Taytay ni Juan

 

6
Prusisyong nagdala sa imahen mula sa dalampasigan
ng Manila Bay patungong Katedral, 1662.

NILILOK ang imahen ng Birhen ng Antipolo sa Acapulco, Mexico at naglakbay sa Filipinas na dala ni Gobernador-Heneral Juan Niño de Tabora noong 1626. Itinalaga itong patrona ng kanilang mga misyon. Pagdaong sa Maynila ay iprinusisyon patungong simbahan ng Jesuita sa Intramuros.

5
Ang Birhen ang tanggulan ng Cavite laban
sa puwersang dagat ng Dutch, 1647.

Mula noo’y nagparoo’t parito na sa Acapulco at Maynila ang Birhen lulan ng barkong galleon na nagbunga ng masaganang kalakalan sa dakong Silangan. Siya ang ginawang patrona ng galleon kaya’t sa Kaniya ipinabahala ng mga manlalayag ang kanilang kaligtasan sa gitna ng pananalakay ng mga pirata at maunos na dagat-Pasifico, at maging sa pag-aalsa ng mga naburyong na tripulante. Sa pamamagitan ng galleon ay nabuksan ang Filipinas at naging sentro ng pakikipagkalakalan sa dayong Silangan, at marapat na kinilala bilang “Perlas ng Silangan.”

Pansamantalang itinahan ni Tabora ang imahen sa isang kapilya sa bundok ng Sta. Cruz, malapit mismo sa Antipolo habang hindi pa nagagawa ang simbahan na magiging dambana ng Birhen. Makailang ulit nang misteryosong nawawala ang imahen at natatagpuang nakasiksik sa mga sanga ng puno ng tipolo (scientific name: artocarpus blancoi). Ang tinistis na punong tipolo ang ginawang pedestal ng imahen. Ang tipolo rin ang pinaghalawan ng pangalan ng bayang Antipolo.

Nang mayari ang simbahan ng Antipolo noong 1632, isang taon matapos ang ikalawang simbahang-bato sa Taytay (1630-1631), ang Parokya ni San Juan Bautista, ay pormal na isinalin ni Tabora sa mga paring Jesuita ang pinakamamahal niyang imahen upang sa wakas ay mailuklok sa minimithi niyang dambana.

2
Nabigo ang mga nag-alsang Tsino sa pagwasak at
pagsunog sa imahen sa dambana ng Antipolo, 1639.

Nag-aklas ang mga Tsino ng Calamba noong 1639. Sa kanilang pag-atras ay isang malaking pulutong ang nakarating hanggang sa dako ng Taytay (Rizal) at Antipolo at nilapastangan nila ang simbahan ng dalawang bayan. Milagrong nabigo sila sa pagsira at pagsunog sa imahen ng Birhen ng Antipolo. Kasunod nito’y pansamantalang inilipat ang imahen sa simbahan ng Cavite, sa bayang malakas ang tanggulang-militar at daungan din ng mga galleon. At patuloy na naglakbay ang Birhen bilang “proteksyon at giya” ng galleon.

Sa pamamagitan ng isang dekreto ni Gobernador Heneral Sabiano Manrique, ang titulong Nuestra Señora dela Paz y Buen Viaje ay pormal na iginawad sa Birhen ng Antipolo noong Sept 8, 1653, at may kaukulang pag-aalay na Misa sa simbahan ng San Ignacio sa Intramuros na ipinagdiwang ni Arsobispo Miguel Poblete. At naglakbay pa ring muli ang Birhen ng Antipolo na lulan sa mga galleon.

Sa kaniyang huling paglalakbay sa ibayong dagat, ang Birhen ay mabunying sinalubong sa kaniyang pagbabalik sa Maynila noong 1748. Mula sa palasyo ng Arsobispo ng Maynila ay umuwi patungong Antipolo noong Pebrero 18-20, hatid ng mga awiting Salve, serenata, indak at sayawan, pagro-Rosario at mga panalangin ng pasasalamat, habang naglalayag sa ilog Pasig hanggang sa mga dinaanan sa Taytay at pag-ahon sa mga burol at bundok ng Antipolo, upang doo’y pirmihan nang idambana.

Mula noo’y hindi na Siya naglakbay pang muli sa mapanganib na dagat-Pasifico. Siya na ang patuloy na dinarayo at pinupuntahan ng mga pilgrims sa kanyang dambana sa Antipolo. Kahit pa winasak ang dambanang simbahan ng pambobomba ng mga Kano noong World War 2, ay ibinalik sa dambanang simbahan ang imahen ng Mahal na Birhen at nagpatuloy ang pilgrimage ng mga deboto.

Noong 1926, iginawad ni Pope Pius XI ang canonical coronation, isang dekretong parangal sa Imahen dahil sa pagiging antigo nito, kinatampukan ng mga milagro, at marubdob na pinagdidibusyonan.

Nagkaroon ng epidemya noong maagang kapanahunan ng Kastila. Ang epekto’y nakarating sa Taytay at Cainta. Napawi ito dahil sa pamimintuho sa Mahal na Birhen na ipinag-Misa sa bundok na pinangalanang “Pinagmisahan.” Ang kasaysayang ito’y muling diniskubre at maringal na ipinag-Misa noong Mayo 3, 1947 sa panahon ng kura parokong si Msgr. Francisco Avendaño. Pinasinayaan ito ni Arsobispo Michael O’Doherty ng Maynila. Mula noo’y ipinuprusisyon ang Birhen tuwing umaga ng unang araw ng Martes ng buwan ng Mayo, mula sa Katedral patungo sa “Pinagmisahan” para magdaos ng Misa. Hudyat ito ng simula ng pilgrimage season sa Antipolo. Kilala ang lugar ngayon bilang White Cross o Via Dolorosa.

Ang simbahan ng Antipolo ay idineklara ng mga Obispo ng Filipinas bilang national shrine ng Nuestra Señora dela Paz y Buen Viaje noong Enero 14, 1954.

 

MAY DAMBANA RIN SA IBAYONG DAGAT

SA HONOLULU, HAWAII ay mayroong shrine ng Our Lady of Peace and Safe Traveling. Doo’y maraming Pinoy ang nagtatrabaho at migrante. Feel na feel nila ang tradisyon at debosyon sa Birhen ng Antipolo. Walang palya ang pagdalaw nila sa dambanang-Katedral ng Antipolo tuwing silay nagbabalik-bayan sa Filipinas.Birhen Anitpolo 1

Noong 1947, ang Arsobispo ng Valladolid, Spain, ay humiling at nagpagawa ng replica ng Birhen ng Antipolo para iluklok sa isa sa kanilang tatlong chapel ng bagong gawang dambana ng Sacred Heart sa kanilang Archdiocese. Sa isang chapel ay ang Lady of Guadalupe, ang patrona ng mga bansang Amerika. Sa isa nama’y ang Lady of Pillar, ang patrona ng Spain at Europe.

Bago lumisan, ang replicang imahen ng Birhen ng Antipolo ay naglakbay muna’t nag-despedida sa may 100-Parokya sa buong Filipinas. At sa Valladolid, iniluklok sa isang gawang-pilak na altar na ang backdrop ay painting na may dibuho ng mga bahay-kubo, punong niyog at saging. Pinoy-na-Pinoy ang dating!

Ang imahen ng Birhen ng Antipolo ay may dambana rin sa Pontificio Collegio Seminario de Nuestra Señora de la Paz y Buen Viaje (Pontificio Collegio Filippino), isang seminary for higher studies sa Rome. Ang nagpursigi nito’y ang yumaong Rufino Cardinal Santos. Naroon ding naglilingkod ngayon bilang Rector si Fr. Greg Gaston, founder ng Subtle Attacks against the Family Explained (SAFE) na nakabase sa St. Michael Retreat House, Diosesis ng Antipolo.

Sa isang parokya ng mga Pinoy sa Los Angeles, California ay may nakaukit ding alaala ang Birhen ng Antipolo. Pangarap ng mga Pinoy doon  na magkaroon ng kampana ang kanilang simbahan na katulad din ng tunog ng nasa simbahan ng Antipolo. At natupad ito. Ipinagkaloob sa kanila ang isa sa mga sinaunang kampana ng Antipolo. Patuloy ngayon itong umaalingawngaw sa California.

Sakto! Sa kasaysayan, ang malawak na coastal area ng California ang malawak na kalupaan na nakita ng mga nagyayaot na galleon na patawid pa-Kanluran, ‘yun ang unang senyales na malapit na sila sa daungan—ang unang biyaya sa pasasalamat sa Mahal na Ina na kanilang gabay sa payapang paglalakbay. Itong ang unang lugar na bumungad sa manlalakbay-dagat na nakadiskubre sa “Bagong Mundo” na kilala nating ngayong Amerika.

Ay, Madre de Dios! Kahit kami’y pobre ay may dambana ka rin sa aming puso! May mga Salve ang bawat pintig na ikaw ang pintuho at sambit!

Ipanalangin mo po kami at ilapit sa Kabanal-banalang Puso ni Jesus na aming Panginoon at Manunubos…!

 

 

References

  • Monina A. Mercado. Antipolo: A Shrine to Our Lady. Published for Aletheia Foundation Inc., by Craftnotes Inc. Makati, 1980
  • Pedro Murillo Velarde, S.J. Historia de la Provincia de Philipinas de la Compañia de Jesus (1616-1716). Manila. 1749; 

 

(First posted on 16 May 2015; Current post edited)

 

 

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *