Si Dr. Jose Rizal ay itinanghal nating pambansang bayani. Inspirasyon siya ng maalab na pagsinta sa Inang-Bayan—ng simulaing nasyonalismo at hangad na dunong ng lahing Filipinong may-dangal. Siya nga ang lodi, ang huwaran ng kabataan, nang una pa ma’y niyakap na niya pakundangang sila ang pag-asa ng bayan.
Matapos ang himagsikan laban sa Kastila, at sumunod ang digmaan laban sa Kano, nakamit ang kasarinlan at laya ng Inang-Bayan. Tumindig, nagpundar, at nagsikhay ang mga lider sampu na ng pamayanan upang isulong ang uri ng pamamahalang may prinsipyo’t dangal, katapatan at lunggating kaginhawahan.
RIZAL PROVINCE
Taas-noo ang Rizaleño. Kay RIZAL ipinangalan ang lalawigang ito na naitatag mula sa magiting na pakikipaglaban sa dayuhang kapangyarihan. Si Don Juan Marquez Sumulong Sr. ang nagsulong ng hangaring tipunin ang mga bayan-bayan mula sa Maynila–Tundo at Distrito Politico–Militar de Morong (1857) para mabuo ang isang bagong probinsiya na siya nating nakilala ngayon sa ngalang RIZAL. Kabilang sa mga bayang nabuklod dito ang Antipolong kaniyang pinagmulan, at ang bayang TAYTAY na ating ipinagdarangal.
GITNANG BAYAN, POBLACION. Ito ang pinakasentro ng bayang TAYTAY. Dito nakakulumpon ang pundador at mga sinaunang institusyong pinagmulan ng bayan. Naroon sa “gitna” ang Plaza Libertad na kung saan ay nakaharap ang Simbahang nasa mataas na burol (ayon sa tradisyon ng bajo la campana, at kaayusang cuadricula), ang Gusaling Municipio at Monumento ni RIZAL at Inang-Bayan, casa tribunal o Korte, Pulisiya, at mga eskwela. Nasa kagyat na paligid din ang mga palengke, bahay-serbisyo, -komersiyo, at iba pa.
Sa sentrong lokasyon ng Gitnang Bayan—na nasa pinakapusod ang Simbahan–Municipio–Plaza—ay nakapalibot, patungo, at naglalagos nang papasok-palabas ang mga kalsada. Ito ang dahilan kung bakit pati pangalan ng mga kalsada rito’y naghahayag din ng saysay ng historya, tradisyon, at pagkakakilanlan ng bayang TAYTAY. Subukan nating busisiin, hanapin ang pinagmulan upang di malingid sa ating gunita’t kaalaman. Halimbawa, ang Lumang Municipio ay napalilibutan ng apat (4) na kalsada: Rizal Avenue (pambansang lansangan), Juan Sumulong, Antonio de Morga (naging M.C. Ison), at Kadalagahan.
JUAN SUMULONG (1875–1942). Si Juan Sumulong ay tubong Antipolo. Siya’y nabibilang sa kawan ng mga rebolusyonaryong Filipino. Isang bihasang edukador, mamamahayag, abugado. Naging pangulo siya ng oposisyong pulitikal sa panahon ng administrasyon ni Manuel L. Quezon.
Si Juan Sumulong ay naging Judge ng Court of First Instance (1906) at Court of Land Registration (1908). Siya’y miyembro ng Philippine Commission (1909–1913). Siya ay ninuno ng angkan ng ina ng dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
Pinangalanang “Juan Sumulong” ang pangunahing kalsadang papasok-paahon na naglalagos sa pinakasentro ng poblacion ng Taytay. Nagku-krus sila ng kalye Kadalagahan na kinaroroonan ng sentrong Liwasang-Bayan (Plaza Libertad). Sa pinagkrusang landas ay nasa tapat ang mataas na burol na kinatatayuan ng pundador na Simbahan ng TAYTAY na naroon na mula pa noong 1591 nang lumikas ang Pamayanan at Simbahan mula sa una nitong lokasyon na laging binabaha sa may-tabing lawa ng Laguna de Bay.
Batay sa isang Mapa ng TAYTAY (1909), ang pangunahing lansangan na may-panandang “Road to Cainta” ang bumabaybay papapasok sa Poblacion (sona ng Plaza-Municipio-Simbahan; ang bahagi ng kalsadang ito na nasa loob ng sona ay ang Juan Sumulong Street ngayon). Ang kalyeng ito’y naglalagos at nagtatagpo sa L. Wood, ang may-panandang “Road to Antipolo.”
