaty of Tordesillas noong 1494, ang kalawakan ng daigdig noon ay nahahati sa dalawang pinakamakapangyarihang bansa—ang España at Portugal. Iyon ang nagsilbing pandaigdigang batas na nagtatakda kung sino sa kanilang dalawa ang magmamay-ari ng mga lugar o bansang nadiskubre na at madidiskubre pa sa hinaharap. Panahon iyon ng matatagumpay na ekspedisyon ni Christopher Columbus, ang nakadiskubre ng New World (1492) na kilala natin ngayong Amerika.

Nadiskubre ni Ferdinand Magellan ang kapuluan natin noong Marso 16, 1521.

Makalipas ang dalawampu’t dalawang taon ay sumunod na dumating si Ruy López de Villalobos noong Pebrero 2, 1543. Pinangalanan niyang Felipinas ang kapuluan natin.

Labing-walong taon pa ang nagdaan nang dumating naman si Miguel Lopez de Legazpi. Kasama niya si Padtre Andres de Urdaneta, isang retirado-na-sana at bantog na navigator, noong Pebrero 13, 1565.

Sa pamumuno ni Legazpi ay nasakop ng Kastila ang Maynila noong 1571 at ito ang naging sentro ng kanilang pamamahalang kolonyal. Nabigo si Rajah Sulayman na bawiin ang Maynila sa labanan sa Bangkusay, Tundo. Ang kaalyado niyang si Tarik Sulayman, pinuno ng malaking hukbong Kapampangan ng tribung Macabebe ay napatay sa labanan.

Matapos nito’y pinamunuan ni Kapitan Juan de Salcedo ang “pacification” o kampanya ng pamamayapa na kinabibilangan ng 150 sundalo at ng isa o dalawang misyonerong paring Agustino. Nalibot nila ang halos kabuoan ng kapuluan ng Luzon at panimulang naitatag ang mga simbahan at pamayanan sa mga bayan-bayan.

Naisagawa ang kauna-unahang sensus sa buong kapuluan noong 1683. Natipon ang mga pangkalahatang impormasyon hinggil sa mga narating ng mga ekspedisyon. Ang mga paring Agustino naman ay nakagawa ng mapa ng Filipinas noong 1639.

Mapang ginawa ng mga Agustino, 1639. Makikita ang mga lugar na sakop ng kanilang misyon at naabot ng pamamahalang Kastila.
Mapang ginawa ng mga Agustino, 1639. Nakatala ang mga lugar
na sakop ng kanilang misyon at ng pamahalaang Kastila.

Tuluyang nasakop tayo ng mga Kastila at naging Kristiano ayon sa hiling ni Reyna Isabella I bago siya mamatay, “na ipagkakaloob ang lahat niyang kayamanan para maging Kristiano ang mga Indio.” Tinupad ito ni Haring Felipe II at sa kaniya ipinangalan ang ating bansang Filipinas. Tinawag itong el Estado Filipino.

Bagamat may nauna nang mga dayuhang nangangalakal sa atin, wala man lamang sa kanila ang nagturo sa atin ng kanilang siensiya, kabihasnan, kasanayan at kaalaman. Maging simpleng mekanismo ng gulong-at-ehe ay hindi man lang nila ibinahagi sa atin. Kinailangan pa ang pagdating ng Kastila upang maturuan tayo ng kabihasnan at maisalin sa atin ang kanilang sibilisasyon at teknolohiya.

Nabuksan ang Filipinas sa pakikipagkalakalan at nakapaglayag sa ibang bansa sa pamamagitan ng Manila-Acapulco galleon trade na sinimulan noong 1565 sa pagkakatuklas ni Padre Andres Urdaneta ng rutang dagat sa pagitan ng Filipinas at Mexico. Naging sentro tayo ng kalakalan sa Dayong Silangan at marangal na kinilala ang Filipinas bilang “Perlas ng Silangan.”

Minsang idinekreto ni Haring Felipe III noong 1619 na “abandonahin na ang Filipinas dahil nasasaid lamang nito ang kabang-yaman ng España.” Si Padre Fernando de Moraga, isang nakayapak na prayleng Franciscano na naging kura paroko sa Paco (bahagi ng Santa Ana de Sapa) noong 1607, ay nagbiyahe papuntang Espanya sa kabila ng kaniyang katandaan. Nakumbinsi niyang bawiin ng Hari ang kaniyang utos. Kaya naman si Padre de Moraga ay itinuring na “Tagapagligtas ng Filipinas.”

Usapin ng hangganan

NGAYON ay mainit ang usapin at hidwaan sa pagitan ng Filipinas at ng China tungkol sa Kalayaan Island (Spratley) at Bajo de Masinloc (Panatag Shoal) na pawang sakop ng ating teritoryo. Ang kasong ito’y nasa hapag na ng United Nations Tribunal on the Law of the Sea (UNCLoS) sa Hague. At matibay ang pinanghahawakang batayan ng Filipinas—ang makasaysayang mapa ni Padre Pedro Murillo Velarde (1696-1753) na inilathala noong 1734. Makikita roon na ang Scarborough Shoal o Panatag, na kilala noon bilang “Panacot,” ay nasasakop ng Filipinas.

Carta Hydrografica de las Islas Filipinas, Padre Pedro Murillo, 1734
Carta Hydrografica de las Islas Filipinas, Padre Pedro Murillo Velarde, 1734

Ang mapa ni Padre Murillo ay pinangalanang Carta Hydrografica de las Islas Filipinas.  Itinuturing ito ng mga historyador at apisyonado bilang “Ina ng lahat ng mga mapa ng Filipinas.” Ito ang kauna-unahang sientipikong mapa ng Filipinas at nagpapakita ng buong kapuluan. Sa magkabilang tabi ay may nakarugtong na dalawang panel na may labindalawang inukit sa kahoy, ang walo’y nagpapakita ng mga katutubong pananamit, isang mapa ng Guam, at tatlong lungsod o mapa ng pantalan ng Maynila at Cavite.

PANATAG, una at dating pangalan ay PANACOT; nasa mapa ni Padre Murillo, 1734.
PANATAG, una at dating pangalan ay PANACOT, napakalapit at nasa
loob ng teritoryo ng Filipinas; nasa mapa ni Padre Murillo, 1734.

Si Pedro Murillo Velarde ay isang 27-anyos na prayleng Jesuita na dumating sa Maynila noong 1723. Siya ang Procurator ng Jesuita sa Madrid at Roma. Isa siyang historian at dalubhasang cartographer o tagaguhit ng mapa. Siya ang unang propesor ng canon at civil law sa Colegio de Manila. Naging rector at kura paroko rin siya ng Simbahang Antipolo.

Sinulat ni Padre Murillo ang aklat na “Segunda Parte”Historia de la Provincia de Philipinas de la Compañia de Jesus (1616-1716). Ito’y nailathala sa Maynila noong 1749. Makulay na itinala ni Padre Murillo ang maringal na kasaysayan ng Nuestra Señora dela Paz y Buen Viaje at ng simbahan ng Antipolo. May tampok din siyang mga kuwento kaugnay ng Taytay, Cainta, Pasig, Angono, Binangonan at iba pang kanugnog na pueblo o bayan na pinagmisyunan ng mga Jesuita.

Ang TAYTAY, Maynila at iba pang kalapit-bayang nasa mapa ni Padre Murillo, 1734.
Ang TAYTAY, Maynila at iba pang magkakalapit-bayan
na nasa Carta ni Padre Murillo, 1734.

Ang mapa ni Padre Murillo ay may-sukat na 1.12 x 1.20 metro. May dalawang Filipino na nakasama niya sa paggawa ng naturang mapa: si Francisco Suarez na tagaguhit at si Nicolas dela Cruz Bagay na taga-ukit.

May mangilan-ngilang kopya lamang ng mapang ito sa buong mundo. Ang isa ay nasa national library ng España, tig-isa rin sa Britanya, sa US Congress, at sa Paris, France. May kopya rin nito na kabilang sa mga antigong koleksiyon ng Ayala Museum sa Makati City at sa Malacañang Museum.

Mayroon ding nabili noong November 2014 ang negosyanteng Filipinong si Mel Velarde sa halagang £170,500 (kaumbas ng P12M) mula sa subasta ng duke ng Northumberland, London. Ang “sertipikadong tunay na kopya” nito’y ipinagkaloob sa Malacañang at nagamit sa kaso natin sa UNCLoS sa Hague, Netherlands.

May mga ipinagawang mapa noon ang Kastilang Gobernador-Heneral Fernando Tamon Valdes (1729-1739) para sa kanilang mga ekspedisyon at paglalayag. Makikita sa mga iyon ang kapuluan ng Filipinas. May ginawa ring mapa si Felipe Bauza noong 1792. Ito’y hinalaw lamang mula sa mapa ng ekspedisyon ni Alessandro Malaspina noong 1792-1793.

PANATAG, bahagi ng Filipinas na dinaanan ng Malaspina expedition,
PANATAG, bahagi ng Filipinas na dinaanan ng Malaspina expedition, 1789-1794

Ang ekspedisyong Malaspina ang ika-apat sa Botanical-Science expedition ng Kastila, at siya ring rurok dahil binuhusan ito ng pinakamalaking gastos para maimbentaryo ang lahat ng teritoryo at ari-arian ng Hari ng España sa buong Amerika at Asya. Ito ang ekspedisyong nakapaglayag nang paikot sa mismong pinagtatalunan ngayon na Panatag Shoal.

Samantala, may mapa at dokumento ring kaugnay nito ang ginawa ng isang Briton na si Robert Carr noong 1794.

Ang mga mapa ay makapagsasabi rin ng historya at maging ng ating identity bilang isang nasyon, at bilang isang pamayanan. Makapagbibigay rin ito ng  mga alaala at inspirasyon sa patutunguhang bukas, at maging ng dangal ng lahi at ng sinilangang lugar.

Subukan ninyong busisiin ang mga detalye ng mapa ni Padre Murillo. Interesante ito, maraming matutuklasan!

Mabuhay ang Filipinas!

First Posted on June 11, 2015 as “Mapa at Historya (part 1)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *