Juan de Plasencia, tatay ng Taytay
SI PADRE JUAN Portocarrero de Plasencia (OFM) ang founder, ang tatay ng bayang Taytay. Siya’y nagmula sa isang maykaya-sa-buhay at marangal na pamilya. Isinilang siya noong 1520 sa bayang Plasencia, rehiyong Extremadura, España. Ang ama niya’y si Don Pedro Portocarrero na isang capitan ng barkong Kastila.
Labing-anim na taong-gulang si Juan nang yakapin niya ang pobreng pamumuhay ng Ordeng Franciscano noong 1536. Itinalaga niya ang sarili bilang misyonero. Naging pari noong 1545.
Kasama ng iba pang Franciscano mula sa España, si Padre de Plasencia ay pumalaot sa mapanganib na karagatan para sa misyong Katoliko sa Filipinas noong Hunyo 24, 1577. Araw iyon ng kapistahan ng pagsilang ni San Juan Bautista, ang pinagkunan niya ng pangalan sa kabinyagan.[1]
Dumating sila sa Filipinas noong Hulyo 2, 1578. At siya ang naging tagapanguna sa pagsusulong ng sistemang reduccion bilang pamamaraan ng pagtatatag ng mga pueblo o bayan sa Filipinas. Naging mahigpit niyang katambal si Padre Diego de Oropesa sa “Apostolikong paghayo nang padala-dalawa.”[2]
Sa prinsipyo, ang reduccion ay dapat na magkatuwang na isinakatuparan ng Simbahan at Estado. Pero sa aktuwal, ang tungkuling ito’y pangunahing binalikat lamang ng Simbahan, ng mga misyonerong prayle.[3]
Misyon: pagmumulat sa Pananampalataya,
pagtatatag ng pamayanan
SA SIMULA’Y tinipon muna sa maliit na komunidad ang mga kalat-kalat at lagalag na katutubo. Sa gayon, ang “pinaliit at siniksik na komunidad” ay nagawang pangasiwaan kahit na iisang misyonero lamang ang nakatalaga.[4]
Ang mga katutubo’y napamahalaan at naaralan ng pananampalatayang Katoliko sa sentrong lokasyon. Ang lokasyon ang naging komunidad na kung saan ay hinati-hati sa mas maliliit na grupo batay sa pagiging-magkakamag-anak at –magkakaibigan ng mga tao. Iyon ang naging mga balangay o barangay.
Ang bawat barangay ay tinalagahan ng pinuno o cabeza de barangay. At ang mga natipong barangay ang siya namang naging bayan sa kalaunan ng pag-unlad ng lipunan.
Sa gayong paraan ay masigasig na naorganisa at naitatag ni Padre de Plasencia ang mga bayan ng Tayabas, Lucban, Calilaya [sa Quezon], ng Mahayhay, Nagcarlang, Lilio (Liliw), Pila, Santa Cruz, Lumbang, Pangil, at Siniloan [sa Laguna], ng Morong, Antipolo, at Taytay [sa Rizal], at ng Meycawayan [sa Bulacan].”[5] [6]
Ang pueblo o bayan ng Taytay ay pormal na itinatag nang maitayo ang unang simbahang yari sa mahihinang materyales noong 1579 [Taytay foundation day]. Naitala ito bilang isang visita ng Santa Ana de Sapa; Nagkaroon ng juridical entity at tukoy na teritoryo. Ito ang pagkakalikha (inception) ng bayan at Simbahan ng Taytay sa isang mataong lugar na malapit sa gilid ng lawa.[7]
Doon nagsimula ang pagmiministeryo sa Taytay o Visita de Santa Ana de Sapa. Hunyo ng taon ding iyon ay pansamantalang humalili si Padre de Plasencia kay Padre Pedro Alfaro bilang namumunong Custos ng Provinciang Franciscano.[8]
Makalipas lamang ang ilang buwan, si Padre de Plasencia naman ang pinalitan ni Padre Pablo de Jesus bilang Custos noong 1580.[9]
At nang matupad ni Padre de Jesus ang pagdedestino ng unang grupong Franciscano na patungong China, siya ang naging kura paroko ng Taytay noong 1583.[10]
Lumago ang Simbahan sa antas ng Parokya noong 1583. Pormal na itinanghal na patron ng Taytay si San Juan Bautista.[11]
[Taytay founded, 24 June 1579]
Mapapansin sa maagang yugtong ito ng pagkakatatag ng Taytay na sabay-sabay ang mga tungkulin, mabilisan ang kilos at palitan-ng-puwesto ng mga misyonerong Franciscano.
Muling naging Custos si Padre de Plasencia noong Mayo 23, 1584 [12] hanggang sa pumalit sa kaniya noong 1588 si Padre (San) Pedro Bautista,[13] ang founder ng Simbahang Quiapo na ang patron din ay si San Juan Bautista.
Makalipas ang labindalawang taon (1591) ay isinalin ng mga Franciscano sa mga Jesuita ang pamamahalang-ekleksiyal ng Taytay, kabilang na ang annex nitong Cainta.[14]
Ang inisyatiba at pagsusumikap ni Padre de Plasencia ay nagsilbing pundasyon. Lubha nitong naimpluwensiyahan ang paghubog at pagtatatag ng mga bayan-bayan, siyudad, at ng kabuuang lipunang Pilipino.
Dahil dito, itinuring siya na “Apostol ng Tayabas at Laguna”; gayundin, bilang “Padre de la Reduccion” o “Tatay ng Pilipinong Barangay.”[15]
************************
[1] Rafael Mota Murillo, “Juan de Plasencia, Franciscano, Promotor de la Educación y Etnógrafo (1520?-1590)”, Sebastián García, OFM, ed. Extremadura en La Evangelízación del Nuevo Mundo, Actas y Estudios, Congresso celebrado en Guadalupe, 24-29 Octubre 1988, (Madrid: Turner Libros S.A., 1990), p. 607-623
[2] Fr. Felix de Huerta, OFM. Estado Geografico, Tofografico, Estodestico, Historico Religioso, de la Santa y Apostolica Provincia de San Gregorio Magno, de religiosos menores de scalzos de la regular y más estrecha observancia de N.S.P.S. Francisco, en las islas Filipinas. Imprenta de M. Sánchez y Cía, Manila, 1865
[3] Renato Constantino. The Philippines – A Past Revisited (Quezon City: RC, 1975), p. 60-61
[4] Reimpresion del Consejo de la Hispanidad, Madrid: Graficas Ultra, S.A., 1943
[5] Fr. Eusebio Gomez Platero y Fernandez Portillo. Catálogo biográfico de los religiosos franciscanos de la provincia de San Gregorio Magno de Filipinas desde 1577 en que llegaron los primeros a Manila hasta los de nuestros días; p. 17-19
[6] Felix de Huerta. op. cit., p. 50, 53, 572
[7] Felix de Huerta. op. cit., p. 50, 53
[8] Custos, Provincia…Ang balangay ng Ordeng Franciscano sa Filipinas ay itinuring nilang provincia (Provincia de San Gregorio Magno, unang dumating at kinabibilangan ni Padre de Plasencia; ganap na naitatag noong November 15, 1586). Custos naman ang tawag sa kanilang punong-tagapamahala ng provincia.
[9] Perez, Origen, pp. 25-26; Cfr. Perez-Plasencia, p. 53
[10] Emma Blair and James Alexander Robertson.The Philippine Islands, Bishop Salazar’s Council Regarding Slaves; Vol. 34, pp.324
[11] Cfr., Catolos, Bedaña, Santos. Tanay Tercentenary Souvenir, 1640-1940: The Towns of Rizal Province. 1940
[12] Perez-Plasencia, op. cit., p. 53.
[13] Perez-Plasencia, ibid.
[14] Felix de Huerta, op. cit., p. 53, 572
[15] J. Specker, op. cit., p. 10, 22, 23
(First Posted: 7 June 2017) Current new post, edited)