Sa ating historya, ang unang lugar na tinawag na Taytay ay matatagpuan sa Pulaoam na isang kaharian ng mga katutubo sa dakong Silangan ng Kabisayaan. Naitala ito ni Antonio Pigafetta, ang kasama ni Ferdinand Magellan na isang historyador-tagasulat, sinaunang surveyor, at cartographer o tagaguhit ng mapa.
Nadiskubre nila ang kapuluan ng Filipinas noong 1521. Ang pagdating nila ang hudyat ng pagkakatatag ng Kristianismo sa ating kapuluan, halos 500 taon na ang nakararaan.
Pero nasawi si Magellan sa labanan sa Mattam (Mactan). Napadpad ang mga tauhan niya sa pulong kinaroroonan ng Taytay habang sila’y tumatalilis at nagpasiya nang bumalik sa España.
Sa kalaunan, nakatulong ang nasinop na talaan (journal) ni Pigafetta para sa translasyon nito ng wikang Cebuano. Ang talaang iyon ang unang dokumento ng historya hinggil sa naturang wika.
Mahigit isang siglo pa saka lamang pormal na naitatag ng mga Kastila ang Taytay bilang isang bayan noong 1623. Iyon ang ginawang cabicera ng Probinsiyang Calamianes, ang teritoryong tinawag na Paragua noong 1818, at sumunod na pinangalanang Provincia Castilla noong 1858. Ito ang probinsiya ngayon ng Palawan.
Ang pinagmulan ng salitang “taytay”
Ayon sa oral tradition sa Kabisayaan, ang “taytay” ay mula sa katutubong salitang “talaytay” na ang kahulugan din ay “tulay”.
Sa wikang Tagbanwa, “tulay”ang katuturan ng “taytay”. Sa kasalukuyan, ang mga Tagbanwa ay pangunahing matatagpuan sa Palawan. Sila ang isa sa pinakaunang grupong etniko sa ating historya. Naitala rin ni Pigafetta “ang kanilang pagkikipagtagpo at pakikipagsanduguan (blood compact) sa isang haring Tagbanwa na magarbo at palaging sinasamahan ng kaniyang 10-tagasulat (scribes) sa Palaoan.” Primo viaggio intorno al globo terraqueo, ossia ragguaglio della navigazione alle Indie Orientali per la via d’Occidente fatta dal cavaliere Antonio Pigafetta patrizio vicentino, sulla squadra del capitano Magaglianes negli anni 1519-1522; Ang pinakakumpletong manuskrito at kaugnay ng orihinal natagpuan ni Carlo Amoretti sa Biblioteca Ambrosiana, Milan; inilatlahala noong 1800.
Kaugnay nito, ang sinaunang salitang “talaytay” ay naging bahagi na ng mga wikang Hiligaynon o Ilonggo, Bantoanon at maging ng Ivatan. Patuloy pa rin itong ginagamit hanggang ngayon.
Ang Hiligaynon-Ilonggo, Cebuano, Bantoanon, Ivatan, kabilang ang Waray-waray, Tagalog, Kapampangan, Ilokano, Bikol, at Pangasinan ay nagsanga-sanga mula sa uri ng lengguwaheng Austronesian-Malayo-Polynesian.
Heto’t may mga umiiral na pangalang “Talaytay” Island sa Barangay Danleg, Dumaran, Palawan; Barangay “Talaytay” sa Argao, Cebu, “Talaytay” River sa Dinalungan, Aurora.
Kaya nga’t nasa sinaunang bokabularyo ang salitang “taytay” at mga singkahulugan nitong “talaytay” at “tulay”. Matutunghayan sila sa mismong pahina 572 ng edisyon ng Vocabulario de la lengua tagala nina Padre Juan de Nocedo at Padre Pedro San Lucar (1860).
Ang aklat na ito’y itinuturing na kulminasyon ng mga Vocabulario na sininop ng mga misyonerong Padre. Isa itong mina ng mga impormasyon hinggil sa historya, kultura’t pamumuhay ng ating lahi. Muli itong inilathala ng Komisyon sa Wikang Filipino noong 2013.
May isa pang Taytay
Sa kabilang dako, dumating si Miguel Lopez de Legazpi sa ating kapuluan noong 1565—kasunod ni Magellan pagkalipas ng 24-taon. Itinatag niya ang pamayanang Cebu (orihinal na Zzubu). Ito ang naging kauna-unahang bayan sa Filipinas at maging sa buong East Indies na kinabibilangan ng Guam, Marianas, at buong Pasipiko. Dinekreto ito bilang Villa del Santisimo Nombre de Jesus noong 1571 at naging ciudad noong 1594.
Si Legazpi ang tumayong unang gobernador-heneral ng Kastila. Nagpalawak siya ng nasasakupan at dumako sa Luzon noong 1571. Itinatag niya ang siyudad ng Maynila at ginawang cabicera ng punong-pamahalaang Kastila sa buong kapuluan ng Filipinas.
Nang panahong iyon ay may isang komunidad ng mga katutubo na Taytay rin ang pangalan. Nasasakupan ito ng kaharian ng Namayan.
Ang Taytay ay nasa baybayin ng Laguna de Bai, ang pinakamalaking lawa sa buong kapuluan. Madalas itong binabaha. May mga umiiral na mga sali-salibat na daluyang-tubig—kabilang sa mga ito’y nagmumula sa bulubunduking Antipolo at San Mateo na dumadaloy-pahupa sa Laguna de Bai.
Ang mga Aetang Dumagat ay naglalagalag noon sa mga burol ng Taytay, San Mateo, at Antipolo, at hanggang sa paanan ng kabundukan ng Sierra Madre, Banahaw at San Cristobal.
At para sa kanila, ang kahulugan ng salitang “taytay” ay “tulay” rin.
Dumating sa bansa ang Misyong Franciscano noong 1578. Mula sa kanilang sentrong himpilang pangmisyon sa Maynila—ang Visita Santa Ana de Sapa—ang mga misyonero ay tumungong pa-Silangan ng Laguna de Bai. Pormal nilang itinatag ang Taytay bilang isang pueblo o bayan noong 1579.
Samakatuwid, mas naunang naging pueblo o bayan ang Taytay ng Namayan-Santa Ana de Sapa noong 1579 [kaysa sa Taytay ng Palawan noong 1623].
At kahit pa ang Taytay ay bininyagan nang San Juan del Monte ng humaliling misyonero na si Padre Pedro Chirino noong 1598, ang bayang Taytay ay nanatili pa rin sa dati nitong pangalan. Taytay pa rin ang pinili at nakamihasnang pangalan na tawag ng mga tao magpahanggang ngayon.Chirino del P. Pedro. Relacion de las Islas Filipinas y de lo que en ellas han trabajado los padres de la Compania de Jesus, 1557-1635. Roma, 1604; 2 Edicion, Manila, 1890; Capitulo XX, p 69
Ang Taytay ay kabilang sa probinsiya ng Rizal na naitatag noon lamang 11 Hunyo 1901. (Kaugnay: Payag ka bang 5 barangay lang ang Taytay?)
Ugnayang Tagalog-Kapampangan
Sa kauna-unahang census na isinagawa ni Miguel de Loarca sa kapuluan ng Filipinas noong 1582-1583, naiulat na “magkapareho ang lengguwahe ng Tundo at La Pampanga o ‘Pampangan’ (Pampanga, Bulacan, Bataan, at Tarlac—mga bayang bumubuo ngayon ng kalakhang bahagi ng Central Luzon; at nasa gawing Hilaga ng pampang ng Manila Bay).”
Ayon sa tinuran ni Dr. Jose Villa Panganiban na dating commissioner ng Institute of National Language noong 1972, “ang pagitang humahati sa Kapampangan at Tagalog ay ang Ilog Pasig. Ang orihinal na lengguawahe ng Tundo ay Kapampangan o Pampango.”
Kung tuntunin natin, ang kahulugan ng salitang “taytay” sa Tagalog ay “tulay.” At ang kahulugan naman ng “tulay” sa Pampango ay “tete”.
Ang bigkas-tunog (diphthong) ng salitang “taytay” ay “tæ – tæ”. Ganu’n din ang bigkas-tunog ng salitang “tete”. Magsintunog sila.
Kung gagamitin ang Baybayin—ang sinaunang alpabetong Tagalog na gamit ang mga sulat-kudlit (characters) kaugnay ng pantig (syllabary) at bigkas-tunog (diphthong)—ay magkakapareho ang pagbigkas (at pati pagsulat) ng mga salitang “taytay” at “tete”.
Pero dahil ang “tete” ay salitang Kapampangan, maiiba ang pagsulat nito kung ang gagamitin ay ang bersyon ng Baybaying Kapampangan.
Ang siste, mayroon kasing 5 bersyon ng Baybayin sa Tagalog (1593, 1604, 1703, at dalawang 1843) na magkakahawig. Maliban pa ito sa mga tigtatatlong bersyon ng Kapampangan (1699, 1843, at 1962), Visaya (1637, 1663, at 1787), at Ilokano (1620, 1831, at 1843); Bikolano (1835), at iba pang mga katutubong wika.
Kaya kung sakaling magkakapareho man ang kanilang bigkas-tunog para sa iisang salita—tulad sa kaso ng “taytay” at “tete”—ay may mga pagkakaiba naman sila ng katumbas na sulat-kudlit para sa bawa’t pantig. Tignan ang halimbawa mula sa talaan ni Dr. Trinidad H. Pardo de Tavera batay sa akda niyang Contribución para el estudio de los antiguos alfabetos Filipinos noong 1884.
Gayunman, mula rito’y hindi natin isinasantabi ang naging pag-unlad at patuloy na ebolusyon ng ating katutubong wika at pagsusulat—Filipino, Tagalog, Pampango, at iba pa; at pati na ang Baybayin.
Hayan. Natunghayan natin ang pinagmulan at kasaysayan ng salitang “taytay”. Ang tawag natin dito’y Etimology.Ang ETIMOLOGY ay ang pag-aaral ng kasaysayan ng mga salita at kung paano nag-iba ang kanilang anyo at ibig sabihin o kahulugan sa paglipas ng panahon. Pero panimula pa lang ‘yan. Abangan ang karugtong.
Muling paalala po: “Ang hindi lumingon sa pinanggalingan, hindi makararating sa paroroonan.”
Mabuhay ang Tæ – tæ 🙂
https://www.youtube.com/watch?v=oa8f1drTn-Y&feature=youtu.be