SI SAN JUAN BAUTISTA ang mabunying patrong ipinagdiriwang ngayon sa maraming lugar sa Filipinas. Kabilang ang malawak na pinagmisyunan ng Ordeng Franciscano. At ang ilan sa mga ito’y ang mga bayan ng Lian at Calatagan na sakop ng sinaunang distritong Tuley ng Balayan sa Batangas, sa bayan ng Pola sa Oriental Mindoro, sa probinsiyang Marinduque, at bayang Taytay sa Rizal.
Ang Balayan ay may pistang bayan para sa kanilang patronang Inmaculada Concepcion tuwing Disyembre 8. Maliban dito, mayroon pa silang masigabong pagpipista para kay San Juan Bautista tuwing Hunyo 24. Sa okasyong ito napabantog ang “parada ng lechon” tuwing pistang-prusisyon ni San Juan Bautista.
Sa Mindoro, ang Baco ang unang bayang naitatag ng mga Franciscano noong 1579. May isang baryo ng Baco ang hiniwalay at naging bayan ng Naujan noong 1583. Kalaunan ay isang baryo naman ng Naujan ang hiniwalay at nagsarili bilang bagong bayan ng Pola noong 1632.
Nagpatuloy na lumago ang Pola. Mula rito’y ibinukod naman ang isa pang lugar. Nagsarili ito bilang bayan ng Socorro noong 1962.
Ang Naujan ang pinakamalaking bayan sa Oriental Mindoro. Bumubuo ito ng 12% ng buong probinsiya. Mapupunang sa pitumpong (70) barangay ng Naujan ay may pinangalanang Antipolo at Laguna. Kapangalan ito ng naging Antipolo City sa Rizal, at probinsiyang Laguna na pinagmisyunan ng mga Padreng Franciscano.
Ang Laguna de Naujan o Naujan Lake sa pulo ng Mindoro ang ikalimang pinakamalaking lawa sa Filipinas. Napalilibutan ito ng mga bayan ng Naujan sa north, Victoria sa west, Socorro sa south, at Pola sa east.
Sa baybayin ng naturang lawa na nasasakupan ng Pola ay may matatagpuan naman na isang komunidad na pinangalanang Taytay. Sa pag-amuki ng mga tagapagtatag na misyonerong Franciscano, si San Juan Bautista ang itinalagang patron ng komunidad ng Taytay at kalaunan ay ng buong bayan ng Pola.
Sa kabilang dako, ang Laguna de Bay naman ang pinakamalaking lawa sa buong kapuluan. Pinalilibutan ito ng mga probinsiyang Laguna at Rizal, at ng ilang bahagi ng Metro Manila. Ang bayang Taytay ay nasa bungad ng Silangang bahagi ng lawa sa gawi ng probinsiyang Rizal.
Si Padre Padre Santa Maria ay pinarangalan bilang “kapita-pitagang Unang Martir ng Provincia de San Gregorio Magno” na sumasaklaw sa Filipinas, Asia, at Pasifico. Siya ang pinuno ng grupong San Juan Bautista ng Ordeng Franciscano at itinuturing na inspirasyon sa paglaganap ng tradisyon at disiplinang San Juan Bautista sa Balayan-Tuley-Batangas, probinsiyang Mindoro at Marinduque, at bayang Taytay sa probinsiyang Rizal.
Tunay ngang si San Juan Bautista ay nag-aalab na inspirasyon noong sinaunang panahon pa sa pagtatatag ng mga Simbahan at bayan sa mga naturang lugar. Mapalad at malaking pagpapala na napabilang ang Taytay.
Mabuhay ang Taytay!
Viva San Juan Bautista!