Taytay ni Juan

DEVELOPMENT ANG MADALAS IPAGMALAKI. Pampa-cute ng mga politico. Aba, at may mga bumibilib naman. Eh, saan na nga ba nakarating ang sinasabing “kaunlaran” ng Taytay na isang first class municipality? Ayon sa COA Audit Report 2020 ay kabilang ang Taytay sa mayamang top-10

Cainta ang ika-4 sa mayamang municipalidad sa buong bansa, ang assets ay nagkakahalaga ng ₱3.473 billion. Ika-5 ang TAYTAY, ang assets ay ₱3.118 billion, pero sa taong 2021 ay lumaki sa ₱3.175 billion. Ika-6 ang Binangonan na may ₱2.803 billion, at ika-9 ang Rodriguez (Montalban) na may ₱2.390 billion. Sa kabilang dako, ang Rizal ang ikatlo sa pinakamayamang probinsiya, ang assets ₱23.053 billion. Ang Taytay at probinsiyang Rizal ay laging kabilang sa mayayamang LGU ayon sa opisyal na assesment ng mga kinauukulang Ahensiya. 

Magara ngang pambukana, pero dapat nating kilatisin kung ano’ng silbi nito. Ang real talk: ano nga ba ang katuturan nitong “kaunlaran” sa aktuwal na kalagayan ng mga maralita? Umangat ba ang buhay ng karaniwang masa—’yung bumuti ba o hindi ang kalidad ng pamumuhay nila? Ramdam ba naman ng mga nasa laylayan ang tamang serbisyo-publiko at -panlipunan, at nakarating ba sa kanila ang kaluwagang taglay na yaman ng kani-kanilang bayan?

Tara na’t sulitin ang karanasan sa nakaraang 2 taon ng kasagsagan ng pandemyang Covid—kung paano nakasalba ang buhay at kabuhayan nila, kung nakarating ba naman sa kanila ang karampatang ayudang medikal at pinansiyal mula sa “mayaman” nilang LGU at “mapagkalingang” politico. O baka pati ang mga iyon ay nagtago rin, naka-social distancing sa taong-bayan? O kinurakot pa ng mga namumuno?

Sa kasalukuyan, halos 70 porsiyento ng pamilyang Taytayeño ang walang sariling bahay at lupang matitirikan. Wala silang security of tenure sa pinagtayuan ng bahay sa easement at gilid-gilid ng mga ilog, sapa, at subdivision, pinag-iiskwatang bakante at napapabayaang lote, at maging pribado man o sa pampublikong resettlement site gaya sa Lupang Arenda at Floodway na kung saan ay naroon ang pinakamaraming maralitang informal settler families. Deka-dekada na nga sila roon, nagbabakasakali, umaasa pa rin. 

KANINO ANG LUPANG ARENDA? Ang orihinal na sinaunang Lupang Arenda ay malawak na tanimang agrikultural noong panahon pa ng Kastila. Sa lugar na iyon sa tabing-lawa nagsimulang matipon ang mga katutubo at naitatag ang pueblo o sinaunang pamayanan ng Taytay noong 1579, bago ito lumikas sa mas mataas na lugar noong 1591 na siyang sentro ngayon ng kabayanan ng Taytay. 

Ang agrikulturang itinuro ng mga misyonero, at ang tradisyunal na pangingisda ang patuloy na naging kabuhayan ng mga tao, at ang pinanggalingang lugar sa tabing-lawa ay naging “Lupang Arenda”. Saklaw ito ng sistemang encomienda ng Espanya.

Ang sistemang encomienda ay legal na winakasan ng Hari ng Espanya sa lahat ng teritoryong nasasakupan nito—kabilang ang Filipinas—noong 1720. Kaya ang pag-a-arenda ay opisyal na ring nagwakas, siempre, pati sa Lupang Arenda sa Taytay.

Ang lupaing taniman ay dinonasyon na ng mga naging gobernadorcillo (punong-bayan) ng Taytay na sina Don Cristobal Paramdam (1722), at Don Juan Valerio Gonzales (1727) sa municipio ng Taytay noon pang 1740, ayon kay Felix M. Sanvictores, ang mayor (punong-bayan) noong 1925-1931.

Marami nang naganap sa historya ng Taytay. Naabandona ang malaking bahagi ng malawak na Lupang Arenda bagamat may mga nagpatuloy pa rin ng paninirahan, at nabubuhay sa pagtatanim at pangingisda doon kahit wala silang kasiguruhan. Nag-iba na rin ang landscape o anyo ng kalupaan dahil sa paglubog ng maraming bahagi ng baybayin at pagbabaw ng kalawaan lalo na sa gawi ng Taytay, Angono, hanggang Binangonan, gayundin sa kabilang ibayong Taguig. 

Ang Lupang Arenda ay pamana mula sa Kastila, ipinasa sa Kano (1898 Treaty of Paris), isinalin sa mga Pinoy nang magsarili ang bansang Filipinas (1946 mula Commonwealth naging Republic). May iba’t ibang punto de vistang legal hinggil dito pero, ano’t anuman ay dapat lamang na ituring ngayon ang Lupang Arenda bilang pag-aaring publiko sa loob ng teritoryo ng Taytay. Kaya ang mga Taytayeño, lalo’t higit ang nangangailangang maralita, ang silang mga makatarungang benepisyaryo at unang-unang dapat makinabang sa lupain. 

LUPANG ARENDA PARA SA MARALITA. Nag-People Power Revolution noong 1986 (Freedom Constitution). Ang 200-hektaryang bahagi ng Lupang Arenda ay na-convert bilang resettlement site para sa maralita. 

Sa Proclamation No. 704 ni Pres. Ramos noong 1995 ay nireserba ang 80-hektarya sa Sitio Tapayan, Brgy. Santa Ana para sa socialized housing. Ipinamahala ito sa National Housing Authority (NHA) para sa mga informal settlers ng Taytay at sa iba pang apektado ng Pasig River rehabilitation program.

Binawi ito ng Executive Order 854 ni Pres. Gloria Arroyo noong 2009. Idineklarang mapanganib at hindi na pang-socialized housing doon dahil mababa raw sa 12.5 meters mean low water elevation na itinakda ng Laguna Lake Development Authority (LLDA). Pero bakit nagkatitulo at nakapagtayo ng malaking planta ang Asahi Electrical Manufacturing Corporation pagsapit ng 2012? May nakakakuha pa ng malalaking sukat ng lupaing pang-subdivision. At bakit nagkaroon ng lupaing pag-aari ang Torque Village Development Incorporated sa isang napakababa (below 12.5 elevation) na lugar na madalas na lubog sa baybayin ng lawa? Ano’t may mga pribadong gaya ng Peace Be With You Construction Corp. na umaangkin sa mga lupa kahit na-award na ng NHA at LLDA sa mga benepisyaryong maralita? May hekta-hektaryang public domain na nasa gilid ng C-6 Road Dike na bahaging easement at wetland ng Lawa, pero naging pag-aaring pribado na.

At ngayon ay may mga nakaambang development projects gaya ng Express Road Dike at commercial-Industrial park na sasakop sa tinatayang 2,000 hektarya—na pangunahing sasagasa sa Lupang Arenda-Floodway, at maging sa Angono hanggang Tayuman-Binangonan. Nanganganib na maperwisyo ang mga pobreng kabayan nating settlers—may titulong patent man sila o wala pa, na-awardan na o maski napangakuan pa sila ng “forever” ng mga tiwaling pulitikong weder-weder na ang trato sa mga maralita ay hakutan lamang ng boto tuwing eleksyon.

Sa mga proyektong “pangkaunlaran”, hindi isinasaalang-alang o kinukunsulta man lamang ang mga maaapektuhang maralita. Ang mahalaga para sa mga promotor ay maipatupad ang proyektong ikauunlad ng pakinabang ng mga dambuhalang kontraktor, tongpats para sa mga kurap sa DPWH, at komisyon ng mga ganid na politicong nakapuwesto. 

Mistulang naggandahan ang hitsura ng mga istruktura, nagkinangan ang kislap ng mga ilaw-dagitab, nguni’t nanatiling lugmok at napag-iwanan sa pag-unlad ang mga maralita.  

 

P.S. Pinaghahanda ang mga maralitang tao sa mga paparating na bagyo at dilubyo—na likas at gawang-tao. 🙁

 

 

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *