Taytay ni Juan

SIYA AY BININYAGAN sa pangalang “Salvador”; ang kahulugan niyon ay “tagapagligtas.” Isang paslit pa lamang nang siya at ang kaniyang mga magulang ay dumating sa Filipinas na kasama ni Adelantado Miguel Lopez de Legazpi noong 1565. Nagmula siya sa Nueva Granada sa North America (nasasakupan noon ng Kastila, ngayon ay Colombia, Ecuador, Panama, at Venezuela).

Ay, Dios mio, pasaway talaga! De-primerang makalokohan si Totoy. Nilolooban niya ang bahay ng mga nakikilala niyang katutubo at saka tinatangay ang kanilang anito at kinakaladkad pa sa mga kalsada. Nangangamba tuloy ang kaniyang mga magulang na baka siya’y mapahamak dahil sa galit ng mga taong sinasalbahe niya.

Kaya bilang “kaparusahan at pagdidisiplina” ay minabuti ng kaniyang mga magulang na ipaubaya si Salvador sa pangangalaga ni Padre Juan de Plasencia, ang founder ng bayang Taytay (Rizal). Mas pinili pa nilang maging custodio si Padre de Plasencia kaysa sa nakatatandang kapatid ni Salvador na si Pablo na isang paring Canon na nakadestino sa Katedral ng Maynila.

May pakinabang ang pagkukulitan ng pilyong Totoy at ng mapagpasensiyang si Padre de Plasencia. Tinuruan ni Salvador ang Padre ng wikang Tagalog. Siya naman ay tinuruan ng Padre ng wikang Latin at ginawa pang alalay sa mga sulating gamit sa pangmimisyon ng Ordeng Franciscano. Nagtugma ang kumbinasyon ng bagitong estudyanteng teenager at ng may-edad nang ekspertong maestro. Natuto silang pareho sa isa’t isa habang magkahawak-kamay silang tumungtong sa misyon sa Taytay simula noong 1579.

Makalipas ang dalawang taon (1578-1580) ay nakagradweyt sa “pagdidisiplina” si Salvador. Isinuot niya ang abito ng isang disipulong may disiplinang relihiyoso. Nang sumunod na taon ay niyakap niya ang misyonerong Ordeng Franciscano. Kagyat siyang puspusang nagsanay upang maging isang ganap na Padre confesor at mangangaral. Nakilala siya bilang si PADRE MIGUEL DE TALAVERA ng  Ordeng Franciscano, ang maituturing na “unang batang naging paring misyonero sa Filipinas, na hinubog at sinanay dito na rin mismo sa Filipinas.

Sumunod sa yapak ng guro

NOONG 1587 AY MAGKATUWANG na nagmisyon sina Padre Miguel at Padre Francisco Santa Maria sa Borneo. Si Padre Santa Maria ay napatay doon at naging unang martir at Santo ng Provincia (San Gregorio Magno) ng Franciscano. Si Padre Santa Maria ang pinakabata sa unang grupo ng mga misyonerong Franciscano na dumating dito sa Filipinas. Nadestino rin siya sa Visita Santa Ana de Sapa, kabilang ang Taytay.

Bumalik si Padre Miguel sa Maynila. Ang minsang naging “batang-Taytay” ay nagministeryo rin sa mga bayang ipinundar nina Padre de Plasencia at Padre de Oropesa, kabilang na ang Lucban. Si Padre Miguel ang unang paring nagministeryo sa Lucban noong 1595. Itinatag niya ang komunidad sa Guilinguiling at Marata na naging Caboan (malawak na Siniloan) noong 1597, 1604-1605, 1609, 1614-1616. Naglingkod din siya sa Nagcarlan noong 1604-1605.

Simbahan ng Mabitac, 1616

Si Padre Miguel ang nagtatag ng bayan ng Mabitac noong 1616 sa ilalim ng patronahe ng Nuestra Señora de Candelaria. Ang Imahen ay ginawa noong 1600 para sana sa simbahan ng Paco (Santa Ana de Sapa); pero una Siyang itinanghal sa kapilya ng isang ospital sa Los Baños noong 1603.

Ang imahen ng Nuestra Señoraay inilipat sa Siniloan noong 1615 sa pamamagitan ni Padre Miguel. Bagama’t plano niyang iluklok ang imahen ng Inang Birhen sa bundok ng Siniloan upang magsilbing “tanda ng pag-iisa ng mga komunidad sa palibot,” ang namayani ay ang masugid na kahilingan ng mga taga-Mabitac na mailagay Siya sa kanilang bayan (1618; Kalbaryo Hill ngayon).

Nuestra Señora de Candelaria

Si Padre Miguel ang awtor ng mga sumusunod:

  • Mga talinghaga ng Banal na Kasulatan para sa mga kapistahan at araw ng pangilin (Figuras y metaforas de la sagrada escritura, aplicadas a las festividades de los santos);
  • Mga Moral na paghahalintulad (Similes morales);
  • Mga Kristianong halimbawa (Ejemplos cristianos);
  • Mga sinabi ng Banal na Kasulatan at ng mga Ama ng Simbahan (Sentencias de la sagrada escritura y santos Padres);
  • Mga sermon para sa lahat ng pagdiriwang sa Inang Maria (Marial, sermones para todas las festividades de Nuestra Señora); at
  • Mga Alaalang isina-Kastila at Tinagalog; inimprenta sa Maynila noong 1617 (Memorial de la conciencia, en castellano y tagalog).

Tatlumpu’t dalawang taon pa ang lumipas nang maulila si Padre Miguel sa kaniyang “espiritwal na amaing” si Padre de Plasencia. Nadaanan pa ni Padre Miguel ang Sta. Cruz de Potac bago siya naman ang pumanaw noong 29 Hulyo 1622 sa edad na 58 — sa Pila na naging himpilang pangmisyon din ni Padre Diego de Oropesa.

—————————————————————-

REFERENCES:

  • Fr. Felix de Huerta, OFM. Estado Geografico, Tofografico, Estodestico, Historico Religioso, de la Santa y Apostolica Provincia de San Gregorio Magno, de religiosos menores de scalzos de la regular y maś estrecha observancia de N.S.P.S. Francisco, en las islas Filipinas. Imprenta de M. Sánchez y Cía, Manila, 1865. p.146-148, 499-501
  • Fr. Eusebio Gomez Platero. Catálogo biográfico de los religiosos franciscanos de la provincia de san Gregorio magno de Filipinas desde 1577 en que Llegaron losPrimeros hasta las de nuestras Dias. Imprenta del Real colegio de Santo Tomás, á cargo de Gervasio Memije, 1880. p.49-50
  • Emma Helen Blair. The Philippine Islands, 1493-1898. 311
  • National Historical Institute 1993, p.68
  • OFM Archives-Philippines

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *