Taytay ni Juan

Nasa Taytay si Kuya Pedro

NAPAKAPALAD ng Taytay! Si SAN PEDRO CALUNGSOD ay minsang namalagi dito.

Si Pedro Calungsod ang ikalawang Pilipinong naging Santo. Sumunod siya kay San Lorenzo Ruiz. Ang larawan nilang dalawa ay nakatanghal ngayon sa stained glass sa magkabilang gilid ng Main Altar ng Parokya — si Kuya Pedro sa kaliwa, si San Lorenzo naman sa kanan.

Sa gawing kaliwa ng Altar.
Sa gawing kaliwa ng main Altar
ng Parokya sa Taytay .

Mayroong life-size na rebulto si Kuya Pedro gaya ng nasa Maynila at Cebu. Liban dito, sa gawing kanan ng pasilyo ng simbahan ay may dalanginan din sa harap ng isa pang lifesize na rebulto nina Kuya Pedro at Beato Diego Luis de Sanvitores.

Bata pa’y misyonero na si Kuya Pedro. Naging katekista gamit ang aklat na Doctrina Christiana na isinulat ni Padre Juan de Plasencia, ang founder ng bayang Taytay noong 1579.

Dukhang partner: Beato Diego Luis Sanvictores at San Pedro Calungsod
Beato Diego Luis Sanvictores at San Pedro Calungsod

Si Kuya Pedro ay tinawag sa paglilingkod sa murang edad na 14-taon. Noong 1666 hanggang 1668, siya’y nasa tuwirang pangangalaga at pagsasanay ni Padre Diego Luis de Sanvitores (Sanvictores), ang kura paroko ng Parokya ni San Juan Bautista sa Taytay noon. Ang maging alalay ng isang paring misyonero ay hindi gawang-biro; wika nga’y kayod-marino na, all-around pa! Bukod sa pagiging bihasa sa Katesismo, sinanay rin siyang magsalita sa Español at Latin. Natutunan niya ang sining sa pagguhit, pagpinta, pag-awit, pag-arte at karpenterya na pawang kinakailangan sa pagmimisyon. May sapat siyang kamuwangan sa paglilingkod bilang  sacristan sa Banal na Misa alinsunod sa Tridentine Rite.

Sa paanan ni San Juan Bautista.
Kuya Pedro, nasa paanan
ni San Juan Bautista
.

Dumating sina Kuya Pedro at Padre Sanvitores sa Isla Ladrones (na naging Marianas, at ngayon ay Guam) noong Hunyo 15, 1668, araw ng Sabado, ang “Araw kay Maria.” Si Kuya Pedro ay 17 hanggang 18 taong gulang nang sila ni Padre Sanvitores ay kapwa mapaslang noong Abril 2, 1672, araw din ng Sabado — panahon ng Kuwaresma, sa pagitan ng Viernes Dolores at bisperas ng Linggo ng Palaspas.

Ang mga kabataan natin ngayon ay makahuhugot ng inspirasyon at kalakasan sa halimbawang ipinamalas ni Kuya Pedro. Nang dahil sa pag-ibig niya kay Jesus ay lubos na inilaan ang panahon ng kaniyang kabataan sa pagtuturo ng Pananampalataya bilang isang katekistang layko. “Sa diwa ng Pananampalatayang katatampukan ng malakas na Eukaristiko at debosyon kay Maria, hinarap ni Pedro ang maraming sagabal at hirap… hanggang kamatayan,” ang sabi ni Saint Pope John Paul II.

Nananalig si Beato Padre Diego Luis de Sanvitores na siya’y tinawag upang maglingkod sa mga di-Kristiyano. Pinahintulutan siya sa hiling niyang madestino sa Pilipinas noong 1659 at dumating siya noong Hulyo 10, 1662. Siya ang misyonerong pinakamatagal na naglingkod sa Taytay (1662-1668). May kakaiba siyang sigasig at dedikasyon sa apostolikong misyon. Lubos niyang taglay ang diwa ng banal na salitang “Isinugo kita upang mangaral sa mga dukha” (Isaias 61:1) …Sinanay niya’t ginawang alalay ang batang dukhang si Kuya Pedro sa pagmimisyon sa mga dukha.

Si Padre Sanvitores ay idineklarang “unang martir ng Marianas” at ginawang “Beato” ni Pope John Paul II noong Oktubre 6, 1985. Si Kuya Pedro naman ay naging “Beato” rin noong Marso 5, 2000. Gayunman, siya ay ginawang “Santo” (canonized) ni Pope Benedict XVI noong Oktubre 21, 2012 — sa mismong araw ng World Mission Sunday, sa Year of Faith, sa panahong ginanap ang Synod sa Roma hinggil sa New Evangelization.

Sa Liturhiya ng Simbahan, ang kapistahan ng pagdakila kay Kuya Pedro ay tuwing Abril 2, anibersaryo ng kaniyang pagiging martir. Kung ang petsa ay matatapat sa mga Mahal na Araw o Linggo ng Pagkabuhay, ililipat ito sa araw ng Sabado o bisperas ng Linggo ng Pagpapakasakit o Palaspas. Dahil ang Abril 2 noong 2015 ay natapat sa Huwebes Santo, ang kapistahan ni Kuya Pedro ay itinakda sa Marso 28. Ang araw na iyon ay sa pagitan ng Viernes Dolores at bisperas ng Linggo ng Palaspas [gaya ng araw nang maganap ang kaniyang pagkamartir sa Guam noong 1672].

Sa gayon, matutuon tayo sa mas mahalagang pagdiriwang — ang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ng Panginoon, ang Paschal Mystery na siyang pinakapuso ng Pananampalatayang Kristiano. Mapagtatanto nating ang buhay at kabanalan ni San Pedro Calungsod ay nagkaroon ng kabuluhan dahil nakaugnay ito sa Misteryo Paskuwal ng Panginoong Jesucristo, na “nang dahil sa pag-ibig ay nag-alay ng kaniyang buhay para sa atin at sa kapwa” (1 Juan 3:16).

First posted 22 March 2015 as “Minsang dumaan si Kuya Pedro”; Current post edited
.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *