Si Padre Juan Diego de Oropesa ay nagmula sa bayan ng Oropesa, probinsiya ng Toledo, España. Naging misyonerong Franciscano siya noong 1575. Napabilang siya sa unang grupong dumating sa Filipinas na kasama nina Padre Juan de Plasencia noong Hulyo 2, 1578 para sa misyong Katoliko.
Siya ang naging unang tagapangalaga ng convento ng Santa Maria de los Angeles ng Visita Santa Ana de Sapa na punong himpilan ng Provincia ng San Gregorio Magno ng Ordeng Franciscano sa Maynila, hanggang 1583.
Si Padre de Oropesa ay isa sa anim na Padreng Fransiscano na naglingkod sa Taytay na kinabibilangan ng mga misyonerong Padre na sina Juan de Plasencia, ang founder ng Taytay; Pedro Alfaro, Juan de Gorrovillas, Pablo de Jesus, at ang unang Santo at Martir nilang si Francisco de Santa Maria, mula noong 1579 hanggang 1591.
Si Padre de Oropesa ang mahigpit na kapartner ni Padre de Plasencia sa pag-oorganisa ng mga bayan-bayan sa pamamagitan ng reduccion, kabilang na ang Taytay.
Dahil dito, kapwa sila binansagang “Padre de la Reducciónes” at “Apostol ng Laguna at Tayabas.” Sa himpilang Lumbang, si Padre de Plasencia ang ama at pastol. Sa mga taong-bayan ng himpilang Pila, si Padre de Oropesa ang confesor. Pareho silang sumulong hanggang sa dalawang bundok ng Tayabas at sa lahat ng nasa ‘Silangan’ ng La Laguna.
Ang reducción ay mula sa salitang “pinaliit at siniksik”; katumbas ng “reduce” sa English. Sa panahon ng Kastila, ang mga “pinaliit at siniksik na komunidad” na inorganisa ng mga misyonero ay tinawag nilang reduccion. Kabilang ito sa kanilang mga unang tungkulin sa pagmimisyon. At iyon ang pinakamahirap.
Sa simula’y tinipon muna nila sa maliit na komunidad ang mga “kalat-kalat at lagalag na kaluluwa.” Kaya sa pamamagitan ng reduccion ay nagawang pangasiwaan ng kahit isang misyonero lamang ang naitatag na pamayanan ng mga katutubo.
Dala-dalawa, kung magmisyon ang mga Franciscano. Patung-patong pa ang assignment. Maraming pagkakataong nagsosolo-solo silang lumalakad dahil kakaunti lamang sila. Bibihira silang magtagal at manirahan sa isang lugar. Mabilis at lubos na makilos sila “para maabot ang napakaraming lagalag na kaluluwa at makapagbuo ng mga pamayanan.”
Sa prinsipyo, ang reducción ay dapat na magkatuwang na isinasakatuparan ng Simbahan at Estado. Pero sa aktuwal na karanasan ng Filipinas, ang tungkuling ito’y pangunahing pinaboran at binalikat lamang ng Simbahan sa pamamagitan ng mga misyonerong Padre at prayle.[Kaugnay na istorya: Taytay legends and history]
Sa kabila ng naitala sa mga aklat-pangkasaysayan na mga bayan at Simbahang itinatag ng tambalang Plasencia-Oropesa, mapapansing tanging sa historical marker na mula sa Philippine Historical Commission ng Siniloan [Laguna] lamang may-pagkilala at makikitang magkasama ang pangalan nilang dalawa.
Nagmisyon din si Padre de Oropesa sa Cochinchina (Vietnam) habang nanatili naman si Padre de Plasencia dito sa Filipinas. Nang mapadpad sa Haynan (China), si Padre de Oropesa ay naging prisonerong nakataningkala habang palipat-lipat na humaharap sa mga hukuman. Nang mapalaya sa Macao ay bumalik siya sa Filipinas noong 1585.
Muling ginalugad ni Padre de Oropesa ang mga pinagmisyunan nila ni Padre de Plasencia. Limang taon pa siyang namalagi sa Laguna-Tayabas bago naglayag pabalik sa España noong Hulyo 1590. Sa kasamaang-palad ay nasawi siya bago pa man makarating sa Mexico. Ito rin ang taon ng pagkamatay ni Padre de Plasencia dito sa Filipinas.
Sa parehong taon nang pagkamatay nina Padre de Plasencia at Oropesa, tila baga tutol ang tadhana na magkahiwalay ang magpartner na Padre; kaipala’y muli silang magtatambal sa pagtawid sa kabilang-buhay sa pagtatapos ng kanilang pagmimisyon.
Ayon sa mga historyador, si Padre de Oropesa ay “isang banal na tao at masigasig na apostol (un varón religioso y celoso apóstol).” Katulad ni Padre de Plasencia, ginawaran din siya ng titulong “Venerable” ng kanilang Ordeng Franciscano.
Juan de Plasencia at Diego de Oropesa, magkapartner na Padres talaga.
References:
Fr. Eusebio Gomez Platero. Catálogo biográfico de los religiosos franciscanos de la provincia de san Gregorio magno de Filipinas desde 1577 en que Llegaron los Primeros hasta las de nuestras Dias. Imprenta del Real colegio de Santo Tomás, á cargo de Gervasio Memije, 1880. p.25-26
Fr. Marcelo de Ribadeneira Chronicle (1601)
Fr. Gonzalo de Llave — OFM Archives-Philippines
Recopilacion de Leyes de los Reynos de Indias mandadas imprimir y publicar por la Megestad Catolica de Rey Don Carlos II Nuestro Señor (Reimpresion del Consejo de la Hispanidad). Madrid: Gracas Ultra, S.A., 1943
Renato Constantino. The Philippines—A Past Revisited (Quezon City: RC, 1975). p.60-61
.