Taytay ni Juan

 (First Posted on 4 Sept. 2014 as “Taytay konek ka ba?“)

 

Ang Taytay ay mula sa salitang Aeta na “taitai” na ang kahulugan ay “tulay.” Sa Pampango, ang “tete” ay “tulay.” Sa paggamit ng Baybayin, ang sinaunang alpabetong Tagalog na gamit ang mga sulat-kudlit (characters) kaugnay ng bigkas-tunog (syllabary at diphthong) ay nagkakapareho ng pagsulat at pagbigkas ng salitang “taitai” at “tete.”

Interpretasyon sa pagsulat ng Baybayin batay sa aklat ni Padre Chirino.

TAYTAY-Maynila, may konek sa Pampanga dahil ang Tagalog at Pampango ay magkaugnay noong sinauna pa. Paano?

Mula sa Kabisayaan ay sumulong pa-Hilaga sa Lucon (Luzon ngayon) ang pwersang Kastila sa pamumuno ng conquistador na si Miguel Lopez de Legazpi. Kaagad nilang nasakop ang Maynila noong 1571.

Tinagka ng mga katutubo na bawiin ang Maynila at Tundo. Sa mapagpasiyang labanan sa Look ng Bangkusay, Tundo, kasama nina Raja Sulayman, ang pinuno ng Maynila, at ni Tarik Sulayman, pinuno ng tribung Macabebe, ang malaking hukbong Kapangpangan sa pakikipaglaban. Ngunit nabigo sila at napatay sa labanan si Tarik Sulayman.

Map Mla-Pampang
Mapang ginawa ng mga Paring Agustino, 1639

Naging sentro ng pamamahalang Kastila ang Maynila. Mula sa Katagalugan ay hinugot ang “La Pampanga” at ginawang unang probinsiya sa Luzon. Ang pangalan nito’y hinango mula sa salitang “pampang” nang makita ng mga Kastila na ang mga katutubo ay naninirahan sa mga tabing-ilog, malapit sa look at lawa. Itinuring ding “pampangan” ang mga bayang Bataan, Bulakan, Pampanga at Tarlac (Central Luzon) na nasa malawak na Hilagang “pampang” ng Manila Bay.

Si Miguel de Loarca ay isa sa mga conquistadores na kasama ni Legazpi. Si Loarca ang awtor ng Relacion de las Yslas Filipinas. Isinagawa niya ang kauna-unahang sensus sa Pilipinas noong 1583 at naitala na “ang mga katutubo ng Tundo at Pampanga ay magkatulad ang lengguwahe.” Ito rin ang taon na naging Parroquia ang Taytay sa panahon ng eklesiastikong pamamahala ng Ordeng Franciscano.

Ayon naman kay Jose Villa Panganiban (1972), dating commissioner ng Institute of National Language, “ang pagitang humahati sa Kapangpangan at Tagalog ay ang Ilog Pasig, kaya’t ang Kapangpangan ang orihinal na lengguawahe ng Tundo.”

Sa mula’t mula pa, ang Taytay ay kabahagi ng malawak na VISITA SANTA ANA DE SAPA (dating kaharian ng Namayan sa Maynila), Distrito ng probinsiya ng Tundo. Kung gayon, “ang sinaunang lengguwaheng Tagalog ng Taytayeño ay kapareho ng Kapangpangan”. At hanggang sa kasalukuyan ay may pagkakakilanlan at pagkakatulad pa rin.

Sa Chapter 17 ng aklat na Relacion de las Islas Filipinas (1604) ni Padre Pedro Chirino, ang unang Jesuitang kura paroko sa Taytay noong 1591, ipinaliwanag kung paano ginagamit noon Baybayin sa pagsulat ng lengguwaheng Tagalog.


Picture
Ang pahina mula sa aklat (English translation/edition) ni Padre Chirino — Ang paggamit ng Baybayin ayon sa kaniya, bago at hanggang sa panahon niya, 1591-1604.

Ang Taytay ay mula sa salitang katutubong Aeta na “taitai” na ang kahulugan ay “tulay”. Sa Kapangpangan naman, ang kahulugan ng salitang “tete” ay “tulay” sa Tagalog. (Taytay legends and history)   

Sa paggamit ng Baybayin, ang sinaunang alpabetong Tagalog na gamit ang mga sulat-kudlit (characters) ay kaugnay ng bigkas-tunog (syllabary at diphthong). Dahil dito ay nagkakapareho ang pagsulat at magkahawig ang pagbigkas (phonetics) ng salitang “taitai” at “tete”.

(Ang bigkas-tunog ay ikinunsulta rin sa Regla cuarta” ng “Vocabulario de la lengua tagala” nina Padre Juan de Nocedo at Padre Pedro San Lucar, 1860″.     

  

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *