DAHIL hindi ako nakakaintindi ng wikang Latin, ang akala ko noo’y isang awit lamang ang “Salve Regina”. Nang lumaon ay napag-alaman ko na ito pala ‘yung “Hail Holy Queen” o “Aba po Santa Mariang Hari” na dinarasal natin sa pagtatapos ng Santo Rosario.
Tulad ng salitang “ginoo” sa “Aba ginoong Maria,” nagtaka rin ako noong umpisa kung bakit nga ba “hari” ang ginamit na salita sa “Aba po Santa Mariang hari”. Eh, ang akala ko’y ang “hari” at “ginoo” ay katawagang eksklusibo lamang para sa lalaki.
At ang sagot naman pala ay parehong nasa Doctrina Christiana, ang unang aklat na inilimbag sa Filipinas noong 1593 na isinulat ni Padre Juan Portocarrero de Plasencia, founder ng bayang Taytay.
Maliwanag na sa kauna-unahang pagtuturo ng mga misyonerong Kastila ng Katesismo at pagdarasal, pagbabasa at pagsusulat sa katutubong wikang Tagalog [kabilang na ang translation sa banyagang Latin at paggamit ng lokal na Baybayin], ay kauna-unahang ginamit nila ang mga salitang “ginoo” at “hari” patungkol sa Inang Maria.
Sa kaniyang aklat na Relacion de las Islas Filipinas noong 1604, sinabi ni Padre Pedro Chirino—unang Jesuitang naging kura paroko ng Taytay noong 1591—na “tuwing Biyernes ng Kuwaresma ay mapanatang inaawit ng mga tao ang Salve Regina para sa Mahal na Birhen. Kasunod noon ay makakapakinig sila ng pagsesermon sa simbahan.
Isang araw ng Biyernes, pagtunog ng kampana ng simbahan bilang hudyat ng oras ng pagsamba, umahon sa paliligo sa ilog ang mga tao para magsimba. May isang pasaway na nagpa-iwan at nangantiyaw pa sa mga papaalis: “Uwian na lang ninyo ako!” Nagpatuloy siya sa paliligo habang inaawit ng kaniyang mga kasamahan ang Salve Regina. At siya nama’y sinakmal ng buwaya at iniwang malamig na bangkay na lulutang-lutang sa tubig.” [Kaugnay na bahagi ng Taytay history]
************************
Dapit-hapon ng Oct. 11, 1492. Kakaiba ang araw na ito dahil bisperas ng kapistahan ng Our Lady of Pillar, ang dakilang patrona ng España. Muling pumailanlang ang awiting Salve Regina sa karagatan ng Atlantic. Ang siyamnapung manlalayag ay nasa ibabaw ng tatlong barko at nanalangin sa pamumuno ni Christopher Columbus, ang kanilang Almirante-Kapitan.
Ganito ang pagdarasal at ritwal nila tuwing magtatakip-silim mula pa noong maglayag sila galing sa España, may anim na buwan na ang lumipas. Nangako si Columbus na kapag hindi sila nakakita ng lupain bago ang kapistahan ng Mahal na Birhen ay tutulak na lamang sila pabalik sa España.
Matagumpay silang dumaong sa lupaing pinangalanang San Salvador (ngayo’y Bahamas). At nabuksan ang sibilisasyon at pananampalatayang Kristiano ng Amerika, ang kinikilalang New World.
Dahil dito, nangako sina Columbus na magpi-pilgrimage sila sa unang simbahang Marian na daratnan nila, at tinupad nila ito sa Azores (Portugal). Pagsapit sa España ay doon naman sa monasteryo ng Our Lady of Guadalupe sa Extremadura bilang taimtim na pasasalamat.
References:
-
- Lakbay-Pananampalataya, p. 27 >
- Doctrina Christiana, Padre Juan de Plasencia
- America Needs Fatima (ANF)