Sa kapaligiran ding ito nagtayo ng unang Paaralang Primarya o Escolopia. Pero giniba’t inilipat ang gusaling ito para mapagtayuan naman ng unang gusaling Presidencia (Municipio) sa panahon ni Alcalde Adaucto Ocampo (1903–1904). Kaya’t ang naturang paaralan ay pansamantalang inilipat sa bahay ni Alcalde Ocampo sa lansangang karugtong ng ngayo’y RIZAL Avenue at ng nagsangang dulo nitong Kalye Kadalagahan.
Kalaunan, nagkaroon ng permanenteng lugar ang Paaralang Primarya sa kalye L. Wood, Sitio Libed, Barrio Dolores (1914); at ito ang pinagsimulan ng Taytay Elementary School (TES) sa kalye L. Wood. Ang kalyeng ito ay pumaligid sa dakong likuran ng Simbahan ng Taytay. Hanggang noong panahon ng Hapon (1940s), ang tawag sa kalsadang L. Wood ay “Road to Antipolo” o “Papuntang Antipolo.” “First Street” ang tawag o pananda rito ng pamahalaang Kano.
GEN. LEONARD WOOD. Siya ang Governor-General (katumbas ng Presidente) sa panahon ng kolonyal na pamamahalang Kano sa Filipinas (1921–1927). Samantala, ito rin ang kapanahunan ng naging Alcalde ng TAYTAY na si Felix M. Sanvictores (1925-1931). Kaya nang magkaroon ng pampublikong paaralang elementarya sa dakong iyon na kanugnog ng L. Wood, iyon ay pinangalanang Felix M. Sanvictores Elementary School. Katalikuran at kalapit sa paligid ang pribadong paaralan ng Juan Sumulong.
Ang Juan Sumulong Memorial School System (JSMSS) ay isang kalipunan ng mga pribadong paaralang sekondaryo sa Taytay, Angono, Binangonan at Antipolo. Inorganisa ito noong 1945 at pormal na pinasinayaan noong 1946. Bunsod ito ng masidhing paghahangad ng edukasyon para makabangon ang Rizaleño sa pagkawasak na dulot ng WW2-Digmaang Hapon. Kabilang ang Probinsiyang Rizal sa mga pinakamalubhang apektado sa larangan ng ekonomiya, agrikultura, at habang lugmok ang serbisyong pang-edukasyon sa RIZAL at maging sa buong rehiyon ng Katagalugan.
Ang Juan Sumulong Memorial Junior College (JSMJC) sa Taytay ay tumindig sa harap ng Plaza Libertad. Samantala, ang Simbahan ng TAYTAY (Parokya ni San Juan Bautista) ay nagtatag din ng paaralang St. Catherine Academy na kalauna’y naging Siena College of Taytay (1957). Noong una, ang Siena College ay naitindig sa gawing kaliwa sa loob ng bakuran ng Simbahan ng TAYTAY. Nasa ilalim ito ng pamamahala ng Ordeng Dominicano; Dominicano pa rin ito hanggang ngayong nailipat na sa mas pinalaki’t lawak na lokasyong malapit sa Felix M. Sanvictores Elementary School.
MONUMENTO NI RIZAL, INANG-BAYAN. Batay sa historya, winasak ng digmaang Hapon ang gusaling Municipio ng TAYTAY; samantalang ang Simbahan ay nakasalba; hindi ito natinag. Ilang panahon pa, naunang itinindig ng Taytayeño ang Monumento ni Jose Rizal at Inang-Bayan nang nakaharap sa gitnang Plaza Libertad; dahil gayon nga ang historikong tradisyon at sadyang pisikal na ayos ng orihinal na sibilisasyong itinatag at binalangkas ng mga misyonerong pundador (ang Jesuitang si Padre Pedro Chirino, isang historyador, ang nagpasimula nito sa TAYTAY) sa paraang-cuadricula ng Kastila-Europeo. At ipinagpatuloy ang ganitong sosyo-sibikong kaayusang pisikal na cuadricula-Plaza hanggang sa panahon ng Kano.
Naging Alcalde si Manuel I. Santos at nakakuha ng P3,514.42 financial aid mula sa Philippine War Damage Commission (1945-1946). Panimulang pondo iyon para itayo sana ang Gusaling Municipio. Pero lubhang napakaliit niyon at kulang para sa katuparan ng naturang layunin.
Sa pangalawang panunungkulan ni Manuel I. Santos (1952) ay naging Bise Alcalde niya si Dr. Melecio C. Ison. Nakuha nila ang P80,000 bayad-pinsala sa giyera mula sa Japanese Reparation Commission na dumating sa Filipinas. Ginugol iyon para matagumpay na itayo ang 2-palapag na kongkretong Gusaling Municipio na pinasinayaan noong Disyembre 1955. Buhay, dugo’t pawis, dangal at dunong ng henerasyon ng taong-bayan at mga pinunong gobyerno ng Taytayeño ang nagsilbing pundasyon ng Gusaling Municipio. Karangalan ang magserbisyo-publiko. Kapita-pitagan ang paglilingkuran sa Municipio.
KONSTITUSYONG MALOLOS. Si Inang-Laya ay may tangang tabla ng “Konstitusyon, sagisag ng Republika ng Pilipinas, Enero 1899, Malolos.” Ito ang Constitución Política de 1899, ang Konstitusyon ng Unang Republika ng Pilipinas. Kauna-unahan din itong republikanong Konstitusyon sa buong Asya. Sa ilalim ng pamumuno ni Gen. Emilio Aguinaldo ay ginanap ng Rebolusyonaryong Pamahalaan ang kumbensyon at pagpapatibay nito sa mismong Simbahang Barasoain, Malolos, Bulakan.
DR. ANTONIO DE MORGA. Sa kaniya ipinangalan ang kalsadang nasa kanluran ng Lumang Municipio at Monumento, sa pagitan ng sinaunang gusaling Angel Love (DiviMart na ngayon). Sa simula ng pamamahala ng Kano hanggang matapos ang giyera sa Hapon, ang kalsadang ito’y may-panandang “H Street” sa lumang mapa (1909). Saka lamang pormal itong pinangalanang Antonio de Morga Street ilang taon matapos maitayo nina Alcalde Santos at Bise Alkalde Ison ang Gusaling Municipio. Noong 1990s, ang A. Morga ay pinalitan ng M.C. Ison Street.
Si Dr. Antonio de Morga ay naging Tiniente-Gobernador, ang ikalawa sa pinakamataas na pinuno ng La Audiencia, ang pamahalaang Kastila (1594–1604). Siya ang awtor ng Sucesos de las Islas Filipinas—isa sa pinakamahalagang aklat-pangkasaysayan ng Filipinas. Ayon sa kaniya, “ang Sucesos ay isang tapat na salaysay, walang paliguy-ligoy, at salat sa palamuti…hinggil sa pagkakadiskubre, pagkakasakop, at pagbabagong-loob (conversion) ng kapuluang Filipinas, kabilang na ang iba’t ibang pangyayaring kinasasangkutan nila… at tiniyak ang paglalahad ng tunay na pinagmulan nito…”
Pinili ni Dr. Jose RIZAL ang Sucesos ni A. Morga bilang reperensiya sa historya ng Filipinas. Nais patunayan ni RIZAL sa pamamagitan ng Sucesos na “ang kulturang Filipino ay maunlad na bago pa man dumating ang Kastila.” Ginawan niya ito ng mga komentaryo (annotations) at saka inilimbag at inilathala ang kaniyang Notas a la Obra Sucesos de las Islas Filipinas for El Dr. Antonio de Morga sa Paris noong 1889.
Samantala, ang Ordenanzas dadas por la Audiencia de Manila para el buen gobierno de aquellas yslas—ang kalipunan ng mga pinaiiral na batas ng Audencia ni A. Morga bilang huwes at historyador—ay lubhang naimpluwensiyahan ng Relacion de las costumbres. Ang Relacion de las costumbres ay tinawag ding Codigo civil y codigo penal consuetudinarios de los Filipinos. Ito ang naging kauna-unahang civil at penal code ng Filipinas. Katha ito ni Padre Juan de Plasencia (Nagcarlan, Laguna, 1589), ang mismong Franciscanong founder ng bayang TAYTAY (1579), Antipolo, Morong, at iba pang bayan-bayan sa Laguna-Tayabas-Bulacan (1578-1590).
KALYE KADALAGAHAN. Dahil ba makisig ang bayani nating si Rizal? Natanyag na si Rizal ay may “Liham sa mga Kadalagahan ng Malolos” (17 Pebrero 1889). Ipinahayag niya ang pagpuri at paggalang sa katapangang ipinamalas ng Kadalagahang Malolos sa pagsusulong ng karapatan sa edukasyon. Binibigyang-diin ni Rizal ang tungkulin ng kababaihan—bilang dalaga at asawa—sa pagbangon ng kanilang dignidad at halaga sa lipunan.
Ipinapayo ni RIZAL na “itaguyod ang anak na maging marangal at magtatanggol sa bayan. Nagpaalala siya na gamitin ang isipang kaloob ng Diyos upang matukoy ang katotohanan at hindi maging alipin ninuman. Mulatin ang mata ng anak sa pag-iingat at pagmamahal sa puri, pag-ibig sa kapwa sa tinubuang bayan. Inulit-ulit na matamisin ang mapuring kamatayan kaysa sa alipustang buhay.”
Sinulat ni RIZAL ang Liham sa Kadalagahan ng Malolos habang ginagawa niya ang anotasyon sa Sucesos ni Antonio de Morga. Isinulat ito sa London, 5-araw matapos ipaalam sa kanya ni Marcelo H. del Pilar na “may 20 Kadalagahan ng Malolos ang naghain ng petisyon kay Gobernador-Heneral Weyler upang magtayo ng isang panggabing paaralan para mag-aral ng wikang Español (12 Disyembre 1888).”
“LUMANG MUNICIPIO”. Ito ang nagisnan natin ngayon na makasaysayang “Lumang Municipio” na sinikap linangin ng Administrasyong Janet de Leon-Mercado (2013-2016) na maging “Taytayeño Ancestral Home” din. Pinagyaman ng mga ninuno, pagdaka’y wawasakin lamang ng mga supling na tampalasan.
Nang magbalik sa poder ang kasalukuyang Administrasyong Joric Gacula (2016-2021) ay nagdeklara ito na “ang Lumang Municipio/Taytayeño Ancestral Home ay isang gusaling condemned at walang historical value… kaya ang naturang makasaysayan at taga-sa-panahong tibay na gusali at napakaayos na ginagamit ng iba’t ibang Offices at Agencies ng gobyerno ay ura-uradang kinategoryang junk o basurang kalakal na ididispatsa sa barat na halagang P13,306.42 as of March 6, 2020…”
Ang ending ng anomalya, demolished ang Lumang Municipio at Monumento ni Rizal–Inang Bayan upang doon itayo ang di-umano’y mas makabuluhang malaking hospital. Pero wala man lamang kaukulang imbentaryo at audit. Walang mailahad na feasibility study. Walang maihantad na Site Development Plan at Building Plan. Ayaw sa public consultation at transparency. Walang maipakitang Demolition Permit. Walang anino ng kasunod na Building Permit.
PABATID-BALITA, PAUNAWA, AT PATULOY NA BABALA
Ang buong sonang saklaw at sangkot ang Lumang Municipio–San Juan Gym–Emergency Hospital–Plaza Libertad–Simbahan ay protektado ng HERITAGE LAW (RA 10066) at iba pang kaugnay na Batas. Tahasang ilegal ang lahat at anumang ginawa at patuloy na ginagawa ng Pamahalaang Municipal ng TAYTAY at RIZAL Provincial, at sinumang maaaring kaugnay nila sa DOH at sa iba pang Ahensiya ng gobyerno sa maanomalyang hospital project; pati ang pagpapalit ng pangalan ng anumang pampublikong istruktura, gusali gaya ng ginawa nila sa Mayor June V. Zapanta Emergency Hospital na tiwaling minaniobra na palitan ang pangalan sa “Rizal Provincial Hospital System–Taytay Annex,” at ang pagsara at pagtanggal ng M.C. Ison Street. Ang lahat ng ito’y dapat na may pakikipag-ugnayan, konsultasyon at pagsang-ayon ng National Historical Commission bilang siyang awtoridad sa pagpapatupad ng layunin ng Heritage Law.
Limiing ninyong mabuti, butihin at marangal na Taytayeño. Pakinggan si RIZAL sa kaniyang paghimok sa Liham sa Kadalagahan ng Malolos:
“Ang tao’y inianak na paris-paris hubad at walang talí. Dí nilalang ñg Dios upang maalipin, dí binigyan ñg isip para pabulag, at dí hiniyasan ñg katuiran at ñg maulol ñg iba. Hindí kapalaluan ang dí pagsamba sa kapuá tao, ang pagpapaliwanag ñg isip at paggamit ñg matuid sa anomang bagay. Ang palalo’y ang napasasamba, ang bumubulag sa iba, at ang ibig paniigin ang kanyang ibig sa matuid at katampatan.”
Tuloy ang Laban!
Maniningil ang Kasaysayan!
Mabuhay ang Taytay!