Taytay ni Juan

BASAHIN ANG NILALAMAN…

Heto na ang aklat ng Tatay ng Taytay ni Juan.”

Ito ay rekognisyon kay Padre Juan Portocarrero de Plasencia bilang Tatay o tagapagtatag ng bayan at Simbahan ng Taytay.

Si Padre de Plasencia ay isang pinagpipitaganang misyonero ng Ordeng Franciscano (OFM). Banal na tagapagturo ng Pananampalataya. Bihasang manunulat at guro sa lengguwaheng Tagalog sa kaniyang kapanahunan. May matibay na paninindigan sa panig ng naaaping katutubo. Masikhay na tagapagtatag ng mga komunidad at pamayanang Kristiano.

Ito ay historya rin ng bayan at Simbahan ng Taytay. Ang Patrong San Juan Bautista, na siyang tagapanguna sa daraanan ng Panginoon, ang siyang inspirasyon at alaala sa sulating ito.

Ngayon ay 2018. “Taon ng Kaparian at Relihiyoso” kaugnay sa paparating na selebrasyon ng “ika-500 taon ng Kristianismo sa Filipinas.” Napapanahong kilalanin natin si Padre Juan de Plasencia (OFM), ang Tatay ng Taytay ni Juan.”

Inilulunsad ang aklat na ito ngayong ika-25 ng Marso. May natatanging puwang ang petsang ito sa kasaysayan ng Taytay.

Benedictus Deus!  🙂

Ayon sa May-akda:

“RELIHIYOSO at Mapagdangal. Sumasampalataya sa Dakilang Maykapal. Ipinagmamalaki ang ginigiliw na bayan. Ganiyan ang butihing Taytayeño.

Tigib ng pag-asa ang Taytayeño. Kumpiyansa siya sa kaniyang kasalukuyan. Kaya lamang, tila hindi niya pansin at wala sa kaniyang kamalayan ang natatangi niyang historya. Sayang naman kung salat ang kaniyang kaalaman sa pinagmulan ng niyayakap niyang Simbahan at sinisintang bayan.

Paano, kung gayon, ang pagsulong sa kinabukasan? Magpapatuloy na lang ba siya sa pag-usad nang hindi man lamang hahanapin at kikilalanin ang “tatay na nagtatag ng kaniyang bayan”?

Sa historical tablet ng National Historical Institute (1992) na
nakatambad sa harapan ng simbahan ng Parokya ni San Juan
Bautista ay hindi matutunghayang nakasulat ang pangalan ni
Padre Juan de Plasencia, OFM.

Ang Lakbay-Pananampalataya: Parokya ni San Juan Bautista,
Taytay, Rizal—ang unang aklat na aking akda—ay nailathala noong
15 Setyembre 2013, Taon ng Pananampalataya. Naitala si Padre de
Plasencia bilang isa sa mga unang misyonerong Padre na yumapak
sa Taytay. Pero hindi natukoy na siya mismo ang tagapagtatag nito
bilang isang pamayanang Kristiano. (…tunghayan ang buong nilalaman
ng aklat
…)

Maaaring magpareserba ng libreng e-copy ng aklat sa pamamagitan ng blogsite na ito (at para rin sa hindi maka-access sa gamit ng cellfon). Pansamantalang gamitin muna ang “comment box” sa ibaba para sa mensahe ng pagpapareserba, at iba pang feedback… 🙂

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *