Anunciata at Cofradia sa Historya
Nasa dalawang buwan pa lamang ng pagsasanay sa Balayan (Batangas) si Padre Pedro Chirino, isang historian, noong 1591 nang hugutin siya para idestino sa Taytay at pamahalaan ito bilang unang mission station ng Ordeng Jesuita sa gawing-Silangan ng Laguna de Bay. Isinalin sa mga Jesuita ang Parokya ng San Juan Bautista mula sa nagtatag at naunang namahalang mga paring Franciscano.
Noong Marso 25 ng taon ding iyon, kapistahan ng Anunciata, ipinagdiwang ni Padre Chirino sa baryo Santa Ana, malapit sa lawa, ang kaniyang unang Misa bilang misyonero. Pinaniniwalaang ang lugar na ito’y nasa kinikilala natin ngayong malawak na relocation site na Lupang Arenda.
Ang kauna-unahang homiliya niya sa Tagalog ay binigkas sa isang Misa noong Agosto 15, 1591, kapistahan ng Asuncion (pag-akyat sa Langit ng Birheng Maria), sa lugar na tinawag na “Pinagmisahan” sa bundok ng Antipolo. Ito ang unang araw ng pagtuntong ng misyong Jesuita sa Antipolo, at si Padre Chirino rin ang naging kura paroko. Kilala ang lugar na ito ngayon bilang White Cross at Via Dolorosa.
Ang Taytay ang unang baseng himpilang pangmisyon ng mga Jesuita. Nang lumaon ay naging baseng himpilan na rin ang Antipolo. Maging ang Cainta ay nakakabit pa sa Taytay noon; ginawa itong sakop na visita (annex) ng Taytay sa ilalim pa rin ng eklesiastikong pamamahala ng mga Jesuita noong 1597. Kasabay sa paglago ng simbahan sa Taytay ang pagkakatatag ng isang Cofradia (kapatiran), kasunod ang pagkakaroon din ng Cofradia de la Anunciata sa Antipolo.
Sa panahon ng “unang” Cofradia
Maraming gumagamit noon ng Agnus Dei (Kordero ng Diyos). Ito ang mga natunaw na paschal candle o kandilang nabendisyunan ng Papa sa Roma na hinulmang imahen ng Korderong may hawak na bandila o kaya’y krus. Ginagawa itong kuwintas sa leeg o sa bisig. Pinaniniwalaang proteksiyon ito laban sa masasamang espiritu, kapinsalaan sa katawan, sa mga buwayang nasa lawa, palaisdaan, ilog at katubigan. Dahil sa paggamit ng Agnus Dei ay nabawasan din ang labis na paglalasing at mga gulo’t kasamaang sanhi ng bisyong ito.
Tuwing Biyernes ng Kuwaresma ay kinakanta ang Salve Regina para sa Mahal na Birhen at may pagsesermon sa simbahan. Isang araw ng Biyernes, pagtunog ng kampana ng simbahan, umahon sa paliligo sa ilog ang mga tao para magsimba. May isang nagpa-iwan at nagbiro pang “uwian naman ninyo ako!” Habang inaawit ng kaniyang mga kasamahan ang Salve Regina, naiwan siyang naliligo, hanggang sakmalin siya ng buwaya at iniwang malamig na bangkay na lulutang-lutang sa tubig. “Nuno” ang tawag ng mga tao sa buwaya.
Inatake ng mga misyonerong pari ang maluhong kaugalian sa pagbuburol ng patay. Dahil sa mga piging sa lamayan ay nalulubog sa utang ang mga naulila. Nasasangla ang mga ari-arian at maging ang sarili nila para lamang makabayad.
Upang makaiwas sa ganito, isa sa naging gawain ng Cofradia ang pagbibitbit ng karo ng bangkay patungong libingan habang may sindi silang mga kandila. Pagkalibing ay kasama na nila ang pamilya ng yumao patungo sa simbahan upang manalangin para sa namatay. Sa gayo’y natutupad ang layuning pangkabanalan at pagkakaibigan ng komunidad nang hindi nakabibigat sa pamilya ng naulila. Nang lumaon ay naging gawain na rin ng Cofradia ang pagdalaw sa mga maysakit at para sa kanilang mapayapang pagyao.
Hinihikayat ng Cofradia ang mga binyagan na mangumpisal at ipaunawa ang pananampalataya sa mga hindi pa binyagan. Sa bawat baryo ay naglagay ng isang krus sa kalsada na pinagtitipun-tiponan ng mga kabataan tuwing gabi para manalangin.
Sa parokya ni San Juan Bautista ay may naitalang 378 na nasa hustong edad at mahigit 200 mga bata ang bininyagan na karamihan ay idinulog ng mga amang pagano noong 1597 hanggang 1598. Maraming benindisyunan at binuklod ng kasal, mga naputol na pakikiapid at bawal na pagsasama. Maraming anito o idolong diyus-diyosan ang pinagsisira at sinunog. Mahigit 800 ang nakapangumpisal — mayroong mga nangungumpisal buwan-buwan, mayroong kada-15 araw at mayroon ding kada-8 araw. Sa ngayon, ang pinakalumang aklat-talaan ng Binyag na nasa pag-iingat pa ng Parokya ay may-petsang 1847.
Patuloy ang pagdami ng mga mananampalataya sa Taytay. Sa mga kalapit na lugar na Dalig (Antipolo) at Angono ay mayroon na ring Kapilya. Tumitingkad ang pagiging relihiyoso ng mga taga-Taytay tuwing sasapit ang Semana Santa. Noong 1602 ay nagkaroon ng prusisyon na sa kauna-unahang pagkakataon ay may mga nag-penitencia — may pasang-krus, sinusugatan at hinahataw ang sarili.
Ang Cofradia ngayon
Maliban pa sa Cofradiá (Cofradía de la Annunciata), ang mga sumunod pang sinaunang samahang relihiyoso sa Taytay ay ang Venerable Orden Tercera, Capisanan ng Poóng San José at Capisanan ng Mahal na Puso.
Ang nakatalang pinakamatandang samahang umiiral pa sa Taytay (Rizal) hanggang ngayon ay ang Cofradia de Annunciata [de Taytay] na itinatag noong 1878 (o maaaring muling binuhay lamang ang sinaunang Cofradia). Mas matanda pa rin ito kaysa alinmang sektang “Kristiano” at relihiyosong organisasyon at kilusan na nagsulputan nang masakop tayo ng mga Kano. Nanatili ang Cofradia kahit namasaker ang may isang libong sibilyan noong Marso 19, 1899 (kapistahan ni San Jose); kahit ang simbahan ay labis na nasalanta ng apoy, at ang nakatindig na lamang ay ang bungad-na-harapan (facade), dingding at kampanaryo. Nasundan pa ito ng pambobomba noong Hunyo 3, 1899.
Naging municipalidad ang Taytay noong Enero 31, 1901 sa ilalim ng pamamahalang Amerikano sa bisa ng Act No. 82. Naging bahagi naman ng bagong-likhang Provincia ng Rizal sa bisa ng Act No. 83 noong Hunyo 11, 1903
Pagkatapos ay pinagsanib ang mga municipalidad ng Taytay, Cainta at Angono, at ang luklukan ng pamahalaan ay nasa Taytay (Rizal). Noong Nobyembre 6, 1903, ang Angono ay hiniwalay sa Taytay (Rizal) at naging bahagi ng bagong tatag na municipalidad ng Binangonan.
Noong Marso 11, 1913 ay hiniwalay ang sitio ng Bulao at Mayamut sa bayan ng Taytay (Rizal) at naging sakop naman ng Antipolo. Noong Disyembre 8, 1913 ay hiniwalay ang Cainta sa Taytay para maging nagsasariling municipalidad.
Anupa’t nagkaugat sa kultura at tradisyon ang debosyon sa Anunciata dito sa Taytay (Rizal) at sa mga kanugnog na bayang Cainta, Antipolo, Angono, Marikina at Pasig. May imahen ng Anunciata sa Antipolo, may dalawa sa Angono ngunit nasira ang isa noong panahon ng Hapon, may isa sa Cainta, at may tatlo naman sa Taytay (Rizal).
Ang tatlong Annunciata ng Taytay (Rizal) ay “gumagala” sa kabayanan tuwing Kuwaresma simula ng Ash Wenesday hanggang Semana Santa. Ang Nuestra Señora dela Annunciata naman ng Antipolo ay taunang naglalakbay sa mga bayan-bayan. Pagkagaling nito sa Sitio Bulao, Brgy. Mambugan at Brgy. Mayamot (Antipolo), Marikina, Brgy. Santolan at Brgy. Rosario sa Pasig, tutungo ito sa huling yugto sa Taytay (Rizal), ang unang bayan at Simbahan na naitatag ng mga misyonerong Franciscano sa dakong Silangan ng Laguna de Bay noong 1579.
Viva la Virgen dela Annunciata!
References:
-
- Horacio de la Costa, S.J. The Jesuits in the Philippines 1581-1768. Cambridge, Massachusetts, Harvard University Press, 1961
- Pedro Chirino, S.J. Relation de las Islas Filipinas.
1595-1602. Roma. 1604. (Reprint. Manila. 1890)
(Bilang bahagi ng: The Philippine Islands, 1493-1898. Emma Helen Blair, James A. Robertson. Manila, 1903) - Jose A. Fernandez, Lakbay-Pananampalataya, Parokya ni San Juan Bautista Taytay, 15 Sept 2013
- Msgr. Peter Cañonero, Antipolo Diocese Chancellor–interviews & documents
First posted on 17 March 2015 as “Anunciata, Cofradia sa historya ng Taytay (part 1)”; Current post edited
.