Taytay ni Juan

ANG PAGTATAYO NG ALTA ay karaniwang tagpo sa Taytay tuwing sasapit ang MAHAL NA ARAW. Naging tampok na bahagi na ito ng kultura, tradisyon, at pananampalatayang Katoliko sa ating bayan.

Halos sa bawat kalye ay may nakatayong Alta. May mga gawang simple lamang, mayroon ding bongga na tila nagpapaligsahan sa ganda ng gayak. Ang mga disenyo at dekorasyon ay di-maikakailang bunga ng pagtutulungan ng komunidad. Para ano pa’t pamayanan tayo ng mga mananampalatayang karpintero, mananahi, artists, at iba pang talentado’t bihasang manlilikha.

Pero, sa wari’y sa Taytay lang ang mayroong tinatawag na “Alta.” Sa Makati, ang tawag sa kanila ay “Kubol.” Sa karamihang lugar, ang mga ganuong istruktura ay basta tinatawag na lamang na “Pabasa.”

ANO ANG ALTA, AT PAANO NAGSIMULA. Banggitin natin ang ilang halimbawa ng ordinaryong paggamit at pakahulugan ng salitang “alta”. Tulad ng alta presion (high pressure), alta sociedad (high society), at alta vista (high view).

Sa karanasan ng Taytay, ang “alta” ay halimbawa ng isang anyo ng pagbabago ng salitang “altar” (disambiguation). Ang “altar” ay salitang Latin na “altarium” na ang kahulugan ay “mataas”. Gayundin ang Latin na “adolere” na ang ibig sabihin ay “ritwal ng pagsusunog o sakripisyong alay”.  

Dito nakabatay ang pilosopiya at pananalig kung bakit pinipiling magtayo ng pisikal na Altar at Simbahan sa matataas na lugar o lokasyon para sa pagsamba, pagdarasal, at mga ritwal. Ito’y tahas na pagpapahayag na taglay nila ang mataas na katayuang espirituwal – banal at makalangit – mga bagay na hindi kaagad “maabot ng kamay, makita ng mata, at malirip ng pang-unawa ng tao.”

Penitencia, ginaganap ng samahang Sacrifice for Christ (SAFOC) tuwing Huwebes Santo.

Ang Alta ay nasa kalsadang publiko at labas ng bahay tuwing Semana Santa. Samantalang ang Altar ay palagiang nakapirmi sa loob ng pribadong tahanan at Simbahan.

Sa karanasan ng mga katutubong Taytayeño, ang bigkas-tunog (phonetics) ng altar na naging alta ay normal lamang. Sa bukambibig ay magkapareho ang tinutukoy na Alta at Altar. Mapupunang ang pagbabago ng anyo ng salita ay tipikal na inilalagay sa dulong bahagi ng salita para maihayag ang “intensyon ng paggamit” ng naturang salita. Ang tawag sa ganitong pamamaraan ng pagbigkas ay inflection

PABASA NG PASYON. Ang Pasyon ay epikong tula na nagsasalaysay ng buhay, pagpapakasakit (pasyon), kamatayan, at muling pagkabuhay ng Panginoong JesuCristo. Isa itong anyo ng pagninilay, paghahayag ng pananampalataya sa Diyos, gayundin ay bilang ekspresyon ng gawain sa komunidad. 

Ang sadyang layon ng Alta ay magsagawa ng Pabasa ng Pasyong Mahal. Kaalinsabay nito, patuloy pa ring nagsasagawa ng Pabasa sa Altar ng mga pribadong espasyo, tahanan, at Simbahan

VIA DOLOROSA ng magkakapit-bahay simula sa madaling-araw ng Huwebes Santo, Masigla St., Brgy. Santa Ana (2015).
Nag-Estasyon ng Krus sa Alta ng Tancingco, Brgy. San Isidro.

Mapupunang nag-diversify na rin ang mga gawain sa ating Alta. Sa nagdaang 2 dekada, ang mga Alta ay naging lokasyon na rin ng mga nagsasagawa ng Daang-Krus (Stations of the Cross). Sa mga Alta na rin sadyang tumatapat magtanghal ng eksena ng “paghahagupit at paghahatol kay Kristo” ang mga grupong nagpe-penitencia. Kuntodong naka-costume pa sila ng Hudio at Romano.

Ang Pabasa ay dinala at itinuro ng mga misyonerong Padre sa mga katutubong Filipino noong ika-16 na siglo. Ang unang aklat ng Pabasa ay nasusulat sa wikang Kastila. Pinaniniwalaan ng mga sinaunang historyador na ang “pakantang pagbasa” ng Pasyon ay ginaya sa tradisyong Europeo. Higit naman itong pinagbuti ng mga katutubong Filipino na sadyang mahiligin sa melodiya at musika. Nagkaroon ng marami at iba’t ibang bersyon ng himig ang bawat samahang relihiyoso, etnikong grupo, mga baryo, bayan-bayan, at probinsiya.

ALTA at PABASA ng Basic Ecclesial Community (SJBP), Purok Kapatiran ng Santa Ana Chapel.

Ang Mahal na Passion ni Jesu Christong Panginoon Natin na Tola ay tulang nagsasalaysay sa pasyon at muling pagkabuhay ni Jesus. Ito’y isinulat ng Batagueñong si Gaspar Aquino de Belen noong 1704. Kinilala itong obra maestra ng panulaang Tagalog sa ika-18 siglo. Matalino ang makatang si De Belen at marapat siyang ituring na kahanay ng mga bantog na makatang Filipino.

Samantala, ang Bulakeñong si Mariano Bernabe Pilápil naman na isang Paring Klerigo ay nagbigay ng pahintulot sa paglalathala ng Casaysayan ng Pasyong Mahal ni Jesuchristong Panginoon Natin na Sucat Ipag-alab nang Puso ng Sinomang Babasa; gayunma’y pinaniniwalaang siya rin ang mismong sumulat nito. Nalathala ito noong 1814. Ginagamit pa rin ito hanggang sa kasalukuyan sa mga Pabasa ng Pasyon kapag Mahal na Araw.

Ang mga saknong (stanza) na nakahanay ay may tig-5-taludtod na linya (verses), at ang bawat linya ay may 8-pantig (syllables). Binabasa ang mga talata nang patula; at kadalasan ay paawit ang ginagawang pagbasa, at sinasabayan pa ng instrumento gaya ng popular na gitara. At mawawaring hindi naaampat ang kasiglahan ng pagbabasa sa katiyakang may nakaantabay na hahalili sa mga nakasalang na mambabasa o cantores–lalo pa’t may nalalanghap na nilulutong ginata’ng bilo-bilo o kaya’y ang walang kamatayang caldo.

 

Ikaw nga Hesus kong giliw
loob na lubhang matining
ikaw ang sasalaminin
ng puso ko at panimdim
sa ano mang aking gawin …

 

… Hesus ay iyong isama
sa Pasion mo’t pagdurusa
yamang ikaw ri’t dili iba,
sakdalan tuwi-tuwi na
luwalhati nang lahat na.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *