Taytay: Simbahan sa ‘Silangan’
PANSININ n’yo ang karilagan at ganda ng Altar ng Simbahan ng Parokya ni San Juan Bautista sa Taytay. Wow na wow, ‘di ba?
Lingid sa kamalayan ng karamihan ay may natatangi pa itong karingalan na mauugat mismo sa kasaysayan ng pagkakatatag ng ating Simbahan. May kinalaman ang oryentasyon ng istruktura at ng lokasyong kinatitindigan nito sa ating pananampalataya at pagsamba.
Sinaunang kostumbreng Katoliko na kapag nagtatayo ng simbahan ay nasa mataas na lugar, at karaniwa’y nakaharap sa daluyang-tubig o karagatan.
Itinayo ng mga misyonerong prayleng Franciscano ang unang Simbahan nating yari sa mahihinang materyales noong 1579 sa lugar na matao at bahain malapit sa Laguna de Bay. Siempre pa, nakaharap ito sa kalawakan ng naturang lawa.
Inilipat ng mga humaliling misyonerong prayleng Jesuita ang Simbahan at pamayanan sa isang mataas na burol noong 1591; dito sa kasalukuyang puwesto na kinatatayuan ng Simbahan ng Parokya. At ito’y nakaharap pa rin sa direksyon ng kalawaan.
Ang Simbahan-Katedral ng Antipolo na kilala nating “Dambana ng Birheng dela Paz” ay itinatag din ng mga prayleng nauna munang tumuntong at nanggaling sa Taytay. Ito’y nasa matarik na lugar din. Bagamat nasa may-kalayuang bundok, katulad din ito ng Simbahan ng Taytay na nakaharap sa direksiyon ng Lawa ng Laguna.
Ilang taon pa ang lumipas, sa mismong lugar din iyon ay nagtayo ng bagong simbahan ng Taytay. Pinaniniwalaang ito ang naging unang simbahang-bato sa labas ng Maynila na sentro ng pamamahalang Kastila at misyong Kristiano sa buong kapuluan. Pinasinayaan ito bilang “San Juan del Monte” (San Juan sa Bundok) noong 1599.
Gayunman, ang naturan ay pinalitan ng isang grandiosong istruktura—ang siyang naging ikalawang simbahang-bato ng Taytay—na ginawa ng arkitektong Jesuita na si Padre Juan de Salazar noong 1630. Mahigit isang taon ang pagitan nang matapos naman ang simbahan sa kabundukan ng Antipolo na si Padre Salazar din ang nagpagawa noong 1633.
Sa panahon ni Padre Pedro Hilario, ang kura paroko (1955–1968) ay muling nagpagawa ng panibagong simbahan sa lugar ding iyon noong 1962—ang ikatlong simbahang-bato—na mala-basilica ang laki, imbes na tulad ng dati na makipot ang cruciform. Tinatanaw na makapagtitipon ang bulawagan nito ng 1,000 hanggang 2,000-parokyano. Ang simbahang ito ng Taytay ang kasalukuyan pa ring nakatindig.
Pagsambang ad orientem
Ad orientem ang katangiang arkitektural ng istruktura ng Simbahan na ang sentro’y nakatuon sa Altar—sa direksiyon ng Silangan o oriens (East). Kaya naman ang main entrance nito’y nasa salungat na Kanluran (West o occidens).
Ganito rin ang oryentasyon at simbolismo ng pagharap sa Silangan sa pagganap ng ritwal ng pagpapahayag ng Pananampalatayang Katoliko (Credo) at Panunumpa sa Pagbibinyag.
Sa sinaunang Latin Mass ay kadalasang nakatalikod sa sambayanan ang paring nagmi-Misa dahil “siya (pari) at ang bayan ay nag-aalay ng pagsamba at sakripisyo sa Diyos.” Ang lohika ng Liturhiya: “kapag ang pari ay nangungusap sa sambayanan ay nakaharap siya sa mga tao; kapag nag-aalay naman sa Diyos Ama, siya’y nakaharap sa katulad na direksyon ng mga tao, bilang siya ang namumuno.”
Inihahandog ng pari ang Banal na Misa sa pangalan ni Cristo at bilang “Kaniyang Persona” (persona Christi) sa Diyos Ama. Kaya bilang Kristianong pamayanan ay sama-sama silang nakaharap sa Silangan (ad orientem) habang puspos nang pag-asa at buong galak na “naghihintay sa pagbabalik at paghuhukom ng Panginoong JesuCristo sa wakas ng panahon.”
Nakaharap ang pari sa Silangan, ang sinisikatan ng araw, na siyang simbolo ng Bagong Jerusalem. Namumuno siya gaya ng Mabuting Pastol.
Ayon kay San Augustin ng Hippo, “Kapag nagdarasal ay nakatuon tayo sa Silangan kung saan nagsisimula ang kalangitan. Ginagawa natin ito hindi dahil naruon ang Diyos, na tila baga’y lumisan at tumungo sa ibang direksiyon ng mundo…bagkus ay para paalalahanan tayong ituon ang ating isip sa mas dalisay na kaayusan—sa Diyos.”
Ang tawag ni San Agustin sa “pagharap sa Silangan sa pananalangin pagkatapos ng kaniyang homiliya ay Conversi ad Dominum (halinang humarap sa Diyos).”
Si Robert Cardinal Sarah, kasalukuyang Prefect of the Congregation for the Divine Worship and the Discipline of the Sacraments ng Simbahang Katolika, ay nanawagan ng pandaigdigan pagbabalik sa pagsambang ad orientem.
Aniya’y “angkop na angkop ito. Sa penitential rite, sa pag-awit ng “Luwalhati”, mga panalangin at sa Eukaristiya, na ang lahat—ang pari at mananampalataya—ay sama-samang humaharap sa Silangan upang ipahayag ang kanilang layuning makibahagi sa gawaing pagsamba at pagliligtas ni Cristo.” (Famille Chrétienne, French Catholic magazine, June 12, 2015)
Juan Portocarrero de Plasencia
founder ng Simbahan at bayang Taytay
AD ORIENTEM ang Simbahan ng Parokya ni San Juan Bautista sa Taytay. Nakatuon ang ating Altar sa direksiyon ng Silangan. Lumulubog ang araw sa gawi ng main entrance na nasa Kanluran.
Dito sa Taytay (Rizal) unang itinatag ng misyong Katoliko ang Simbahan sa gawing Silangan ng lalawigan ng Rizal palibot sa kalawakan ng Laguna de Bay at paakyat sa Antipolo, sa luklukan ng ating Diosesis ngayon.
May kagalakan na isipin natin na ang itinuturing na founder ng Simbahan at bayan ng Taytay ay si Padre Juan Portocarrero de Plasencia, ang Ama ng sistemang Reduccion sa Filipinas. Maging ang kaniyang pagmimisyon ay “may pagkiling din sa ad orientem“. Siya’y isinilang sa Kanlurang bansang Espanya (west, occidens) at bininyagang kapangalan ni San Juan Bautista. Naglayag siya para magmisyon sa Filipinas, ang “Perlas ng Silangan“ (oriens) noong Hunyo 24, 1577, sa araw mismo ng kapistahan at kapanganakan ng Patrong San Juan Bautista.
Tunay ngang “inihanda ni San Juan Bautista ang daraanan ng Panginoon” sa Simbahan at bayan ng Taytay (Rizal).
Ipagbunyi ang ika-437 anibersaryo ng bayang Taytay at Parokya ni San Juan Bautista ngayong 2016! 🙂