Planong Himagsikan sa Lupang Arenda
Mula sa Manila Bay sa Tundo, ang 25.2–kilometrong Pasig River ay naglalagos sa Napindan Channel sa Laguna de Bay. Ang Pasig River ang pumapagitan sa Brgy. Napindan ng Taguig at Lupang Arenda sa Brgy. Santa Ana ng Taytay.
Sa magkabilang dulo ng Pasig River—sa Tundo at Napindan—ay parehong may parola (lighthouse) para magbigay-liwanag at giya sa mga naglalaot. Ang Parola sa Tundo ang kauna-unahan sa Filipinas na itinindig noong 1642. At ang Parola sa Napindan ay nagisnan noong 1800s.
Naging ruta ng batang si Jose Rizal
Ang batang si Rizal ay isang pilgrim, deboto ng Birhen ng Antipolo. Naglalakbay siya sa kalupaan mula sa kanyang bayang Calamba, La Laguna. Pagsapit sa Pasig ay nagyayaot naman siya sa Ilog Pasig–Napindan na bumabaybay sa gilid ng bahain at malawak na sakahang Lupang Arenda, at sa Parolang nasa Laguna de Bay.
Ang pagbagtas ni Rizal ay tungo sa embarcadero ng Lupang Arenda na nasa bungad ng Ilog Tapayan. Ang tunton nito’y papasok sa malaking Ilog Taytay hanggang makasalunga sa pook ng KayTikling. Sa KayTikling ang lunsaran para magsimulang maglakad kung papaakyat sa mabundok na Antipolo.
Dumanas ng hirap sa panganganak kay Pepe ang kanyang inang si Teodora Alonzo, kaya namanata sila sa Birhen ng Antipolo. Kasama ang kaniyang ama, minsan ay umahon si Pepe sa Antipolo na bitbit sa duyang hamaka noong Hunyo 6, 1868. Dahil sakitin at may-katandaan na ang ina, ang kadalasang kasama noon ni Pepe sa paglalakbay ay ang amang si Francisco Mercado Rizal.
Si Pepe ay naging presidente ng Academia de la Literatura Castellana sa Ateneo Municipal de Manila. Sa kahilingan ng mga Jesuita, inspiradong sinulat ni Rizal ang zarzuela na pinamagatang “Junto al Pasig” (Sa tabi ng Pasig). Isa itong obra maestrang isinatitik niya sa wikang Espanyol. Kagagradweyt lamang niya noon sa Ateneo habang sabay siyang nag-aaral ng medisina sa Unibersidad de Santo Tomas.
Ang “Junto al Pasig” ay isinadula noong Disyembre 8, 1880, araw ng kapistahan ng Inmaculada Concepcion, ang patronang Birhen ng Pasig at Antipolo. Inilalarawan sa dula ang pangitain na si “Satanas ay nagpanggap na isang ‘diwata’ na may layuning manlinlang at manukso. Samantala, ang Birheng Maria naman ang Babaeng mahigpit na katunggali ni Satanas.”
Planong Himagsikan binalangkas sa Parola ng Napindan-Arenda
Tubong-Tipas, Taguig ang angkanan ni Santiago Bonifacio, ang ama ni Andres Bonifacio. Nalipat lamang ng paninirahan sa Tundo ang pamilya nina Andres dahil sa kanilang trabaho. Siempre, pabalik-balik sa Tipas sina Andres lalo na tuwing pista ng “Santa Ana Banak” na kasabay ng kaparehong pista sa Lupang Arenda na sakop ng Brgy. Santa Ana sa Taytay.
Istratehiko ang lokasyon ng Parola sa Napindan. Nasa pagitan ito ng Kamaynilaan (gawing-Kanluran), at ng mga bayan at bundok sa Rizal (gawing-Silangan). Ito ang pinakamainam na tuntunan ng talastasan at kilos mula sa Tundo at sa mga municipiong namamaybay sa kahabaan ng Ilog Pasig, at sa mga nakapalibot sa Laguna de Bay.
Kabisado ni Andres ang galawan sa Parola ng Napindan. Nakapagtitipon dito at nagtatalastasan ang mga Katipunero nang hindi nahahalata ng mga Guardia Civil. Kunwa’y may piknik, kantahan, sayawan, at kasayahan silang ginaganap. Madalas ang ganitong senaryo kung buwan ng Mayo, panahong maraming dumadaang manlalakbay papuntang Antipolo.
Kaya napili ni Andres ang Parola na maging lihim na tagpuan ng makabayang kilusan dahil pamilyar siya sa kapaligiran. Dito nagpulong ang Katipunan sa pamumuno niya noong gabi ng Mayo 29, 1896.
Nasa tipanang ito ang matataas na pinunong sina Emilio Aguinaldo (Kawit, Cavite), Emilio Jacinto (Majayjay, La Laguna), at Pio del Pilar (San Pedro Macati), at iba pa. Sa huntahang iyon nag-ulat si Dr. Pio Valenzuela sa naging talastasan nila ni Rizal na naka-deport pa noon sa Dapitan, Zamboanga. Ibinahagi ni Rizal ang kanyang pananaw, paninindigan, at mga payo kaugnay ng binabalangkas nilang himagsikan. Kabilang sa mungkahi na hingin ang tulong ni Antonio Luna na batid nilang nakapag-aral ng mga taktika’t istratehiyang-militar sa Espanya.
At inilunsad ng Katipunan ang Unang Sigaw sa Pugad-lawin, Balintawak noong Agosto 23, 1896.
Lubhang Nasalanta ng Filipino-American War
Sumiklab ang Fil-Am War noong Pebrero 1899. Si Pio del Pilar ang itinalaga ng Rebolusyonaryong Gobyerno bilang komander ng Ikalawang Sona ng Maynila na binubuo ng Pasig at iba pang lugar sa dakong timog (south) ng Maynila, at ng Distrito de Morong [na kinabibilangan ng Taytay, Antipolo, at iba pa].
Mula Marso 14, 1899, sa pamumuno ni Gen. Loyd Wheaton ay sinimulang atakihin ng hukbong infantry, artillery, cavalry, at ng 3 gunboats na USS Laguna de Bay, USS Napindan, at USS Oeste ng Kano ang mga bayan ng Pasig, Pateros, Taguig, at San Pedro de Macati. Nakapwesto ang mga gunboats sa lawa, sa Napindan Channel habang lumulusob ang mga tropang kalupaan ng Kano. Ang utos-militar ay “itaboy ang kaaway papalayo sa Pasig, at salakayin saanman sila matatagpuan”.
Marso 15 naigupo ang Pasig. Marso 16 nang magapi ang Cainta. Marso 19, kapistahan ng Patrong San Josef, nang matinding bombahin ang Taguig at Simbahan ng Guadalupe sa San Pedro Macati. Winasak pati ang Parola ng Napindan upang hindi na pakinabangan pa sa komando at kontrol ng mga rebolusyonaryong Filipino.
Sa araw ding ito’y inutos ni Gen. Wheaton ang pagbomba at pagsunog ng buong bayan ng Taytay; nawasak pati ang Simbahan, at minasaker ang 1,000 Taytayeño. Ang sundalong si A.A. Barnes ng Battery G, 3rd Artillery ay nagsabing, “…tumitigas na ang kalooban ko, at labis din ang galak kapag binabaril ko ang mga tao (Taytayeño) na maitim ang balat”.
Sa loob ng 3-taong giyera sa bansa ay mahigit 20,000 rebolusyonaryong Filipino ang nasawi sa labanan, at 200,000 namang sibilyan ang namatay dahil sa karahasan, gutom, at pagkakasakit.
Protektahan ang Parola, Sagipin ang Arenda
Sa partikular, marapat lamang na mapangalagaan ang pamanang historikal at kultural ng bayang Taytay, at buong probinsya ng Rizal. Makasaysayan ang Lupang Arenda at ang Parola sa Napindan na naging pag-aari at nasa hurisdiksyon ng Municipio ng Taytay noong 1740. Sanhi na rin ng patuloy na paglubog ng lupang sakahan ng Arenda ay kusang naabandona ito ng pamahalaang Taytay matapos ang himagsikan laban sa Kastila at digmaang Filipino-Amerikano.
Samantala, kahit nawasak ng Kano ang orihinal na Parola, ang pundasyon nito’y matatag at nasa ayos pa bagama’t pumailalim na sa tubig sa paglipas ng mahabang panahon. Ang Philippine Coast Guard ay nagtayo ng panibagong istruktura na may pailaw-na-solar para makagiya sa mga nagyayaot na barko, tankers, fishing boats, at maliliit na sasakyang-dagat na naglalayag mula sa Laguna de Bay patungong Ilog Pasig.
Mayroong pending na inisyatiba ang Taguig sa National Historical Commission of the Phil. (NHCP) para kilalanin at irehistro ito bilang pamanang historikal at kultural (heritage) habang patuloy ang pagsasaliksik at ebalwasyon ng nasabing istruktura. Sa kasalukuyan, ang Parola ng Napindan ay pinanungkapan at inaaring nasa hurisdiksyon ng pamahalaang lokal ng Taguig. Gayunman, kailangan pa ng beripikasyon ng DENR-Bureau of Lands sa isyung ito; kung ito ba’y ayon sa umiiral na aprubadong Cadastral map.
Ngunit may isa pang napakahalagang usapin hinggil dito: ang banta ng Industrial-commercial development project na sasagasa sa Parola, Lupang Arenda, hanggang Angono at Binangonan. Apektado ang kalikasan ng rehiyon ng Laguna de Bay. Malawak na bantang panganib ito sa buhay at kabuhayan ng mamamayan ng Rizal at Laguna.
Mga kredito at reperensiya:
-
- Philippine-American War, 1899-1902, Arnaldo Dumindin
- Taguig Heritage Society
- Napindan Lighthouse: A Historic Insight
Towards Recognition and Preservation; By Vannessa D. Umali, Dr. Orlando H. Ramos, and Dr. Andres R. Delos Santos