Taytay ni Juan

Aba, ginoo si Mariang Ina?

 

GINOO? Ba’t nagkaganu’n ang translation sa Tagalog ng “Ave Maria” o “Hail Mary”?

Una kong narinig sa programa ng DWXI radio ang ganitong tanong noong 1988. Kaso, hindi ako kumbinsido sa naging sagot ng guest speaker na isang high profile na Obispo. Natuwa ako nang kalauna’y natuklasan ko na ang kasagutan pala ay makukuha kay Padre Juan Portocarrero de Placencia, ang Franciscanong founder ng bayang Taytay noong 1579, at kay Padre Pedro Chirino, ang unang Jesuitang naging kura paroko ng Taytay (Parokya ni San Juan Bautista) noong 1591.

Ang Doctrina Christiana ay isinulat ni Padre Plasencia. Ito ang kauna-unahang aklat na inimprenta sa Filipinas noong 1593. Mas nauna pa ito kaysa sa unang aklat na inimprenta sa America noong 1640. Unang natunghayan sa Doctrina Christiana ang matimtimang dasal na “Aba, Ginoong Maria,” ang translation ng Ave Maria na mula sa orihinal na Latin. [Kaugnay: Catechism, native language]

Hayun pala naman, ang Katesismo at ang paghuhubog sa pananampalatayang Kristiano ng mga Filipino ay kasabay ng pagtuturo sa kanilang bumasa’t sumulat ng lengguaheng Tagalog at Español-Latin. Ang mga misyonerong Padre ang mga unang guro sa larangang ito.

Sa kaniyang aklat na Relacion de las Islas Filipinas (1604), tahasang inamin ni Padre Chirino na ang Tagalog ang labis niyang kinasisiyahan at hinahangaan mula sa marami’t iba’t ibang dayalekto o lengguaheng katutubo. Para sa kaniya, natagpuan niya sa wikang Tagalog ang napakainam na katangian ng apat na dakilang lengguahe sa buong mundo—ang Hebreo, Griyego, Latin at Español. Ang halimbawa ng mga katangian ng mga wikang iyon ay makikita sa “Ave Maria” kapag isinalin ito sa Tagalog.

Ginamit ni Padre Chirino ang “Katesismong Tagalog ng Sinodo ng Maynila, 1582” na inilimbag ng mga Dominicano sa pamamagitan ng mga blokeng kahoy (xylographs) noong 1593. Naroon ang “Ama NaminAba Ginoong Maria,” at iba pang panalangin at araling pang-Katesismo. 

Sa paraang naturan ay matutunghayan ang mga talinghaga at katangian ng paghahayag sa pamamagitan ng wika. Kagigiliwan ito ng mambabasa, magbibigay-impormasyon—makabuluhan man o kahit pag-uusisa lamang. Gayunman, may pasintabi si Padre Chirino na “ang bawat wika ay may natatanging ganda at karilagan nito na maaaring hindi nakikita at hindi kayang liripin ng mga banyaga.” 

Ayon pa kay Padre Chirino, “ang umpisang pagbati na ‘Aba’ sa panalangin ay tila malabo ang kahulugan, ngunit may puwersa itong katumbas ng pagsaludo, tulad ng ‘Ave’ sa wikang Latin. Ang ‘bucor’ ay naglalahad ng pagkakaiba-iba, natatangi at namumukod. Ang pantukoy na ‘si’ (Jesus) ay tulad ng ‘ton’ sa wikang Griyego. Ang yaman ng wika ay nasa dami ng mga salitang magsingkahulugan (synonyms) at parirala (phrases).”
[Kaugnay: Catechism, native language]

Kung lilimiin, ang Ave Maria ay napakaelegante at magagawa pang hubugin ito sa iba’t ibang paraan na may tulad ding dingal, nang hindi nawawala ang orihinal na diwa at kahulugan nito.

Ang pagsambit ng “Ave Maria” na Latin ay mistulang brusko, marahas at walang pakundangan kung isasa-Tagalog. Ang pinong pag-uugali at pagiging magalang ang nagdagdag ng salitang “guinoo”—at ang resulta nga’y ang masuyong panalanging “Aba guinoong Maria” nating mga Tagalog.

Ave Maria!

References:

—  First posted 26 Sept. 2014 @Weebly; Current post edited  —

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *