First posted Aug. 19, 2017 as Taytay konek ka ba? (part 2): Current post edited
ANG “TAYTAY” ay “tulay” ang kahulugan para sa mga katutubong Aeta (Negrito) na naglalagalag noon sa mga burol ng Taytay (Rizal), San Mateo, Antipolo, at sa paanan ng kabundukan ng Sierra Madre at Banahaw na nakapalibot sa dakong Silangan ng Laguna de Bay.
(Kaugnay: Tulay ng Taytayeño, tete ng Pampango)
Nananatiling “tulay” ang kahulugan ng “taytay” nang maitala sa aklat na Vocabulariong Tagalog na pinasimulan ni Padre Juan de Plasencia, ang founder ng bayan at Simbahan ng Taytay.
Ang “taytay-tulay” ay matutunghayan sa pahina 334 at 572 ng edisyon ng Vocabulario de la lengua tagala nina Padre Juan de Nocedo at Padre Pedro San Lucar (1860). Ang aklat na ito’y itinuturing na kulminasyon ng mga Vocabulario na sininop ng mga misyonerong Padre. Ito’y muling inilathala ng Komisyon sa Wikang Filipino noong 2013.
Ang mga natipong Vocabulariong Tagalog ay hindi lamang napakahabang listahan ng mga salitang Español at ng mga katumbas nito sa Tagalog. Ito ay kalipunan din ng sinaunang literatura ng ating lahi. Napakayaman nito sa kultura at Pananampalataya.
May mga kontra-Katolikong mangmang sa kasaysayan. Pinipintasan nila ang dasal na “Aba guinoong Maria” [Aba, ginoo ang Mariang Ina] dahil sa salitang pang-uri (adjective) na ”ginoo” na ginamit patungkol kay Santa Maria. Sa intindi nila, ang salitang “ginoo” ay dapat na patungkol lamang sa kasariang lalaki. [kaugnay: Catechism and native language]
Heto ang totoo. Noong una pa man ay ginamit na ng mga misyonerong prayle ang salitang “ginoo” sa pagtuturo nila ng pagbasa-at-pagsulat at Pananampalataya sa mga katutubo. Matutunghayan ito sa Doctrina Christiana, ang pinakaunang aklat na inilimbag sa Filipinas (1593), at sa Arte y Vocabulario Tagalo(1581) ni Padre de Plasencia. At ito’y naisalin pa hanggang sa pinakahuling Vocabulario de la lengua tagala nina Padre Nocedo at San Lucar (1860). Mga halimbawa:
- “Principal señora”(p. 125);
- “[Dama] Babaeng mahal at maguino”…”dangal na ipinag cacaloob sa manga babaeng guinoo na umaabay at nag lilingcod sa manga Reyna, Princesa ó Infanta” (p.481);
- “Sinambot nang Dios ang Guinoong Santa Maria, nang di maramay sa casalanan ni Adan” (p.282).
Si Dr. Jose Rizal na hinubog sa edukasyong Kastila ay may “liham sa mga kadalagahan ng Malolos” noong 1889. Patungkol iyon sa dalawampu’t isang dalaga na mula sa mga tanyag at mayayamang angkan sa Malolos na nagnais makapagpatayo ng eskwelahang panggabi para sila’y turuan ng wikang Español. Ang sabi niya:
“Pukawin ninyo ang sigla at sipag, maginoong asal, mahal na pakiramdam at huag isuko ang pagkadalaga sa isang mahina at kuyuming puso” (p.11).
PARAAN NG PAGBIGKAS. Napagpapalit ng dayuhang Kastila ang gawi ng pagbigkas nila ng “r” at “d”. Ganito ang nasa Doctrina:
- “Aba guinoo Maria…Bucor (bukod) cang pinagpala sa babaying lahat”…
- “houag cãg maquiapir (makiapid) sa di mo asaua”…
- “Ang banal na tauo gagantihin niya nãg caloualhatian nang langit, ang nacasonor (nakasunod) silla nang caniyang otos.”
Maraming kakatwang pag-aakala na impluwensiya ng mga Hapones noong World War 2 ang nakamihasnang pananalita sa bayan ng Morong at mga kalapit na Rizal uptowns. Tampulan ng tudyuhan ang bigkas ng mga salita at katagang may letrang “d” at “l” bilang katumbas ng “r”. Pero, may pagsususugan naman sa Vocabulario ang mga ganitong halimbawa :
- “BANAYAR (banayad). Banayar na loob, Hanqin, Agos, Lupa, Bondoc”, “Banayarin mo, ó pacabanayarin ang pag gaua mo” (p. 35);
- “Banayar—Husay, hinayhinay” (p.445);
- “marahan, mabanayar” (p.146);
- “SAGARSAR (sagadsad)—isinagadsad niya sa ringring” (dingding) (p.272);
- “SAPALAR (mula sa salitang ugat na ‘palar’ o ‘palad’)—Ang di nagsasapalar (nagsasapalaran), diti fatauir (patawid) sa ragat (dagat)” (p.287);
- “Di man sa ragat mamangca nacahuhuli nang isdá”(p.39).
Nagpapalitan din ang “r” at “l” nila:
- “Confesar. Compisal” (p.471, p.379);
- “Confirmar. Compil” (p.379);
- “tambor. Instrumentong tambol, pangalampag” (p.41, p.375);
- “Bandera. bandila” (p.354);
- “Barangay. Balanğay” (p.449).
Ang “Moron” ay isang bayan sa Seville, Spain. Ipinangalan ito sa ilang lugar na kalauna’y naging “Morong” ang bigkas. Tulad rin nito ang nangyari sa ilang mga bayan sa historya ng misyong Franciscano: Ang Lumban ay naging Lumbang, ang Nagcarlan naman ay naging Nagcarlang, at ang Mandaluyon ay Mandaluyong.
Kawangis ito ng sinaunang pananalita ng Taytayeño sa palit-palitang tunog-bigkas ng mga salitang may “n” at “ng” sa dulo.
Mapapansin din ang ganito sa Doctrina ni Padre de Plasencia:
“Acoy macasalanan nagcocõpesal aco
sa atin panginoon (ating panginoong)
dios macagagaua sa lahat at cai sancta Maria uirgen
(santa Mariang birheng) totoo at cai
sanct (san) Miguel archangel, cai
sanct (san) Juan baptista sa sanctos (santos)
apostoles cai sanct Pedro, at cai sanct Pablo
at sa lahat na sanctos at sa iyo padre…”
Matiyaga at mabisa ang pamamaraan ng pagtuturo sa atin ng Katesismong Tagalog ng mga misyonerong Padre. Lubha itong mabunga. Sa kabila ng paglipas ng daan-daang taon, ang diwang nilalaman ng Doctrina Christiana ay ginagamit pa rin natin hanggang ngayon. Isa itong patunay na ang deposito ng Katuruang Katoliko ay hindi kumukupas o nagpapabagu-bago sa paglipas ng panahon.
Nagawang pagkaisahin ng mga misyonero ang mga katutubong dayalekto at pagsusulat sa pagtuturo nila sa ilalim ng sistemang reduccion. Ang mga unang babasahing Kristiano sa iba’t ibang dayalekto na inimprenta ni Tomas Pinpin—ang unang Filipinong tagagawa ng letrang pang-imprenta (typographer) at taga-imprenta (printer)—ay hindi Baybayin bagkus ay alpabetong Latin-Romano na turo ng Kastila ang ginamit.
Patuloy pa ring ginagamit ang alpabetong Latin-Romano hanggang ngayong cyber age at kahit pa malaganap na ang wikang English. Di nga ba’t ang New World o Amerika ay nadiskubre, pinundar at inaralan din ng Kastila, kaya gamit pa rin nila ang alpabetong Latin-Romano sa kanilang pag-i-English?
Nananatili pa rin ang pundasyon ng ating wika. Ang nahahantad na mga “pagbabago” sa alpabeto at letra, salita at pagbigkas sa wikang Filipino—na pangunahing nakabatay sa Tagalog—ay natural na ebolusyon lamang ng ating lengguwahe.
KAKANIYAHAN NG TAYTAYEÑO
Popular ang katagang “bang” sa TAYTAY. Nakamihasnan ng Taytayeño ang pananalitang gamit ang katagang “ban/g” na kadalasang ikinakabit bilang unlapi (prefix) sa unahan ng salitang pang-uri at pang-abay (adjective at adverb).
“Madamdamin” kung mangusap ang Taytayeño; tila raw “pirming galit”. With feelings! Kaya ang simpleng salitang “mahusay” (pang-uri) ay nagiging “banghusay!” Ang salitang “marami o madami” (pang-abay) ay nagiging “bandami!”
Ang mga salitang pinaikli para bumuo ng isang bagong salita (contraction) ay nagbigay-daan sa madulas na pagbigkas. Gaya nito:
“Aba, ang husay……‘Ba ‘ng husay……Banghusay!”
“Aba, ang dami……‘Ba ‘ng dami……Bandami!”
At kakaiba rin ang salitang pinaikli na “ha’o” sa Taytay. Dahil nga may bahid ng orihinal na Pampango ang wikang Tagalog ng Tundo-Maynila-Taytay, sumisingit ang tunog-bigkas ng “h” ng Taytayeño. Kaya nga ang simpleng “oo” ay nagiging marubdob na pagbulalas:
“Ay, oo”……“Hay, ha-o”……“Ha’o!”
Ha’o nga, ang Vocabulario ay tunay ngang deposito rin ng ating pamanang literatura, kultura, historya at Pananampalataya. Walang dudang nasa Vocabulariong Tagalog ang ginigiliw nating bayan ng TAYTAY.
Mabuhay ang TAYTAY!
Postscript: “Sa alaala ni Bro. Kapitan Dante Cruz Francisco, isang butihing lingkod-bayan at manggagawa ng Kapilya ng San Isidro sa Parokya ni San Juan Bautista.”