MAY ginto sa mapa. Nagtrabaho ako bilang draftsman sa isang gold mining exploration noong 1980. Alam kong mahalagang isamapa ang mga eksaktong lokasyon ng pagmiminahan. Maselan. Hindi pwedeng sablay ang mga detalye. Pero suwerte, marami kaming references. Kadalasa’y kinokopya o nire-repro na lang ang mga mapa at dinaragdagan ng mga marka na ukol lamang sa industriya ng pagmimina.
Sa kabilang dako, may naging kaibigan ako—si Manong John Perez. May 15-taon ang tanda niya sa akin, tubong Pangasinan, dating nasa US Army. Napabilang siya sa survey team na nag-remapping ng South Vietnam noong 60’s. Ikinuwento niya sa akin ang pinagdaanang hirap sa Vietnam. Eh, galugarin ba naman nila nang palakad ang mga liblib na lugar, bundok, gubat, parang, sakahan, ilog at daluyang-tubig bitbit ang mga modernong survey instruments. Manaka-nakang sagabal pa sa kilos nila ang Vietcong snipers. Pero sa kabila ng lahat, mission accomplished. Nagawa nila ang mapa. Pero sa likod ng mapa ay may deka-dekadang giyera ng Vietnam laban sa dayuhang France at lalo na sa US.
Sa panahon natin ngayon ay easy-easy na lang ang paggawa ng mapa. Meron na kasi sa textbooks. Makakabili na sa bookstore. Kahit nga nasa bahay ka lang ay magkaka-access ka sa mapa. Madali lang, kasi may internet na. Puwede kang mag-GPS. Komo via satellite, i-Googgle mo lang, presto!
Unang mapa ng Filipinas
Mapa ng Filipinas, paano kaya nagawa iyon? Aba, nakupo, napakahirap! Madugo ang pasimula.
Hmmm, ganito. Sa pamumuno ni Ferdinand Magellan ay dumating ang mga Kastila sa pulo-pulo ng Homonhon (ngayo’y Eastern Samar) noong Marso 16, 1521, bisperas ng kapistahan ni San Lazaro ng Betania ayon sa tradisyon ng Eastern Churches. Kaya pinangalanan ni Magellan ang mga pulong iyon na Las Islas de San Lazaro at ibinilang sa nasasakupan ni Haring Carlos V ng España. Kumporme ang Agustinong si Padre Pedro de Valderrama, ang chaplain ng kanilang ekspedisyon. Para sa isang misyonerong Katoliko, matagumpay na maiguguhit ang Krus sa mapa sa ibayong dakong ito ng mundo.
Unang narating nina Magellan ang Isla Ladrones (Marianas o Guam) noong March 6, 1521. Sumunod ang Homonhon (Samar), makalipas ang 10-araw, March 16.
Sa umpisa pa’y itinuring nang kabilang ang Ladrones sa tinawag na Las Islas de San Lazaro (Filipinas ngayon) na nadiskubre ni Magellan.
Kasama ni Magellan si Antonio Pigafetta, isang historyador-tagasulat, sinaunang surveyor, at cartographer o tagaguhit ng mapa. Mula sa tuktok ng barko kung naglalayag, at sa punongkahoy kung nakadaong, ay sinisipat ni Pigafetta ng tanaw ang mga pulo na kanilang nadaraanan sa paglalakbay. Saka niya iginuguhit, tinitipon at pinagsasanib. Ganu’n niya nabuo at nagawa ang unang mapa ng kapuluan.
Mahusay sa tantiyahan. Natukoy ni Pigafetta ang mga lokasyon, hugis, layo, at sukat ng mga pulo at dagat kahit wala siyang transit o anumang hi-tech na instrumento at gadyet. Ruler at compass lang ang instrumentong gamit. At ang kaniyang “napakahabang leeg.” Hindi pa kasi naiimbento noon ang telescope.
Naitala niya ang mga pulo at pinangalanang Zzubu (Cebu), Mattam (Mactan), Bohol, Humunu (Homonhon), Zzamal (Samar), Caghaian (Cagayan), at Pulaoam (Palawan); gayundin ang mga lugar na Maingdanao (Mindanao), Butuan, Calagam, Subanin.
Kaso, makalipas lamang ang mahigit 40-araw, napatay si Magellan at ang halos 30 kasamahan niya sa mabangis na labanan sa Mactan.
Pero ipinagpatuloy ni Pigafetta ang pagtatala ng ulat at pagguhit ng kaniyang mga mapa hanggang makabalik ang ekspedisyon nila sa España noong 1522. Sa orihinal na 237 na naglakbay, 18 na lamang silang nakabalik—kabilang si Pigafetta, ang kaniyang talaan ng ulat-kasaysayan, at ang ginawa niyang mapa—lulan ng punong-barkong Victoria.
Dumating ang conquistador na si Ruy López de Villalobos sa dako ng Leyte at Samar noong Pebrero 2, 1543. Pinangalanan niya iyon na Felipinas bilang parangal kay Felipe II, ang prinsipe ng Asturias na tagapagmanang hari ng España. Kalaunan, hindi lamang Leyte at Samar kundi pati ang buong archiepelago ay kinilala bilang Felipinas.
Akalain n’yo, ang nadiskubre ni Magellan ay ang Las Islas de San Lazaro noong 1521. Pero pinangalanan naman itong Felipinas ni Villalobos noong 1543.
Mga sumunod pang mapa ng Filipinas
Ang mapang ginawa ni Giacomo Gastaldi noong 1548 ay pinagbatayan at pinaunlad ni Giovanni Ramusio sa kaniyang mapang Terza Ostro Tavola noong 1554. Ang pinagkumbinasyong mapa nina Ramusio at Gastaldi ay mabigat na nakasusog sa resulta ng ekspedisyong Magellan-Pigafetta at sa kasunod nitong Villalobos.
Sa Terza Ostro Tavola unang naitala ang Filipina sa mapang ginawa sa Europa. At naroon pa ring nakatala ang Archipelago de San Lazaro na sumasaklaw sa mga pulo ng Lo Ladron (Guam), Humunu (Homonhon), Cyabu (Cebu), Vendanao (Mindanao), Sarangan (Sarangani), Zolo (Jolo), at Paloban (Palawan). Ang tinukoy na Filipina ay isang makitid na pulo sa gawing Silangan ng Mindanao. Hindi pa nadidiskubre ang Luzon sa panahong iyon.
Dumating ang grupo ni Adelantado Miguel López de Legaspi sa Cebu noong 1565. Kasama niya ang bihasa at beteranong manlalayag na paring Agustino na si Andres de Urdaneta. Natuklasan ni Padre Urdaneta ang rutang-dagat sa Pasifico at iginuhit niya sa mapa ang landas ng Filipinas patungong Acapulco. Ito ang naging ruta ng Manila-Acapulco galleon trade, ang nagbukas at naglagay sa Filipinas sa sentro ng pakikipagkalakalan sa ibang bansa. At binansagan ng paring Jesuitang si Padre Juan J. Delgado ang Filipinas bilang Perla Del Mar De Oriente o “Perlas ng Silangan” (Pearl of the Orient Seas).
Nasakop nila ang Maynila noong 1571. Sumunod ang nabigong pagbawi sa Maynila nina Raja Soliman sa labanan sa Bangkusay, Tundo. Saka pinamunuan ni Capitan Juan de Salcedo ang pacification campaign at nalibot ng kaniyang ekspedisyon ang buong Luzon. Bunga nito, higit na napaunlad ang detalye ng mga sumunod na mapa ng Filipinas. Nadagdag sa mapa ang Luzon.
Ginawa ni Petrus Kaerius ang Insulae Philippinae sa Amsterdam noong 1598. Ito ang unang mapang selfie ng Filipinas. Iginuhit ito nang patagilid. Makikilala ang mga pangalang Luconia (Luzon), Ilocos, Pagansi (Pangasinan), Mamlba (Manila), Mindara (Mindoro), Panama (Panay), Negoes (Negros), Cabu (Cebu), Paracalla (Paracale), Mindanao, Suricao (Surigao), Dapito (Dapitan), Solor (Jolo) at iba pa.
Ang Maris Pacifici (Amsterdam, 1608) ni Abraham Ortelius ay nagtatanghal naman sa makasaysayang barkong Victoria nina Magellan at Pigafetta na magiting na naglayag patungong Philippinas-Islas de Luzon.
Ang Insulae Indiae Orientalis naman nina Gerard Mercator at Jodocus Hondius (1613) ay naglagay sa Kapuluan ng Filipinas at San Lazaro na nasa sentro ng Asia. Nagpapakita rin ito ng pangingibabaw ng puwersang pandagat ng Kastila kontra sa Dutch. ‘Yun ang labanan sa Manila Bay noong 1600 sa pagitan nina Admiral Oliver Van Noort at ni Dr. Antonio de Morga, ang Tiniente-Gobernador ng Audiencia o pamahalaang Kastila sa Filipinas.
San Lazaro o Filipinas?
Mahigit isandaang taon pa ang lumipas mula kay Magellan. Sa mapang Insularum Philippinarum ng mga prayleng Agustino noong 1639, ang kapuluan ay kinikilala pa rin bilang Fernandina Archipelagus Sancti Lazari (“Kapuluang San Lazaro ni Fernando Magallanes”). Ipinahahayag nito na ang Kapuluan ng Filipinas na nasa ilalim ng pamahalaang sibil, ay may Provincia o lokal na sangay rin ng Ordeng Agustino na ang saklaw naman ay eklesyastikal o pang-Simbahan.
Makikita natin sa mga sinaunang mapa hindi lamang basta ang mga guhit at larawang pisikal ng mga lugar. Kabilang din dito ang mga kuwento ng ating Pananampalatayang Kristiyano.
Ang mga mapa ay naglalaman din ng kasaysayan ng ating lahi, kultura at sining. Mababakas ang dangal, giting, adhikain at katangian ng kapanahunan noong gawin ang mga ito. Maraming aral at kaalaman ang nasa likod ng bawat anyo at pangalang naitala sa mga mapa. 🙂
First posted 30 July 2015 as “Mapa at Historya — part 2″; Current post edited